27.1 C
Manila
Miyerkules, Abril 30, 2025

Sumakses, atbp.: Panghihiram ng salita

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

SUMAKSES. Viral ngayon, usong-uso, sa nakababatang henerasyon, ang salitang sumakses. Mula ito sa salitang Ingles na “success” na nangangahulugang “tagumpay.” Tagumpay sa propesyon o hanapbuhay, tagumpay dahil nanalo sa isang paligsahan, tagumpay dahil nakatapos ng manuskrito ng libro o artikulong pang-journal, at iba pang katulad na tagumpay.

Pansinin ang ispeling ng salita. Pansinin din na may panlaping -um- , kaya iba na ang anyo sa orihinal na salitang Ingles.

Ilang dekada na ang nakararaan, sa aking mga kahenerasyon at maliit na sirkulo ng mga kakilala’t kaibigan, at hindi naman naging viral dahil wala pang social media noon, may napansin akong iba namang gamit ng salitang “success.” Hindi binago ang ispeling, hindi nilagyan ng panlapi. Success! Ito ang isinisigaw ng isang tao paglabas ng CR (comfort room o toilet) sabay taas ng mga kamay kapag matagumpay nang nailabas ang dapat ilabas.

Sadyang ganyan. Kapag nanghihiram tayo ng mga salita sa ibang mga wika, nagkakaroon ng mga pagbabago ang orihinal na salita. Maaaring mabago ang ispeling, bigkas, pati kahulugan. Pwede ring maging tulad ng nangyari sa “success” at “sumakses” na nanatili ang orihinal na kahulugan ng “tagumpay” pero naiba na ang kaligiran.

Bakit nanghihiram ng mga salita


Hindi bago ang panghihiram ng salita sa ibang mga wika. Ang totoo, walang alinmang wika na makapagsasabing ito’y puro o walang ano mang salitang hiniram sa ibang mga wika. At totoo rin, na sa ating wikang Filipino, maraming salitang hiram na malaganap nang ginagamit at napakatagal nang bahagi ng ating pananalita, na hindi natin alam ay hiram pala. Sinasabing ang ating tawag sa nakatatandang kapatid, tulad ng ate, dete, ditse, sanse, kuya, diko, dikong at iba pa, ay mula sa wikang Tsino. Maraming pangalan ng pagkain na hiram, tulad ng pansit, lumpia, siomai, kimchi, spaghetti, lasagna, at maraming iba pa. Mangyari pa, may tatak Pinoy na ang mga ito kapag Pilipino ang nagluto.

Bakit nga ba tayo nanghihiram ng salita?

Kung minsan, dahil kailangan o hindi maiiwasan. Halimbawa, ang salitang hiram ay hindi ginagamit sa isang wika dahil kumakatawan ito sa isang bagay o konsepto na hindi umiiral sa isang wika.

Isang magandang halimbawa ang computer. Bagong imbensyon ang bagay na tinatawag na computer. Wala itong katumbas sa wikang Filipino dahil hindi naman tayo ang nakaimbento ng computer. May mga salitang kaugnay ng computer na dati nang ginagamit, pero binigyan ng bagong kahulugan, tulad ng mouse. Sa halip na isalin pa itong “daga,” minabuti ng mga tagagamit na hiramin na lamang ang salitang mouse pati ang bago nitong kahulugan.

- Advertisement -

Nanghihiram din dahil maaaring ang isang konsepto, paniniwala, o aksyon ay hindi alam ng mga tagagamit ng isang wika. Isang halimbawa ang salitang “rape” na walang katumbas sa mga wika sa Cordillera, dahil daw walang rapist sa Cordillera at hindi nila ginagawa iyon. Ganoon din siguro ang dahilan kung bakit mahirap ihanap ng salin sa Filipino ang salitang “impunity” dahil hindi naman ganoon kasama ang ating mga ninuno at hindi nila gawa ang kasamaang walang pananagutan. Kaya pwedeng hiramin na lamang ang mga salitang tulad ng mga ito.

Ano ang nangyayari sa hiniram na salita?

Ang totoo, hindi yata angkop na tawaging “panghihiram ng salita” kapag gumagamit tayo ng mga salita mula sa ibang mga wika. Hindi tulad ng hiniram na mga bagay, na agad nating ibinabalik sa may-ari pagkagamit, at pinakaiingatang hindi magasgas o masira at pinananatili sa orihinal nitong anyo,  ang hiram na salita ay hindi na isinasauli sa may-ari. Ni hindi na nga ipinagpapaalam ito. Basta na lang ginagamit. At ginagamit sa paraang gusto natin, walang pakundangan kahit pa mabago na ang orihinal na anyo. Binabago natin ang baybay o ispeling, bigkas, pati kahulugan.

Isang halimbawa ang ngalan ng ating bansa. Ito’y mula kay Haring Felipe ng Espanya. Dapat siguro’y Felipenas ang ngalan ng bansa natin, pero ito’y naging Filipinas, na naging Pilipinas at hanggang ngayo’y nananatili pa ring Pilipinas ayon sa Konstitusyong 1987 at iba pang batas.

Nababago ang bigkas. Iniaangkop natin sa sariling palabigkasan ang hiram na salita. Kung ang tunog ay hindi umiiral sa nanghihiram na wika, pinapalitan ito ng pinakamalapit na tunog. Halimbawa, ang chinelas mula sa Kastila ay naging sinelas dahil walang tunog na /ts/ sa Tagalog at /s/ ang pinakamalapit na tunog. Hindi na naririnig ngayon, pero noong ipakilala ng mga mananakop na Kastila ang rosario, binigkas itong dusaryo ng ating mga lola dahil hindi likas sa Tagalog ang /r/ sa simula ng salita, kaya pinapalitan ito ng /d/ o /l/.

Ganito ang naganap sa retrato na naging litrato nang hiramin sa ating mga wika sa Pilipinas. Isa pang halimbawa ang cebollas na naging sibuyas dahil walang tunog ng /ly/ sa ating wika. Ganito rin ang kaso ng apellido, na naging apelido. Gayon din ang mañeca na naging manika bagama’t may gumagamit din naman ng manyika.

- Advertisement -

Kung minsan, may isinisingit na tunog – halimbawa, guerra, na binibigkas na gera. Malaganap nang ginagamit ang giyera/gyera, hindi lamang ng masa kundi maging sa mga teksbuk. Di ba’t dumaan tayo sa matinding gyera noong 1941-45. Pero nang nakaraang dekada, may gumagamit na ng gera dahil mas sosyal daw sa pandinig.

Kung minsan, nababaligtad ang pwesto ng mga tunog. Ganito ang nangyari sa pared na naging pader. Nagkapalit ng pwesto ang /r/ at /d/ at naging mabilis ang bigkas.

Nababago ang kahulugan. Kung minsan din, nababaligtad ang kahulugan ng hiram na salita. Isang halimbawa ang salvage, na sa Ingles ay nangangahulugang “iligtas.” Pero sa Pilipinas, ang mga biktima ng salvaging ay hindi iniligtas, kundi pinaslang nang hindi dumaan sa tamang proseso ng paghuhukom.

Kongklusyon. Samakatwid, kapag nanghihiram ng mga salita, ang nanghihiram na wika ang nasusunod sa bigkas, baybay at pagpapakahulugan ng salitang hiram ayon sa kalikasan ng wikang nanghihiram. Ito ang natural na nagaganap at hindi dapat ikahiya. Ganito rin ang nagaganap sa iba pang mga wika. Kaya nga nang hiramin ng mga Amerikano ang ating salitang bundok, ito’y naging boondock, na binibigkas nang mabagal sa halip na mabilis. Hindi na kailangang ibalik sa orihinal ang hiniram na salita dahil hindi ganito ang natural na proseso. Hindi na kailangang ibalik sa orihinal na retrato  ang matagal nang umiiral na litrato dahil ito ang umaayon sa ating mga dila. Ayon nga kay Lope K. Santos, ang dila ng bayan Ang masusunod.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -