AYON sa isang ulat, lima sa shortlist ng mga kwalipikadong humalili kay PGen Rommel Marbil bilang Hepe ng Philippine National Police (PNP) ang nilaktawan ni PGen Nicolas Torre III nang siya ang mapiling hirangin ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa puwesto. Paliwanag ng Malakanyang, performance at accomplishment ang naging pamantayan ng presidente sa paghirang. Maitatanong samakatuwid: Anong accomplishment?
Tumunog ang pangalan ng heneral nang pamunuan niya ang pag-aresto kay Apollo Quibuloy, ang nagproklama sa sarili na “Annointed Son of God,” punong pastor ng sektang tinaguriang Kingdom of Jesus Christ (KOJC). Direktor noon ng PNP si Heneral Torre sa Davao Region. Sa laki ng puwersa ng kapulisan na ginamit sa operasyon (tinatayang nasa 2000 ang bilang ng mga pulis na sangkot), masasabi mo na hindi iyun simpleng pag-aresto sa isang akusado ng krimen kundi malaking giyera. Bakit nga ba ang hindi, kung bibilangin mo naman ang libu-libo ring pwersa ng kasapian ng KOJC na desididong harangan ang kapulisan sa pagpasok sa ekta-ektaryang lupaing sakop ng simbahan na hininalang pinagtataguan ni Quiboloy. At sa natuklasang mga armas na nakaimbak sa mga lihim na taguan sa KOJC compound, masasabing wasto lamang ang kilos-pandigmang ginawa ni Torre sa pag-aresto sa pastor. Isipin nyo kung isang maliit na arresting team lamang ang dala ng heneral, malamang masaker ang inabot nila.
Ipinagpilitan ng mga tagasunod ni Quiboloy na wala sa compound ang pastor at kinailangan ng pulis na pwersahang suyurin ang buong paligid, gibain ang mga pader, halukayin ang mga lagusan sa ilalim ng lupa upang tuklasin, sa wakas, na naruruon nga si Quiboloy.
Maliwanag na di birong trabaho sa paniniktik ang ginawa ni General Torre upang tiyakin na si Quiboloy ay sa loob ng KOJC compound naglulungga.
Ganun pa man, ibayong talas pa rin ng pakiramdam, pagsusuri sa kapaligiran at pag-aaral sa mga kilos ng mga tauhan ng KOJC upang talagang puntiryahin kung saan eksaktong nagkakanlong ang pastor. Ang gawin ang pagpuntirya sa 30-ektaryang kalupaan ay napakaimposibleng mangyari.
Pero nagawa ni Torre. At kung paano niya ginawa ay maaaring ituring na trade secret sa larangan ng digmaan. Sa isang briefing sa media, nilinaw ni Presidente Marcos Jr. na si Quiboloy ay hindi dinakip. Siya ay sumuko.
Ibig sabihin, kusa nang lumantad ang pastor mula sa pinagkakanlungan sa loob ng 30-ektaryang compound ng KOJC at sumuko ito sa mga opisyal na pinili niyang pagsukuan. Mapayapa itong sumakay sa isa sa convoy ng mga sasakyan ng pulisya na maghahatid sa kanya sa C-130 na naglipad sa kanya papuntang Maynila.
Isang kondisyon lamang ang hiningi ni Quiboloy upang pumayag sa biyahe: ang huwag makita ang mukha ni Heneral Torre.
Ano nga ba talaga ang ginawa ni Heneral Torre upang sa wakas ay mapilitan si Quiboloy na lumantad na.
Trade secret nga, ang kulit.
Iyan ang kapuna-punang katangian ni General Torre. Kasat na kasat sa mandato ni Sun Tzu sa Art of War: “Hayaan mong ang iyong mga balak ay maging kasing dilim ng gabi at sa sandaling kumilos ka, bumigwas na parang kulog.”
Hindi malaman ni Quiboloy kung ano ang tumama sa kanya. Basta’t nasumpungan na lamang niya ang sarili na lumalantad at nagsusumamo: “Tama na.”
Ganun din ang nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Ayon sa balita, natunugan ng Digong na lumabas na ang Red Notice ng Interpol para sa pag-aresto sa kanya. Sakdal na “crimes against humanity” kaugnay ng kanyang “war on drugs” ang isinampa laban kay Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Sagsag sa Hong Kong si Digong upang sa paimbabaw ay dumalo sa rally ng mga Duterte supporters, subalit sa pailalim ay humingi ng asylum sa China. Tumanggi ang China, kaya napilitan ang Digong na umuwi ng Pilipinas.
Pagkalapag na pagkalapag pa lang sa Ninoy Aquino International Airport, sa passengers lounge ng paliparan, huli na sa lambat ni General Torre ang dating presidente. Isang sandali ng pagtatalo sa mga usaping ligal, na rito ay tinanong ni Duterte si Torre kung sino ang kanyang superior at kakausapin niya.
“I am in command here. Three star na po ako,* pahayag ng heneral, sabay hila kay Digong pasakay sa van na nagdala sa kanya sa kanugnog na Villamor Airbase. Doon inilulan si Duterte sa naghihintay na private jet na naglipad sa kanya papuntang Hague, Netherlands upang doon ikulong sa piitan ng ICC.
Dalawang maituturing na higanteng pagbabalikwas, garapalang pagsuway sa mga kalakaran ng batas, buong giting na binuno ni Torre at napangibabawan.
Mangyari pa, sa bawat tagumpay, may kaukulang medalya. Pagkaraang mapasuko si Quiboloy, naangat si Heneral Torre sa pagiging pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP. At makaraang bitagin si dating Pangulo Duterte at ipalipad sa kulungan sa ICC, ano pang parangal ang maaaring ipagkaloob kundi ang kataas-taasang pwesto na Chief, Philippine National Police.
Nakapagpapataba ng puso na pagmasdan si Heneral Torre na pinanunumpa ni Presidente Marcos Jr. sa kanyang pinakamataas na tungkulin sa pulisya.
Kung tutuusin na sa bawat pag-angat ng ranggo na kanyang tinamo nitong kagyat na nakaraan, may nakaabang na panibagong higanteng pagbabalikwas ang dapat na harapin.
Ganun pa rin ngayon.
Buong tapang na ipinahayag ni Bise Presidente Sara Duterte na gusto niyang matuloy ang kanyang impeachment trial dahil gusto niya talaga ng bloodbath.
Paagusan na ng dugo.
Anong lihim na pamamaraan uli ang nakaambang gamitin ni Heneral Torre upang ampatin ang pag-agos ng dugo?
Sa anu’t-anuman, bukas na aklat ang kasaysayan ng Heneral sa pagbaka sa mga pagbabalikwas. Subukan ni Sara na umisa rin, hinding-hindi siya mapapahiya.
Di naging popular ang paghirang kay Heneral Torre bilang PNP Chief. Kalakhan sa mga batikos dito ay ang kanyang pagiging di gradwado ng Philippine Military Academy (PMA). Simula nang matatag ang PNP (bilang kapalit ng Philippine Constabulary), lahat ng mga Hepeng naghalihalinhang mamuno rito ay gradwado ng PMA; bukod tangi si Heneral Torre ang gradwado ng Philippine National Police Academy (PNPA).
Walang batas na nakasulat na ang PNP Chief ay dapat na nagtapos sa PMA, subalit ito na ang naging tradisyun na kailanman ay hindi nabali mula’t sapul kundi ngayon lang. Sa tingin ng mga kritiko ni Torre, ano pang ibang magigiting na tradisyun ng bansa, na bagama’t di nakasulat ay naging bahagi na ng mabuting pamamahala, ang maaaring baliin?
Huwag nating guluhin ang usapan. Nahaharap sa malaking gulo ang Pilipinas sa paglaganap ng kilusang Maisug ng mga Duterte. Kung kailangan ang isang PNPA graduate “lamang” na subok din naman sa maraming malalaking laban upang ang mga alalahanin ng pagbabalikwas ay pangibabawan, bakit ang hindi?
Mulat sa kasaysayan, hindi maaaring hindi manariwa sa isipan ni Pangulo Marcos Jr. na sa pagkakapatalsik sa kanyang ama noong 1986, isang PMAer – Fidel V. Ramos – ang isa sa mga pangunahing may kagagawan.
- Advertisement -