ITINATAG ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa University of the Assumption (UA), ang unang SWK na itinatag sa Lalawigan ng Pampanga.
Dinaluhan nina Komisyoner Arthur Casanova, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Rev. Fr. Oliver Yalung, DL, PhD, pangulo ng University of the Assumption (UA) ang Lagdaan ng Memorandum ng Unawaan (MOU) sa pagtatag ng SWK na ginanap sa naturang unibersidad, ang ika-44 na SWK sa Pilipinas na magsusulong, at magtataguyod ng wika at kulturang Kapampangan.
Dumalo rin sa lagdaan sina Dr. Reggie Cruz, komisyoner ng Wikang Kapampangan; Dr. Arnel Sicat, pangalawang pangulo para sa mga Gawaing Akademiko ng University of the Assumption; at iba pang opisyal at kawani ng KWF at University of the Assumption.
Ang matagumpay na pagtatatag ng SWK ay naisakatuparan sa inísyatíba ni Komisyoner Cruz na nagnanais na magkaroon ng komprehensibong pag-aaral at pananaliksik hinggil sa wikang Filipino, kultura, at wikang Kapampangan kabilang ngunit hindi limitado sa paggawa ng diksiyonaryo, pagsasalin, at pagsulat ng mga aklat hinggil sa Araling Kapampangan.
Ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ang bisig ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mga rehiyon at lalawigan. Tulad ng ibang mga SWK, inaasahang magiging katuwang ng KWF ang SWK sa pagsasagawa ng mga programa at proyekto ng komisyon.