28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 6, 2025

Karapatang pangwika ng mga bata

- Advertisement -
- Advertisement -

ALAM mo ba na kabilang sa mga batayang karapatang pantao ang karapatang pangwika, lalo na ng mga bata?

Ano ba itong karapatang pangwika?

May karapatan ang bawat isa sa atin na magpahayag ng saloobin at iniisip hangga’t hindi ito nakakasira sa kapwa, sa wikang gamay nating gamitin at pinakamalakas nating nagagamit. Samakatwid, dapat ay malaya tayong makapagpahayag ng gusto nating sabihin, sa wikang pinakaalam nating gamitin.

Paano nga ba natin sasabihin ang saloobin kung ang ipinagagamit na wika sa atin ay hindi natin alam gamitin? Mangyari pa, mabubulol lamang ang sino man sa pagpapahayag sa isang wikang hindi kanya, sa isang dayuhang wika na hindi pa niya natututuhang gamitin. Ganyan ang nangyayari sa karamihan sa atin, sa isang bansa na itinuturing na sukatan ng talino ang kakayahang mag-Ingles. Nababansagang b*bo at tan*ga ang batang hindi makapagsalita nang matatas sa wikang Ingles, hindi makasagot sa simpleng tanong, at namimilipit pa habang bumibigkas ng hindi mawawaang wikang dayuhan. “Isang bansa ng mga fifth graders,” sabi noong 1960’s ni Dean Josefina Cortes. Pagkaraan ng ilang dekada, tila totoo pa rin hanggang ngayon ang pahayag na ito na pinatunayan ng pag-aaral na nagsabing maraming nagtapos ng Senior High School ang marunong bumasa pero hindi naiintindihan ang binabasa nila. “Funtionally illiterate” ang tawag sa Ingles.

Mangyari pa, hindi naman lahat tayo ay ganyan. May ilan sa atin na madaling natututuhan ang leksyon kahit pa anong wika ang gamitin, kahit pa wikang dayuhan ang panturo. Ito ay iyong mga batang lumaki sa kapaligirang hindi kilala ng mahigit 70% ng ating populasyon. Hindi sila siksikan sa karampot na espasyo, laging busog sa masustansyang pagkain, napapaligiran ng mga libro at mga babasahin sa bahay, hindi kailangang kumayod para sa ikabubuhay kahit mga bata pa. iyan ang ideal na sitwasyong hindi natatamasa ng karamihan ng mga batang Pilipino.


Sa mga publikong paaralan, siksikan sa mainit na klasrum ang 60 o higit pang mga bata, na kumakalam ang tiyan dahil kulang sa pagkain. Nakukuba sa trabaho ang mga guro na siya pang laging sinisisi kapag hindi natututo ang mga bata. Labis sa trabaho pero kulang sa sweldo, iyan ang kapalaran ng ating mga guro.

Sa ganito kahirap na sitwasyon, naisip na kaya ng magigiting nating mambabatas na baka isang factor ang wikang panturo sa edukasyon? Naisip na kaya nila na sandaang taon na tayong tinuturuan sa wikang Ingles pero hindi pa rin natututo ng mga batayang kaalaman?

Napakahalagang maturuan ang mga bata sa wikang kilala na nila at nakasanayang gamitin. Kaya napakahalagang hakbang na pasulong ang pagpapatupad ng Mother Tongue-based Multilingual Education o MTB-MLE na ipinalit sa patakarang edukasyong bilinggwal. Dati, Ingles at Filipino lamang ang mga wikang panturo. Sa Konstitusyong 1987, kinilala na ang mga wikang rehiyonal bilang mga wikang pantulong (sa aktwal na mga klasrum, talaga namang ginagamit ng mga titser ang mga katutubong wika para maipaliwanag ang mga aralin at maunawaan ng mga estudyante).

Pero sa pagbubukas ng klase ngayong Hunyo 2025, hindi na itutuloy ang paggamit ng unang wika sa unang tatlong taon ng pag-aaral, gaya ng nakasaad sa RA 13055. Paiiralin na ang RA 12027 na ipinapahinto ang unang wika (L1) sa panimulang edukasyon at ibinabalik ang Ingles at Filipino bilang mga panturo.

- Advertisement -

Nilalabag ng bagong batas ang mga karapatang pangwika ng mga bata.

Anong mga karapatan ng mga bata ang nilalabag ng RA 12027?

  1. Nilalabag nito ang kalayaan sa pagpapahayag o “freedom of expression.” May karapatan ang bawat isa, lalo na ang mga bata, na magpahayag ng saloobin at iniisip. Pero paano makapagpapahayag ng saloobin at iniisip ang mga bata kung hindi nila gamay, hindi gamit sa pang-araw-araw na pamumuhay, ang wikang ipinagagamit sa kanila? Kung ito ay dayuhang wika na hindi pa nila lubos na naiintindihan at malayong-malayo sa wikang kinagisnan, mangyari pa, mabubulol lamang sila at pipiliin na lamang manahimik upang hindi mapagtawanan. Karapatan din ng mga bata na makatanggap ng kapaki-pakinabang na impormasyon sa wikang nauunawaan nila at nagagamit sa pakikipagtalakayan.
  2. Nilalabag nito ang karapatan sa indibidwal at kolektibong identidad, lalo na ng mga katutubong mamamayan. Sa pagwawaksi sa kanilang unang wika, naisasantabi ang kultura at pagkakakilanlan ng mga katutubong mamamayan. Sinasalamin ng wika ang kultura ng bawat pamayanan. Napapalakas ng L1 bilang panturo ang pagmamalaki sa sariling wika at pagkakakilanlan ng mga katutubo. Kung dayuhang wika ang panturo, nangingibabaw ang kaisipan na wala silang alam at walang kontribusyon sa pambansang kaalaman. Ngunit ang totoo, silang nakikipamuhay sa kalikasan ay may mga katutubong kaalaman na nalilimot na ngayon dahil lagi na lamang tayong umaasa at mas pinahahlagahan ang dayuhang kaalaman. Balikan natin ang “storm surge” na kumitil ng marami noong 2013. Inakala ng marami na ito ay bagyo (storm) lamang. Kung ginamit sa mga balita ang katutubong katawagan, halimbawa ay “daluyong” ng mga Tagalog (tiyak na may katumbas ito sa iba pang mga katutubong wika), mas naunwaan sana ang panganib sa isip ng ating mga kababayan.
  3. Nilalabag nito ang karapatan sa inklusibo at de-kalidad na edukasyon. Dapat ay walang naiiwan sa edukasyon. Kasali ang lahat ano man ang kanyang wika. Ngunit kung hindi unang wika ang panturo, balik sa dati, nahihirapan ang mga bata na unawain ang mga leksyon dahil kailangan pa muna nilang matutuhan ang wikang panturo bago pa nila maintindihan ang aralin. Tila walang kakayahang matuto ang mga bata na kailangan munang lampasan ang hadlang ng wikang dayuhan bago maisaisip ang esensya ng mga aralin. Ayon sa UNESCO, mas nakakatipid sa L1 bilang panturo dahil mas bumababa ang bagsak at dropout o umaalis sa paaralan bago makatapos dahil maraming natututuhan ang bata at nakakaramdam ng pag-asenso sa aralin at pagiging kabilang sa isang komunidad ng masayang pagkatuto. Mas mataas ang marka sa mga test, mas nahuhubog ang tiwala sa sariling kakayahan, lalong nagiging matatas sa pagsasalita at humuhusay ang kakayahang magsulat. Higit pa rito, ang mga magulang at komunidad ay nagkakaroon ng pagkakataong makilahok sa edukasyong gumagamit ng L1, dahil ito rin ang wika ng komunidad.
  4. Nilalabag nito ang karapatan laban sa diskriminasyon. Kadalasang nagiging biktima ng diskriminasyon ang batang hindi nakapagsalita ng Ingles; nasasantabi ang kanyang katutubong kakayahan at kaalaman dahil hindi niya maipahayag ang sarili sa wikang dayuhan.
  5. Nilalabag nito ang saligang prinsipyo ng pagtuturo at pagkatuto dahil ginagawang mahirap at eksklusibo ang edukasyon, na para bang ito ay matatamo lamang ng iilan.

Ano ang benepisyo ng paggamit ng unang wika bilang panturo? Ang pinakaubod nitong kahalagahan ay ang pagbubuo sa mga kabataan ng mapanuring kaisipan sa lahat ng bagay, ng pagiging matalino at malaya at mapaggiit at mulat sa sariling mga karapatan. Hindi madaling mapaniwala sa mga maling impormasyon, hindi nagpapabudol sa matatamis na salita ng mga mapanlinlang.

Ang mga karapatang pangwika na ito ay protektado ng mga pandaigdigang batas, tulad ng Universal Declaration of Human Rights, Convention on the Rights of the Child, International Convention on the Elimination of all Forms of Racial Discrimination, at Convention

Against Discrimination in Education.

Dahil sa ganitong mga katwiran, inilunsad kamakailan ang kilusang Tanggol Unang Wika sa pangunguna ni Dr. Ricardo Ma. Nolasco, dating propesor ng linggwistika sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman, at naging Tagapangulong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Layon ng grupong ito na magharap ng petisyon sa Korte Suprema para magkaroon ng temporary retraining order (TRO) sa pagpapatupad ng RA 12027 ngayong Hunyo 2025.

- Advertisement -

Mula’t sapul, ang mga mambabatas nating nakikialam sa edukasyon ay laging nakakiling sa Ingles bilang panturo, sa kabila ng mga patunay na hindi ito nagbubunga ng inklusibo at mabisang pagkatuto. Totoo kaya ang sinabi ng dating mambabatas Magtanggol Gunigundo, na “political dynasties don’t want critically thinking population”? Siguro nga, ayaw ng mga panginoon na maging malaya ang kaisipan ng kanilang mga alipin.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -