PORMAL na inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE), kasama ang partners nito, ang National Green Jobs Human Resource Development Plan na makakatulong sa mga manggagawang Pilipino na makasabay sa hamon ng pagbabago ang klima tungo sa mas malinis at sustenableng ekonomiya.

Binabalangkas ng plano kung paano ipatutupad at pananatilihin ng bansa ang transisyon tungo sa green economy sa pamamagitan ng pagbabantay sa kalikasan upang mabawasan ang pinsala nito, kasabay ng paglikha ng trabaho, pagtataguyod ng disenteng trabaho at pantay na oportunidad, at pagtataguyod ng katarungang panlipunan at kapakanan ng mga manggagawa.
“Iminumungkahi ng updated plan ang pinagsamang estratehiya at interbensyon na nakatuon sa pagpapabuti at katatagan ng merkado ng paggawa, at pagbibigay proteksiyon sa mga maapektuhang manggagawa at employer dulot ng mga sakuna na may kaugnayan sa kalikasan”, pahayag ni OIC-Secretary Benedicto Ernesto Bitonio Jr. sa kanyang talumpati.
Ayon kay OIC-Secretary Bitonio Jr. kabilang sa mga inilatag na estratehiya ay ang paghahanda sa lakas-paggawa sa pamamagitan ng mas pinahusay na edukasyon at pagsasanay para sa mga sektor na may mataas na potensiyal na lumikha ng green jobs, at implementasyon ng mas epektibong polisiya na susuporta sa pagbabago ng trabaho, hikayatin ang mga mamumuhunan, at lumikha ng mas maraming trabaho.
Binigyang-diin ni DOLE Undersecretary Carmela Torres, na namumuno sa DOLE Technical Working Group on Green Jobs, sa kanyang presentasyon na ang plano ay produkto ng inklusibong panlipunang dayalogo na nagsimula noong 2019, at nakaugat sa paniniwalang “higit sa lahat, ang transisyon tungo sa green economy ay para sa mga tao.”
“Ang planong ito ay isang buhay na testamento sa ating pangako na paunlarin at pangalagaan ang ating yamang-pantao, tiyakin na taglay nila ang kinakailangang kasanayan, proteksiyong-panlipunan, pagkilala sa kanilang karapatan, magkakasamang kumakatawan sa pagtalakay sa mga polisiya, magtrabaho sa ligtas na kapaligiran, at oportunidad sa pagsusulong ng green jobs agenda,” wika ni Undersecretary Torres.
Ang National Green Jobs Human Resource Development Plan ay isang mahalagang bahagi ng Philippine Development Plan 2023-2028, Labor and Employment Plan 2023-2028, ang 2025-2034 Trabaho Para sa Bayan Plan, at negosasyon sa pagbabago ng klima para sa pagpapatupad ng Paris Agreement.
Multisectoral support
Upang matiyak ang epektibong implementasyon ng plano sa pamamagitan ng whole-of-nation approach, nagpahayag ang mga stakeholder mula sa sektor ng mga employer, grupo ng manggagawa, at development partner ng kanilang matibay na pangako at suporta. Isinagawa din ang Green Jobs Pledge sa nasabing okasyon.
Nagpahayag ang International Labor Organization (ILO), sa pamamagitan ni Country Director Khalid Hassan, ng “matibay na suporta sa plano na naaayon sa mga prinsipyo ng makatarungang transisyon, na itinakda sa mga polisya na ipinatutupad sa buong mundo.”
Sinabi ng Trade Union Congress of the Philippines, sa pamamagitan ni Rep. Raymond Democrito Mendoza, na ang paglulunsad ay “takda ng pagsisimula ng pangangalaga sa hinaharap ng trabaho na nagbibigay dignidad sa tao at sa integridad ng mundo.”
“Bilang katuwang sa lipunan, kami ay taos-pusong nakikiisa sa National Green Jobs Human Resource Development Plan hindi lang bilang kalahok, kung hindi bilang isang social partner na nagdadala ng interes ng manggagawa, tagapagbantay ng katarungan, at tinig para sa isang makataong kaunlaran at kalikasan,” pahayag ng Federation of Free Workers (FFW), bilang kinatawan ng sektor ng manggagawa, sa pamamagitan ng kanilang President Jose Sonny Matula.
Para sa sektor ng mga employer, sinabi ni Clarine Tobias, gobernador ng Employers’ Confederation of the Philippines, na nakaayon ang kanilang Environmental Social and Government Program sa plano ng pamahalaan na may kaugnayan sa green jobs. Sinabi rin ni Philippine Young Entrepreneurs Association National President Gio Ortiz Luis, na sila ay “handang makipagtulungan, magbahagi ng mga pananaw, at tumulong sa pagbuo ng mga programa.”



