26.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Pagsungkit ng Palanca:Kailangan ba ng manunulat ng ‘validation’ mula sa Palanca awards?

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikatlong bahagi

KAILANGAN ba talagang manalo ng Palanca para masabing mahusay kang manunulat? Hindi naman. Marami akong kilalang manunulat na mahuhusay sumulat (at naglalathala na nga ng mga aklat) pero hindi naman Palanca awardee. Maaaring hindi sila sumasali sa literary contest na ito.  Maaari ring sumasali sila ngunit di pinapalad na manalo. Maaari ring para sa kanila, ang pagsusulat ay isang calling at hindi na kailangang sukatin pa nang pagsali sa isang national literary contest.  Nag-iba-iba ang palagay tungkol dito ng mga manunulat.

Karamihan sa mga manunulat na nasa larawan ay kinilala na ng Palanca Awards gaya nina Jun Cruz Reyes, Eros Atalia, Edgar Samar, Vim Nadera, Eugene Evasco, Allan Derain, at John Iremil Teodoro

Pero bakit nga ba sumasali ang maraming manunulat sa Palanca? Maraming kadahilanan. Maaaring dahil sa premyong matatanggap (bagama’t hindi naman ito kalakihan). Maaaring dahil gusto nilang maka-break in sa isang genre ng panitikan at makilala sa larangang ito (ito man ay tula, maikling kuwento, nobela, maikling kuwentong pambata, sanaysay, dula, o screenplay). Maaaring dahil sa prestige na kaakibat ng Palanca Awards. Hindi biro ang binunong 73 taon nang paggagawad ng Palanca sa mga mahuhusay nating manunulat.

Ang isa pang dahilan ay ang pagnanais na mapatunayan ng isang manunulat ang kakayahan niyang magsulat kung kaya’t maaaring kailanganin niya ang validation mula sa isang literary contest na gaya ng Palanca. Sabi nga, kung nagsisilbing panukat ng literary achievement sa Pilipinas ang Palanca, susubukan mo itong salihan. Wala namang mawawala kung sumali at matalo. Lagi’t lagi ay puwede namang muling sumali. Paano mo malalaman kung puwede kang manalo sa Palanca kung hindi mo naman susubukan?

Unang beses na nanalo ng Palanca si Jaylord Losabia (dulong kaliwa), isang guro ng DepEd mula sa Region 6. Kasama sa larawan sina Nemie Bermejo, Gatmaitan, at Segundo Matias Jr.

Madalas, may nagtatanong sa akin sa kung paano ba’ng manalo sa Palanca? May sekreto raw ba? Wala naman talagang subok na pormula. Ang unang hakbang ay sulatin ang isang akda/paksa na sa palagay mo ay may lugar sa panitikan ng Pilipinas. Mahalaga ring basahing maigi ang mga tuntunin ng naturang contest. Paulit-ulit balikan ang sinulat na akda upang mapakinis ito (i-tsek ang gramatika, sintaks, tenses, at ang literariness ng teksto). Tapos ay i-submit ito bago magsara ang deadline ng contest. Maganda nga ang iyong nasulat pero kung hindi ka naglakas-loob na isali ang iyong akda (at hindi mo hinabol ang nakatakdang deadline), paano mo malalaman ang tsansa nitong manalo? Biro ko nga, hindi naman kakatok sa pintuan ng iyong bahay ang Palanca employees upang sabihing ‘balita ko, may maganda raw po kayong nasulat na akda; baka gusto n’yo pong isali sa Palanca?’


Paano ba napipili ang mga nagwaging lahok? Laging may tatlong hurado na itinakda para pumili at magpasya sa bawat kategoryang sasalihan sa Palanca. At kahit pa maganda at mahusay ang piyesang isinali, tandaan na kailangang pumasa ito sa panlasa ng naatasang hurado (hindi lamang sa isang hurado kundi sa tatlo!). Hindi ngunit hindi nanalo ay hindi na maganda ang akda. May pagkakataon kasing hindi ‘swak’ sa panlasa ng tatlong hurado ang lahok na piyesa. Minsan, naiisip ko rin, kapag binago mo ang bumubuo ng mga hurado sa isang kategorya, maaaring iba rin ang mapiling winners o maiba rin ang puwesto ng mga nanalo (kung sila pa rin ang lalabas na mga winners).

Mga winners ng Palanca Awards noong taong 2023 kasama sina Carlos Palanca IV (President ng Carlos Palanca Foundation), Dang Cecilio-Palanca, at ang inyong lingkod.

Nang una akong makatanggap ng telegrama mula sa Palanca Awards na nagsasabing nagwagi ang aking lahok sa maikling kuwentong pambata, ang una kong naisip ay kung may nagbibiro ba sa akin. Hindi ko kasi akalaing posible akong magwagi sa isang kilalang literary competition na gaya ng Palanca Awards. Oo nga’t sumali ako, at gaya ng iba’y nangangarap ding manalo, pero iba pala kapag nalaman mong nanalo pala talaga ang iyong akda. Sobrang saya! Totoong naghanda naman ako para sumali sa taunang literary contest na ito. Pero labis pa ring nakabibigla nang nalaman kong nagwagi ang aking akda!

Natatandaan ko pa na ang unang ginawa ko matapos malamang nanalo ang aking lahok ay ang buksan ang aking kompyuter at muling basahin ang naturang akda. Ano ang nakita rito ng mga hurado? Maayos ba talaga ang isinulat ko? Aling bahagi nito ang nagustuhan nila? Pinagbigyan lang ba ako ng Palanca? Hindi kaya sila nagkamali? Naisip ko na baka may matanggap ako na isa pang telegrama na binabawi ang aking Palanca!

Naabutan ko pa ang panahong ipinaaalam sa mga nagwagi ang kanilang pananalo sa Palanca sa pamamagitan ng isang telegrama. Siyempre pa ay itinago ko ang papel na ito na ganito ang nakasulat: Your entry, Si Duglit ang Dugong Makulit,’ won First Prize in the Maikling Kuwentong Pambata category of the 1994 Palanca Awards. You are invited to the awards night on September 1 at Hotel Nikko, Makati. You are entitled to one guest.” May paalala rin noon na bawal pang ianunsiyo sa iba ang pagkakapanalo sa Palanca kahit natanggap na ang telegrama.

- Advertisement -

Ngayon, ang mga winners ng Palanca Awards ay hindi na maililihim pa dahil sa social media. Hustong matanggap ang email (siyempre, hindi na uso ang telegrama) na nagsasabing nagwagi ang kanyang akda, agad mo na itong makikita sa iba’t ibang social media platforms: sa Facebook, Instagram, Tiktok, at iba pa. Hindi na nila mahintay ang pormal na announcement sa nakatakdang araw ng awarding ceremonies. Bagama’t ganoon pa rin ang tagubilin ng Palanca na huwag muna itong i-announce sa publiko, ang manunulat na ngayo’y ‘Palancado’ na ay hindi na mapigilan dahil sa umaapaw na saya.

Madalas kaysa hindi, kaming mga nagsilbing hurado sa isang kategorya ay hindi pa malay sa kung sino-sino ang mga manunulat na nasa likod ng mga nagwaging akda (dahil madalas ay hindi bitbit ng Palanca representative ang ‘master list’ ng mga kalahok sa bawat kategorya ). Doon lang din namin natutuklasan sa mga social media posts kung sino-sino ang mga nagwagi. Kapag may nagpasimulang mag-post ng kaniyang tinanggap na letter na nagsasabing nagwagi siya, pihadong sunod-sunod na ang mababasa mong posting ng mga nanalo sa iba’t ibang kategorya. Siyempre pa, umuulan na ng pagbati ng ‘congratulations’ sa mga nagsipagwagi.

Naiintindihan ko ang ganitong excitement. Kapag natanggap mo nga naman ang notice na nagwagi ka sa patimpalak na gaya ng Palanca, gusto mong ipagsigawan na nanalo ka. Hindi na bale kung anong puwesto pa! Ang mahalaga, nanalo ka ng Palanca! Ang iyong akda ay mapapasama na sa archives ng Palanca Foundation at maaari nang mapasali sa pag-aaralan sa mga eskuwelahan, kolehiyo, at unibersidad.

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -