28.5 C
Manila
Linggo, Hunyo 15, 2025

Mga panganib ng pagganti sa pagpapataw ng taripa ni Pangulong Trump

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NANG simulan ni Pangulong Donald Trump ang pagpapataw ng matataas na taripa sa mga produktong iniluluwas ng mga bansa sa Estados Unidos maraming masasamang epekto ang naranasan ng mga ekonomiyang pinatawan ng mataas na taripa. Kasama sa mga sakripisyong pinapasan ng mga kakalakalang bansa ng Estados Unidos ay ang pagtamlay ng kanilang ekonomiya bunga ng pagbaba ng pambansang kita na nakaugat naman sa mababang antas ng pagluluwas.  Dahil sa mga masasamang epekto ng pagpapataw ng taripa ng Estados Unidos napipilitang gumanti ang mga bansang  nakararanas ng sarisaring sakripisyo.

Isa sa mga popular na paghihiganti ng mga bansang naapektuhan ay ang pagpapataw rin ng taripa sa mga produktong iniluluwas ng Estados Unidos sa kanilang bansa. Tunay na masasaktan ang Estados Unidos sa paghihiganti ng mga bansang ito dahil ang eksport ng Estados Unidos ay liliit at maaaring bumaba rin ang pambansang kita nito.

Ngunit hindi rito nagwawakas ang epekto ng paghihiganti dahil bumabalik rin sa mga bansang naghiganti ang kanilang pagpapataw ng taripa sa  pamamagitan ng pagbaba ng kanilang pambansang kita at ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunga na mataas na presyo ng mga inaangkat.

Samakatuwid, ang paghihiganti sa pagpapataw ng taripa ng Estados Unidos ay naparurusahan ang Estados Unidos ngunit bumabalik rin sa mga naghihiganting bansa ang kanilang parusa. Sa kabuoan, ang mga bansa sa buong mundo ay nakararanas ng pagbaba ng pambansang kita at pagtaas ng inflation rate na nauuwi sa pandaigdigang resesyon. Naiintindihan natin na dapat turuan ng leksiyon ang Estados Unidos sa kanyang patakarang naghihigpit sa kalakaalan ngunit dapat isipin din ng mga bansang naghihiganti sa Estados Unidos ang epekto nitong resesyon sa buong mundo tulad ng naranasan noong Great Depression noong dekada 1930. Ang solusyon talaga ay mag-usap ang mga bansa upang maiwasan ang mga masasamang epeko ng digmaan sa kalakalan.

Ang ikalawang alternatibo ng paghihiganti sa Estados Unidos ay ang sabayang pagbebenta ng mga bond na inisyu ng US Treasury. Alam natin ang mga bansang pinapatawan ng taripa ng Estados Unidos ay mga bansang may malalaking BOP surplus. Ang malaking bahagi ng kanilang BOP surplus ay hindi ginagamit na pondo sa pag-aangkat bagkus ay ginagamit ito sa pagbili ng mga bond na inisyu ng US Treasury.  Ayon sa tinatayang ulat, ang Japan, mga bansa sa European Union (EU) at Canada ay humahawak ng US Treasury bond na nagkakahalaga ng halos USD 8.5 trilyon na kumakatawan sa halos 25% ng kabuoang US Treasury bond.


Kapag nagkasundo ang Japan, ang mga bansa sa EU at Canada na pag-isahin ang kanilang desisyon sa paghawak ng mga US bond mistulang nagkakaroon sila ng kapangyarihan sa bilihan ng mga US bond. Sa kapaligirang ito, maaari nilang pagsabayin ang pagbebenta nila ng mga hawak na US bond bilang paghihiganti sa pagpapataw ng taripa sa kanilang mga iniluluwas. Kung ganito ang mangyayari, lalawak ang suplay ng bond sa Estados Unidos at babagsak ang presyo nito. Sa pagbagsak ng presyo ay tataas ang interest rate sa Estados Unidos upang maging kompetitibo ang iba pang yamang pananalapi sa pagtaas ng porsiyento ng balik sa mga bond. Sa ganitong sitwasyon naparurusahan ang Estados Unidos.

Ano naman ang mga implikasyon ng ganitong paghihiganti? Sa pagtaas ng interest rate tataaas din ang halaga ng paghawak ng salapi, magiging mahal ang panghihiram ng pondo kasama ang pagbabayad ng mga utang, at lalawak ang fiscal deficit ng pamahalaan ng Estados Unidos. Ang mga ganitong epekto ay maaaring mauwi sa resesyon.

Ang mga bansang nagsusulong ng ganitong uri ng paghihiganti ay naniniwala na masasaktan ang Estados Unidos sa pagbagsak ng presyo ng bonds at dahil dito mapwepwersa si Pangulong Trump na maging mahinahon sa pagpapataw ng matataas na taripa sa mga kakalakalang bansa. Ngunit mabigat din ang isasakripisyo sa alternatibong ito ng buong mundo na magdurusa sa mataas ng interest rate, resesyon at mababang halaga ng US dolyar.

Ilan sa mga pagsasakripisyo ng mga bansang naghihiganti ay kung saan nila dadalhin ang benta sa kanilang hinahawakang US bond. Anong bansa o bilihang pananalapi ang may kakayahang tumanggap ng  napakalaking halaga? Ikalawa, handa bang ipagbili ng mga bansa ang kanilang hinahawakang mga US Treasury bond sa mababang presyo bunga ng kanilang sabayang pagbebenta at dahil sa depresasyon ng US dolyar?

- Advertisement -

Ang alternatibong ito ay mas masahol pa sa paghihiganti ng mga bansa sa Estados Unidos sa pamamagitan ng pagpapataw rin ng taripa. Matitindi rin ang sakripisyong papasanin ng mga nagbabalak na isagawa ito  dahil bababa ang halaga ng hawak nilang bond at mamomoproblema sila kung saang bilihang pananalapi ilalagak nila ang hawak nilang mga murang US dolyar.

Sa halip na digmaan sa kalakalan walang papalit sa masinsinang pag-uusap at kooperasyon ng mga bansa sa paghubog ng global na patakarang pangkalakalan tulad ng ginagawa ng World Trade Organization (WTO).

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -