JUAN, ang dami kong naririnig na reklamo tungkol sa buwis. Ang laki raw ng kinakaltas, tapos hindi naman daw nakikita kung saan napupunta.
Totoo yan, Uncle. Kaya minsan, parang ayaw ko na lang magbayad. Pakiramdam ko, pinagsasamantalahan lang ako, pero wala naman akong nakikitang kapalit. At ngayon, may bago na namang batas sa buwis sa interes ng ipon.
Bago? Dati na naman yung buwis sa kita ng ipon. Yun nga lang tiered ang pagpataw ng buwis mula nung 1998. Ang peso time deposits na hawak ng limang taon o higit pa ay exempt sa final withholding tax o FWT, habang ang iba ay may graduated rates mula 5% hanggang 20%. Ang interes naman sa foreign-currency time-deposit accounts ay may 15% FWT para sa resident investors.
Ngayon, may bago tayong batas na direktang makakaapekto sa ating mga ipon sa bangko: ang Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA), o Republic Act No. 12214. Ito ay ang batas na nagpapatupad ng flat 20% FWT sa interes ng ipon, maging ito man ay sa peso o foreign currency deposit products o ito man ay short-term o long-term deposit.
Ang CMEPA ay naglalayong gawing simple ang tax structure sa passive income at iayon ang Pilipinas sa international standards. Nilinaw ng Department of Finance (DOF) na hindi ito bagong buwis, kundi “standardisation of an existing one,” dahil noon pa mang 1998 ay may 20% tax na sa interes ng ordinary deposits.
Kaya nga, Uncle. Ang tanong ko ay paano ba talaga nito naaapektuhan ang pagpaplano ko ng yaman, ang budget ko, ang ipon ko, at maging ang mga utang ko?
Naku, Juan, ‘yan ang isang malaking tanong na bumabagabag sa maraming Pilipino. Ang buwis ay isang obligasyon ng bawat mamamayan, pero laging may duda sa isip natin kung may nahihita ba talaga tayo sa binabayad natin o kung umaabot ba sa atin ang pinangakong benepisyo. Malaki ang epekto nito sa bawat aspeto ng ating personal na pananalapi.
Sa Pilipinas, ang usapin ng buwis ay madalas na pinagmumulan ng debate at matinding sentimyento. Marami sa atin ang nagrereklamo sa laki ng kaltas, sa kumplikadong proseso ng pagbabayad, at higit sa lahat, sa isyu ng korapsyon na nagpapababa ng tiwala ng publiko.
Ang tanong na “saan napupunta ang buwis ko?” ay isang paulit-ulit na katanungan sa isip ng maraming Pilipino. Dahil dito, marami ang naghahanap ng paraan para makaiwas sa pagbabayad o hindi maging compliant, dahil sa pakiramdam na hindi naman nila nararamdaman ang benepisyo ng kanilang kontribusyon.
Pero may positibo at negatibong epekto ang buwis sa ilalim ng bagong CMEPA Law sa ating personal na pinansyal na pamumuhay.
Una, sa wealth planning o sa pagplaplano ng yaman.
Negatibong Epekto: Maaring mawalan ka ng gana mag-ipon o mag-invest kung ang pananaw mo ay “bakit ko pahihirapan ang sarili ko at papayamanin ang gobyerno sa buwis na ibabayad ko”. Sa bagong 20% FWT sa interes ng deposito, talagang bababa ang iyong net yield mula sa simpleng pag-iipon sa bangko. Halimbawa, kung may kita lang Php100 sa iyong ipon, mababawasan ito ng Php20 at Php80 na lang ang matitira sa iyo. Ito ay maaaring magtulak sa iba na maghanap ng mas “aggressive” o “risky” na investments na hindi nila lubos na naiintindihan, para lang makaiwas sa buwis o makahabol sa kita.
Positibong Epekto: Ang pagtanggap sa buwis bilang bahagi ng pagpaplago ng yaman ay nagtutulak sa iyo na maging mas matalino sa pagpili ng investments. Marami pang ibang uri ng investments na wala o mas mababa ang buwis. Tulad ng sa stocks na sa ilalim ng CMEPA, ay pinababa ang Stock Transaction Tax (STT) mula 0.6% to 0.1% at exemption ng Documentary Stamp Tax (DST) sa Mutual Fund shares at UITF units. Puede mong subukan ang ibang investment vehicles sa capital market na maaaring magbigay ng mas mataas na kita at may mas mababang transaction costs.
Pangalawa, sa budgeting.
Negatibong Epekto: Dapat mong isama ang pagbayad ng buwis sa iyong budget para hindi ka magkaroon ng ilusyon sa iyong net income o iyong totoong pera na puede mong gastusin. Kung hindi mo gagawin ito, baka lumampas ka lang sa dapat na ginagastos mo at ang resulta ay ang iyong pananaw na nagpapahirap lang ang buwis.
Positibong Epekto: Mas magkakaroon ka ng disiplina sa paggastos at pagbubudget kung titingnan mo ang buwis na isang fixed expense, Mahalaga na mas malinaw ang iyong cash flow at makakatulong ito sa iyong financial planning.
Pangatlo, sa savings o pag-ipon.
Negatibong Epekto: Kung ang iyong pananaw ay nanghihinayang kang mag-ipon kung gobyerno lang naman ang makikinabang, maaring mawalan ka ng motibasyon na mag-ipon. Isama pa natin ang epekto ng inflation o pagtaas ng presyo, ang 20% FWT na kinakaltas sa interes ng deposito ay maaring mas mataas pa. Halimbawa, kung ang inflation ay 3% at ang FWT ay 20%, ang effective net yield ng interes sa ipon mo na Pgp100 ay PHP77 na lang imbes na Php80. Ang tanong mo siguro ay kung sulit pa bang mag-ipon?
Positibong Epekto: Ang pag-unawa na ang buwis ay isang obligasyon ay mahalaga para magtulak sa iyo na mag-ipon hindi lang para sa sarili mong goals, kundi pati na rin para sa kinabukasan ng ating bansa. Ang pagkakaroon ng sapat na ipon ay nagbibigay ng financial stability at security at preparasyon para aa mga biglaang pangyayari na kakailanganin ng pera. Dahil sa bagong batas, maaaring maging mas motibado ka na maghanap ng ibang investment outlet para sa iyong ipon na maaaring magbigay ng mas mataas na kita, mababa o walang buwis o may ibang tax treatment.
At pang-apat, sa debt o utang.
Negatibong Epekto: Kung hindi mo pinaghahandaan ang buwis, maaaring mapilitan kang umutang para lang mabayaran ito, lalo na kung malaki ang halaga. Ito ay magdudulot ng dagdag na pasanin at interes, na mas masakit pa kung pakiramdam mo ay hindi sulit ang binabayaran mo.
Positibong Epekto: Ang pagiging responsable sa buwis ay tutulong sa pag-iwas na umutang para sa pagbabayad ng buwis. Kung mayroon kang magandang tax record, mas madali kang makakakuha ng loans mula sa mga bangko at iba pang lehitimong institusyon, para mapalago ang negosyo o makabili ng ari-arian.
Oo, Juan, naiintindihan ko ang pakiramdam na maaring mahirap maramdaman ang benepisyo na galing sa buwis na binabayad natin. Pero sa huli, ang buwis ay hindi lang kaltas, ito ay kontribusyon sa pagpapaunlad ng ating bansa at sa pagiging responsable natin sa pinansyal na aspeto ng ating buhay.
Good citizen ka naman, Juan, di ba?

