27.8 C
Manila
Biyernes, Hunyo 20, 2025

Nakakapag-ipon ka ba?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

Uncle, talaga bang mahirap magbago ang isang tao?

Anong ibig mong sabihin, Juan?

Eh kasi itong kaibigan ko, Uncle, matagal ko ng pinagsabihan na mag-ipon para pag may emergency, may huhugutin sya. Magastos kasi ito at mahilig bumili ng mga bagay na hindi naman nya talagang  kailangan.

Ngayon nga, biglang nagkasakit ang Nanay niya at inuutangan na naman ako ng pambayad nya sa ospital. Talaga bang kailangang may mangyaring krisis bago umaksyon at baguhin ang masamang pag-uugali sa pananalapi?

Tama ka, Juan. Kasi kung titingnan natin ang proseso ng pagbabago ng ugali, may limang bahagi ito ayon sa isang modelo ng behavioral change. Ito yung stages of change model o iyong Transtheoretical Model of Change na ginawa nina Prochaska, Norcross and DiClemente.


Una ay ang pre-contemplation stage. Ito yung in-denial ka na may problema. Pinagrerebeldehan mo din ang mga nagsasabing may problema ka. Hindi ka rin handa na kwestyunin ang isang habit na wala na sa tama. Parang iyong taong ayaw baguhin ang pagiging impulse spender o yung mga taong basta may nakitang gusto, bibilhin kaagad kahit wala sa budget at allergic sa pag-save. Kahit baon na sa utang at laging nababaliw kapag may emergency na dumarating.

Pangalawa ay ang contemplation stage. Tanggap mo na na may problema. Maganda ito kasi puedeng may gawin kang pagbabago. Kaya lang tinitimbang mo pa ang dapat talagang gawin. Parang yung alam mo na pagod ka na sa pangungutang pagdating ng mga di inaasahang pangyayari pero gusto mo pa ring bilhin ang gusto mo kahit hindi naman talaga ito kailangan.

Pangatlo ay ang preparation. Alam mo na ang  gusto mong baguhin, nagre-research ka ng mga pinakamaganda at epektibong paraan at pinaplano mo na ang mga una mong gagawin. Katulad ng paghahanap ng app ng bangkong pagkakatiwalaan na puedeng mag-open ng account at mag-deposit na walang hirap. O app na puedeng mag-track ng mga gastusin o gumawa ng budget kada buwan.

Pang-apat ay action. Ginagawa mo ang iyong plinano at sinusunod mo ang iyong commitment. Ipapatotoo mo na ang formula ng pag-ipon: Kita – Ipon = Gastos, kung saan uunahin muna ang ipon bago gumastos.  Maaaring gawin mo na rin ang 50-30-20 rule natin sa pagbubudget ng ating kinikita.

- Advertisement -

At panglima ay maintenance. Bumubuo ka na ng habit o routine na susundin mo ng walang patid. Pipilitin mong huwag bumitaw at mag-focus sa savings goal mo para matupad ang iyong mga pangarap.

Paano mo matutulungan ang iyong sarili na umabot sa panglima o maintenance stage at hindi ka na bumalik sa problema?

Una, kailangan kilalanin mo ang iyong sarili at maging self-aware sa kung anong tama o mali sa iyong financial behavior na nagbibigay ng positibo at negatibong epekto sa iyong kinabukasan.

Pangalawa, isipin mo kung ano ang kahihinatnan ng pagbabago sa iyong pag-uugali. Tulad ng pagkakaroon mo ng kakayahang mag-ipon at ang naidudulot nitong seguridad sa iyong buhay.

Pangatlo, gumawa ng financial goals at pagplanuhan kung paano maaabot ito. Mahirap mamuhay ng walang plano. Kailangan may sinusundan tayong roadmap na magbibigay ng dereksyon sa pinansyal na aspeto ng ating buhay.

Pang-apat, paghandaang iwasan ang mga triggers ng hindi magandang financial behavior.  Halimbawa, kung napapansin na ang paglabas-labas kasama ang barkada ay magastos at nakakabawas sa ipon, iwasan o limitahan ito para hindi tumaliwas sa financial goals na gustong makamit.

- Advertisement -

Panglima, hanapin ang mga oportunidad na  mag-aangat ng iyong financial literacy. Makipag-usap sa mga eksperto sa mga bangko o insurance companies na magbibigay linaw sa mga puedeng gawin para lumago ang personal na kayamanan. Magbasa ng mga artikulo o pag-aaral sa Internet tungkol sa pinansyal na mga bagay na puede mong gamitin para sa personal na pananalapi. Kailangan lagi nating itaas ang ating kaalaman at kapasidad sa mga pinansyal na mga isyu at mga nangyayari sa ating bansa at sa buong mundo.

At ika-anim, kung hindi talaga maiiwasan na magkaroon ng relapse o pagbabalik ng hindi magandang financial habit, suriin ang mga leksyon na puedeng matutunan, gawin ang mga bagay na makakatulong sa iyo na bumalik sa tamang daan at huwag masisiraan ng loob. Ang pagbabago ng financial behavior ay isang proseso na hindi naman maayos overnight. Kailangan lang ng consistency sa tamang pag-uugali, practice at huwag matakot mag-fail. Babangon at babangon ka din.

Siguro naman, Juan, nasa maintenance stage ka na ng pagse-save at pag-iinvest. Tama ba?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -