NOONG Mayo 28, 2025 nagbigay ng isang panayam si Dr. Raul Fabella, isang Pambansang Siyentista o National Scientist ng Pilipinas, sa isang pulong sa De La Salle University sa paksang The Eclipse of Manufacturing in the Philippines. Tinalakay niya ang kakaibang direksyon ng pagsulong ekonomiko ng Pilipinas para bang tinatahak nito ang yapak ng isang maunlad na bansa. Pinuna niya ito dahil sa antas ng ating kita bawat tao napakalaking bahagi ng Kabuoang Panloob na Produksiyon o Gross Domestic Product (GDP) ay ambag ng sector ng mga serbisyo. Noong 2024, tinataya na halos 63% ng ating GDP ay galing sa sector ng mga serbisyo.
Kahit malaki ring bahagi ng GDP ang serbisyo sa mga mauunlad na ekonomiya dumaan muna ang mga ito sa isang pagbabagong estruktural. Pinalawak muna nila ang sector ng manufacturing bago pinaunlad ang sector ng mga serbisyo. Sa kabilang dako, halos nilagpasan ng ekonomiya ng Pilipinas ang pagsulong ng manufacturing at tumalon agad ang mga manggagawa sa paglipat mula agrikultura patungong mga serbisyo. Dahil dito napaaga ang pagsulong ng serbisyo sa Pilipinas.
Ayon sa Pambansang Siyentista ang direksyong tinahak ng ekonomiya ng Pilipinas ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi lubusang natatamasa ng Pilipinas ang lalong mabilis na paglaking ekonomiko at isa ring dahilan kung bakit lumalala ang distribusyon ng kita.
Ang serbisyo ay isang sector ng ekonomiya na nag-uuugnay sa mga ekonomikong sector at pamahayan upang maging produktibo ang mga sector at maginhawa ang pamumuhay ng mga mamamayan. Kasama sa sector ng serbsiyo ang telekomunikasyon, edukasyon, kalusugan, transportasyon, kalakalang pagtitingi at pakyawan, real estate, pananalapi at marami pang iba.
Isa sa mga katangian ng sector ng serbisyo sa Pilipinas ay ang di pantay na produktibidad sa pagitan ng mga industriya sa sector na ito. Ang prouktibidad ng telekomunikasyon, serbisyong pananalapi, at edukasyon ay maituturing matataas kung ihahambing sa produktibidad ng mga kompanya sa kalakalang pagtitingi at transportasyon. Dahil malaking bahagi ng sector ng serbisyo sa Pilipinas ay mula sa kalakalang pagtitingi at pakyawan na kumakatawan sa halos 28% ng produksiyon ng sector habang ang mga industriya na may matataas na produktibidad tulad ng pananalapi at professional at business services ay may mababang bahagi, ang average na produktibidad ng serbisyo ay mababa kung ihahambing sa manufacturing. Kaya’t kahit na ang serbisyo ang nagbibigay ng pinakamalaking ambag sa GDP, ang average na produktibidad nito kung ihahambing sa manufactruing ay mas mababa. Ang epektong ito ay nauuwi sa kakulangang matamo ang potensiyal na paglaking ekonomiko ng bansa.
Isang pang mahalagang dahilan kung bakit mas makitid ang ambag ng mga serbisyo sa paglago ng pambansang kita ay pagiging di-kinakalakal ng marami sa mga produkto nito kung ihahambing sa mga industriya sa manufacturing. Dahil hindi kinakakalal sa ibang bansa bunga ng pangangailangan ng sabayang produksiyon at pagkonsumo ng mga serbisyo, ito ay nakalaan lamang sa local na bilihan. Bunga nito may dahilan na ang sector ay kontrolin ng mga kompanyang Filipino na kadalasan ay nagiging monopolyo ang industriya. Makikita yan sa mga industriya ng transportasyon, pananalapi, telekomunikasyon at marami pang iba. Dahil may kapangyarihan sa bilihan ang mga suplayer, naitatakda nila ang produksiyon sa mababang antas upang mapataas ang kanilang tubo at nauuwi sa mapag-aksayang paggamit ng mga sangkap sa produksiyon. Ito ang nagpapababa sa kanilang ambag sa pambansang kita. Di tulad ng manufacturing, na halos kompetitibo ang mga industriya dahil ang kanilang produkto ay naikakalakal sa ibang bansa. Dahil dito, halos optimal ang produksiyon at episyente ang paggamit ng sangkap na nakapag-aambag ng Malaki sa pambansang kita.
Ang paglala ng distribusyong kita sa napaagang pagsulong ng serbisyo ay bunga rin ng nabanggit na mga dahilan sa itaas. Ang agwat ng kita sa pagitan ng produktibong industriya sa serbisyo at mga impormal na sector tulad ng pagtitingi ay malawak at nauuwi sa mas di timbang na distribusyon. Malawak din ang agwat ng kita ng mga industriyang may kapangyarihang monopolyo at sa mga kompetitibong informal sector na nauuwi sa mas di timbang na distribusyon ng kita.
Kung hindi natin matatamo ang potensyal na pambansang kita at ang mas pantay na distribusyon ng kita sa ilalim ng napaagang pagsulong ng serbisyo, bakit ayaw nating pasiglahin ang sector ng manufacturing? Ang problema sa pagpapasulong ng manufacturing ay ang kakulangan ng capital upang matanggap ang naglilipatang manggagawa mula sa agrikultura. Dalawang dahilan ang sangkot dito, Una, ang mababang antas ng pag-iimpok bunga mababang pambansang kita. Ang pag-iimpok ang pondong ginagamit sa pangangapital. Ikalawa, kahit hindi tayo umasa na limitadong pag-iimpok ng bansa, maaari naman nating imbitahin ang mga dayuhang mangangapital upang magtayo ng mga pabrika at negosyo sa Pilipinas na makapagbibigay ng trabaho at malaking kita sa manufacturing. Ngunit, maraming natatabangan sa Pilipinas dahil sa mahinang implementasyon ng batas, mahal na kuryente, mababang kalidad ng imprastruktura. Sa ganitong sitwasyon, talagang mapipilitang maglipatan ang mga manggagawa mula agrikultura patungong serbisyo dahil limitado ang mga oportunidad sa manufacturing.