30.6 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Wakas ng kahambugan ng mga Duterte

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikalawang Bahagi

DALAWA ang katwiran ng Supreme Court sa hatol na unconstitutional ang articles of impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte na isinumite ng Mababang Kapulungan sa Senado.

Una, na ang articles of impeachment ay lumabag sa one-year bar rule na itinatakda ng Saligang Batas, at pangalawa, na nilabag nito ang due process.

Hinggil sa unang paglabag, katwiran ng Supreme Court na ipinagbabawal ng Konstitusyon ang pag-”initiate” (gamitin natin ang termino mismo ng Konstitusyon para malinaw ang usapan) ng higit sa isang impeachment complaint laban sa isang impeachable official sa loob ng isang taon. Pinunto ng Supreme Court ang unang tatlong impeachment complaint na naisumite sa Mababang Kapulungan bago ang ikaapat na siyang inaksyunan nito at nagresulta sa articles of impeachment na inihain sa Senado noong Pebrero 5, 2025. Sa kwenta ng Supreme Court, pasok ang pag-“initiate” ng fourth impeachment complaint sa iisang taon ng pag-”initiate” din ng tatlong naunang impeachment complaint.

Ergo, labag sa one year bar rule.


Kaya unconstitutional ito.

Talakayin natin ang puntong ito bago tayo pumalaot sa ikalawa upang di magulo ang usapan.

Ang pinagtatalunang termino ay “initiate”.

Dalawang pagpapakahulugan nito ang maaari nating tukuyin. Una, ang literal, na ibig sabihin ay magpanimula. Pangalawa, ang kahulugan ayon sa “contemplation” ng paggamit nito sa Saligang Batas.

- Advertisement -

Walang pagtatalo sa literal na pagpapakahulugan. Pag sinabing “initiate,” walang ibang ibig sabihin kundi ang magpanimula. Subalit sa pagpakahulugan ng Konstitusyon na ang “contemplation” ay ang kabuuang proseso ng impeachment, ang “initiate” ay hindi maaaring tumukoy lamang sa payak na unang hakbang na paghain ng reklamo ng impeachment kundi sa kabuuang salimuot ng mga prosesong saklaw ng mandato ng Konstitusyon na eksklusibo para sa Mababang Kapulungan, alalaon baga’y: “Article XI, Section 3 (1): The House of Representatives shall have the exclusive power to initiate all cases of impeachment.”

At bilang detalyadong paglilinaw sa kung sino-sino ang maaring maghain ng impeachment complaint, mga komiteng dapat na magsuri dito, mga panahong dapat iukol sa samu’t saring mga pagsusuring ito, at sa wakas kung kailan dapat na aprobado na ng plenaryo ng Mababang Kapulungan ang articles of impeachment upang ura-urada ay litisin na ng Senado.

Maliwanag pa sa sikat ng araw, sa “contemplation” ng Konstitusyon, ang tunay na kahulugan ng salitang “initiate” ay hindi ang simpleng nag-iisang akto ng pagsumite ng reklamo ng impeachment kundi ng kabuuang proseso mula sa pagsumite ng reklamong iyun, tuloy sa pagsusuri rito ng Justice Committee ng Kamara, hanggang sa deliberasyon dito ng Plenary ng Kamara upang mabuo ang articles of impeachment na siyang sa wakas ay magkukumpleto sa proseso ng “initiate” na tadhana ng konstitusyon.  Ang Senado naman ang eksklusibong binibigyan ng konstitusyon ng kapangyarihan na umaktong Impeachment Trial Court, lilitis at hahatol sa nasasakdal.

Sa unang tatlong reklamong impeachment na naihain laban kay Bise Presidente Sara, naganap ba ang nasa itaas na salimuot ng mga prosesong tadhana ng Konstitusyon para matupad ang eksklusibong “to initiate” na kaloob ng Saligang Batas sa Mababang Kapulungan? Batay sa mga ulat, alinman sa tatlo ay hindi.

Tanging sa fourth impeachment complaint natupad ang mga rekisitos ng Saligang Batas.

Tanging ang fourth impeachment complaint ang sumailalim sa mga prosesong hinihingi ng Saligang Batas.

- Advertisement -

Ang Articles of Impeachment laban kay Bise Presidente Sara na inihain ng Mababang Kapulungan at tinanggap ng Senado noong Pebrero 5, 2025 ay konstitusyonal!

Pangalawang pinunto ng Korte Suprema ay ang diumano’y paglabag sa due process. Hindi raw binigyan ng pagkakataon ang bise presidente na ipagtanggol ang sarili.

Pasintabi sa anumang defensa ng Kamara sa bagay na ito, mahalaga lamang sa ganang pitak na ito na ang usapin ng due process ay hindi pa sangkot sa yugtong ito na hindi pa nadidinig ng Senado bilang Impeachment Trial Court ang kaso.

Tanggapin na – for the sake of argument, ika nga – na merong paglabag sa due process ang pagkabuo ng Articles of Impeachment, ito ay usapin sa saklaw lamang ng prosesong internal sa Kongreso, diringgin at pagpapasyahan sa pag-convene na ng Senado bilang impeachment trial court – internal pa rin sa Kongreso.

Gusto kong hiramin ang terminong ginamit ng isang international legal expert sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Hague na nagdedeklarang illegal ang nine dash line ng China: ultra vires. Ibig sabihin ay wala sa kakayahang magpasya.

Sagrado ang doktrina ng separation of powers sa hanay ng Ehekutibo, Lehislatibo at Hudikatura. Labas sa hurisdiksyon ng Korte Suprema – kaya ultra vires – ang pakialaman ang konstitusyunal na gawain ng Kongreso. Magaganap lamang ang paglabag ng Kongreso sa due process sa kaso ni Sara kung ang buong proseso ng impeachment trial ay nangyari na, nahatulan na si Sara at na ang hatol ay lumabag nga sa kanyang mga karapatan.

E, hindi pa nga umuusad man lang ang paglilitis sa bise presidente, sasabihin mo na, labag sa due process, ano ba yan?

Humusga ka sa isang usapin na labas sa iyong hurisdiksyon.

Ikaw ang unconstitutional!

Anim na buwan nang nabinbin ang impeachment trial ni Sara. Humihiyaw ang bayan. Simulan na ang paglilitis. Hindi na mahalaga kung abswelto ng Senado o ideklara nitong maysala si Sara.

Marinig lang ng bayan ang mga ebidensya, nasa mga kamay na nila ang ultimong pagpapasya.

Pero kung ganyan nga na walang kaabog-abog, heto ka’t idedeklara mong unconstitutional ang impeachment.

Biglang tigil ang buong impeachment process. Saang angulo mo man silipin, talo ang buong bayan na umasang marinig ang katotohanan.

Oo, may pa-consuelo de bobo ang Supreme Court na hindi ibig sabihin abswelto na si Sara. Pwedeng isampa uli ang kaso pagkaraan ng isang taon.

Lalo lamang nitong pinag-aalburoto ang sambayanan. Ang ganung pampalubag-loob ay para-parang mga inasukalang bala, matamis sa panlasa ngunit pumapatay pa rin kapag ipinutok.

Batay sa daloy ng mga pangyayari, estratehiya na ni Sara na patagalin na lang talaga nang patagilin ang pagsisimula ng impeachment trial hanggang sa makasawaan na ng bayan ang paghihintay sa pagsisimula nito. Tinanggap ng Senado ang Articles of Impeachment Pebrero 5, 2025, isang araw bago ang extended break kaugnay ng midterm elections. Mandato ng Konstitusyon na oras na pumasa na ang articles of impeachment sa Kamara, ang paglilitis ng Senado sa nasakdal ay nang gumulong ura-urada. Iyan ang “forthwith” sa salitang kalye.

Sabihin nang break na nga ng Senado, subalit kung tapat ka sa sinumpaang tungkulin, pwede ka namang tumawag ng special session matuloy lamang ang paglilitis ng impeachment ni Sara.

Hindi, e. Katwiran ni Senate President Chiz Escudero, “Kung silang mga congressman ay kayang madaliin, huwag kami.”

Kaya ang nangyari, nagkaroon ng pagkakataon na magpetisyon si Sara sa Supreme Court na pawalang-bisa ang Articles of Impeachment, na siya ngang nangyari noong Hulyo 25, 2025, nang ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang articles of impeachment.

Direktor ako sa pelikula at alam ko kung ano ang istorya base sa pagdugtong-dugtong ng mga eksena.

Kumbaga script.

Mula kay Senate President Escudero na napilitan nang iconvene ang Senado bilang Impeachment Court, tumalon ang eksena kay Senator Bato na nagmotion na idismiss ang reklamo laban kay Sara upang matuunan ng pansin ang kung anu-anong mga buladas. Pasok si Senator Cayetano na  mag-aamyenda kuno sa motion ni Bato upang ang articles of impeachment ay maibalibag muli sa Mababang Kapulungan at  pasertipikahan na ito ay hindi lumalabag sa one-year bar rule.

Laking himala.

Ang sumagot ay Supreme Court!

“Lumabag,” hatol ng SC. “Unconstitutional.”

Kung ito ay pelikula, huwag silang magkakamaling ilaban sa FAMAS.

Silip na silip ang mga eksena. Planted.

Lalo na kapag dumating sa ending, malamang na talagang magwawala ka na.

Mantakin mong ultimong sa sanctum sanctorum ng Korte Suprema, matatag na nakapag-ugat na rin pala ang kahambugan ng mga Duterte.

May karugtong

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -