BILANG bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na maisulong ang alternatibong kabuhayan sa mga komunidad ng urban poor, matagumpay na isinagawa ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang isang Capability Building Training on
Bread and Biscuit Making sa Ridgeview Park, Barangay 97, Cabalawan, Tacloban City.

Dalawampu’t limang miyembro ng Victorious Livelihood Association, mga benepisyaryo ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) Micro-Enterprise Program ng DSWD, ang lumahok sa nasabing aktibidad upang palawakin ang kanilang kaalaman sa baking at tamang food handling. Bahagi rin ng training ang tamang paggamit ng kagamitan, mga sangkap, at mga teknik sa paggawa ng produktong gaya ng galletas, stick bread, at toasted bread para sa posibleng mass production at pangkabuhayang pagkakakitaan.

Ang pagsasanay ay pinangunahan ng kilalang bakery owner, Nelson Cajes ng Cajes BreadCraft, katuwang ang kaniyang maybahay na si Roanne Sampaga at kanilang bakery staff na si Tata Rodriguez.

Matapos ang aktibidad, tumanggap ang mga kalahok ng mga demo kits upang magamit ang kanilang mga natutunan. Patuloy ang PCUP sa pag-organisa ng mga programang nagtataguyod ng ganitong mga inisyatibo upang patuloy na mabigyan ng mas maraming
oportunidad ang mga miyembro ng urban poor communities.



