26 C
Manila
Biyernes, Hunyo 6, 2025

Imee: Libreng Funeral Services Act pasado na sa huling pagbasa

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI na kailangang problemahin ng ating mga kababayan ang gastos sa pagpapalibing, dahil pasado na sa huling pagbasa sa Senado ang panukalang batas ni Senadora Imee Marcos na magbibigay ng libreng serbisyo sa burol at libing.

Ayon kay Marcos, mayroon pang ilang hamon sa pagpapatupad sa naturang programa. “Dapat mapondohan ito bilang hiwalay na budget item sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD. Hindi na ito magiging ayuda na para lang sa malalakas sa pulitika kundi para sa talagang nangangailangan,” giit ng senadora.

Ang Senate Bill No. 2965 o Free Funeral Services Act ay nakapagtala ng 22 botong pabor, at wala ni isang tumutol o nag-abstain sa pagpasa nito. Layunin ng panukalang mabigyang ginhawa ang mga pamilyang kapos sa buhay sa oras ng pinakamabigat na dagok–ang mawalan ng mahal sa buhay.

“Mahirap mabuhay, mahirap magkasakit, at lalong luho ang mamatayan. Panahon na para bigyan ng dignidad ang bawat Pilipinong namamatay, lalo na ang mga pinakamahihirap,” ayon kay Marcos.

Sa ilalim ng panukala, ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay makatatanggap ng tulong para sa gastos sa kabaong, burol, kremasyon o tradisyunal na libing, kabilang ang transportasyon ng labi.

“Para sa mga mahal natin sa buhay, hindi na mahal mamatay.

“Wag kang mag-alala, ipalilibing kita”, dagdag pa ng senadora.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -