NAGLABAS ng pahayag ang Department of National Defense (DND) na nagsasabing isinuko na ni Defense Secretary Gilberto Teodoro ang kanyang pagka Maltese national bago pa man siya naghain ng kandidatura noong 2021.

Ayon pa kay DND spokesman Arsenio Andolong,, ipinaalam sa mga kaukulang institusyon ng gobyerno ang pagkakaroon nito noon ng pasaporte mula sa Malta, isang bansa sa Europa, upang matigil ang agam-agam na makaaapekto sa seguridad ng bansa ang kanyang pagiging dayuhan.
Pilipino ba ang Defense chief?
Ipinangak si Teodoro na may palayaw na “Gibo” sa Manila noong Hunyo 14, 1964. Pawang mga Pilipino ang kanyang mga magulang na mula sa Tarlac.
Katunayan, pinsang ikalawa niya si dating Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III. Parehong Cojuangco ang apelyido sa pagkadalaga ng kanilang mga ina.
Pinagkakatiwalaan ng mga Presidente
Bago pa man siya maging kalihim ng DND sa administrasyon Marcos, naitalaga na rin sya sa parehong posisyon noon.
Una siyang naging kalihim ng DND sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2007. Siya ang pangalawa sa pinakabatang naging kalihim ng DND sa edad na 43 noong Agosto 2007.
Bagama’t naging mailap sa kanya ang pagkakataon para maupo sa mas mataas na posisyon nang hindi matuloy ang tandem nila ni Sara Duterte na piniling tumakbo na lamang sa pagka-alkalde ng Davao City, siya naman ang napisil ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 para hawakang muli ang DND.
Dalawang beses siyang inalok pero hindi niya tinanggap ang naturang posisyon.
Naging dayuhan
Itong taong 2016 na inaalok siyang maging Defense chief ni Duterte, ito rin ang taon na nanumpa siya bilang Maltese national.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Teodoro kung bakit siya nag-apply maging Maltese national at kung papaano niya ito nakuha.
Ayon sa ulat ng TMT, maaaring nakuha ni Teodoro ang naturang citizenship sa pamamagitan ng “golden passport” program ng Malta na kilala ring Citizenship by Investment kung saan maaaring maging Maltese national, at magkagayo’y mamamayan ng European Union, ang mga mayayamang indibidwal basta’t maglalagak ito ng malaking pamumuhunan sa naturang bansa.
Hindi naman pumabor ang European Court of Justice at idineklarang ilegal ang programang ito ng Malta.
Balik-Pinoy
Pagkaraan ng ilang taon, binitiwan ni Teodoro ang kanyang pasaporte mula sa Malta bago siya tumakbo sa pagka-senador noong 2022 ngunit hindi sya nanalo.
Ayon kay Andalong, ipinaalam ito sa Bureau of Immigration at sa Commission on Elections at maging sa Committee on Appointments bago pa man siya makumpirmang kalihim ng DND sa administrasyong Marcos.
RA 9225
Pinapayagan sa bisa ng Republic Act (RA) 9225 o “Citizenship Retention and Re-acquisition Act of 2003,” ang isang natural-born Filipino na naging naturalized citizen ng ibang bansa na mapanatili o muling makakuha ng Philippine citizenship.
May karapatang bumoto at bumili ng ari-arian sa Pilipinas ang sinumang may dual citizenship.
Bagama’t may karapatan silang pangsibiko at politikal, hindi maaaring humawak ng mataas na posisyon sa gobyerno ang isang dual citizen. Kinakailangan muna nitong isuko ang pagkakaroon nito ng dual citizenship.
Kabilang sa mga posisyon sa pamahalaan na kinakailangan nito ay ang Pangulo, Pangalawang Pangulo at mga kasapi ng Kongreso.

