UPANG mapakinabangan ang malaking potensyal ng yamang-dagat ng bansa, muling isinulong ni Senador Alan Peter Cayetano ang paglikha ng Department of Fisheries and Aquatic Resource (DFAR) — isang ahensya na tututok sa pag-unlad, pamamahala, at pangangalaga ng mga yaman ng karagatan at industriya ng pangingisda sa Pilipinas.
“The Philippines, being an archipelago with very rich marine resources, can be a marine powerhouse. Thus, it is logical to establish a Department that is focused and accountable for the development, management, and conservation of our country’s aquatic resources and fishing industries,” wika ni Cayetano sa panukalang batas (Senate Bill No. 417) na muli niyang inihain noong July 10, 2025.
Ayon sa senador, kabilang ang Pilipinas sa mga top producer ng isda at aquatic plants sa buong mundo. Mayroon din aniya tayong mahigit 2.2 million square kilometers na katubigan at 2.29 milyong rehistradong mangingisda. Ngunit sa kabila ng malaking ambag sa ekonomiya, nananatili ang mga mangingisda sa pinakamahihirap na sektor.
Dito papasok ang DFAR Act na layuning isaayos ang kita at oportunidad ng mangingisda sa pamamagitan ng maayos na pamumuno, sapat na suporta, at mga patakarang pangmatagalan para sa sektor ng pangisdaan.
Sa ilalim ng panukala, ihihiwalay ang DFAR sa Department of Agriculture. Ang bagong ahensya na ang magiging pangunahing tagapamahala ng mga patakaran at regulasyon tungkol sa pangisdaan at yamang-tubig. Matututukan din nito ang maliliit na mangingisda at makakapagbigay ng teknikal na kaalaman, pinansyal na suporta, at pagtatanggol sa kanilang karapatan sa yamang dagat.
“While we have very good people in the Department of Agriculture, the Department’s priority is more on farming on land. It is time that the government provides for a focused, single-minded, specialised department responsive to the needs and concerns of the fisheries and aquatic resource industry,” paliwanag ng senador.
Isa pa sa magandang target ng panukala ay ang pagpigil sa iligal na pangingisda gamit ang makabagong monitoring system, mas mahigpit na regulasyon, at pakikipagtulungan sa mga non-government organization. Isinusulong din nito ang pananaliksik at inobasyon para sa makatotohanang siyensya sa aquaculture, marine conservation, at responsableng pangingisda.
Sa ilalim ng DFAR, pag-iisahin at paiigtingin ang mga tungkulin ng ilang ahensya gaya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), at mga programa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Sa ganitong paraan, mas magiging episyente, maiwasan ang kalituhan sa tungkulin, at palalakasin nito ang pagpapatupad ng mga batas.
Magkakaroon ang DFAR ng paunang pondo na P5 bilyon na gagamitin para palakasin ang produksyon, protektahan ang mga endangered species, at pagandahin ang kabuhayan ng mga mangingisda.
Ilang ulit nang inihain ni Cayetano ang panukalang ito sa 17th, 18th, 19th, at ngayon sa 20th Congress. Giit ng senador, mahalagang isabatas ito upang proteksyunan ang yamang-dagat, siguraduhin ang seguridad ng pagkain, at suportahan ang milyun-milyong Pilipinong umaasa sa dagat para mabuhay.
“This will be a significant step in order to better protect, utilize, maximize, and conserve the nation’s marine resources as well as uphold the best interest of the fisherfolk,” aniya.



