(Una sa 2-serye)

“SI Ampalaya ay umabot na sa trenta,” ito ang bungad sa akin ni Augie Rivera, ang isa sa nangungunang awtor ng aklat pambata sa Pilipinas. Nagkita kami kamakailan sa Museo Pambata sa taunang pagdiriwang ng National Children’s Book Day (NCBD). Siya ang umakda ng popular na aklat pambatang ‘Ang Alamat ng Ampalaya’ na iginuhit ni Kora Dandan-Albano at inilathala ng Adarna House noong 1995. “Dito rin sa Museo Pambata naganap ang booklaunch ng aking aklat,” pag-alala ni Augie.

“Nagsusulat pa lamang ako noon sa TV show na Batibot. Habang inaawit ang popular na folk song na Bahay Kubo, napansin kong hindi pala nakasama sa listahan ng mga gulay ang ampalaya,” kuwento sa akin ni Rivera nang tanungin ko kung bakit naisipan niyang gawan ng modernong alamat ang ampalaya. At sinubukan pa niyang kantahin ulit ang ‘Bahay Kubo’ para patunayan ang punto niya. Sa pagkakataong ito ay sinabayan ko pa siya. At tama nga, sa dinami-dami ng gulay na matatagpuan sa bakuran ng Bahay-Kubo, hindi nabanggit ang mapait na gulay! “Naawa ako sa kanya kaya naisip kong igawa siya ng alamat,” patuloy pa niya. Bakit nga kaya nalimutang banggitin ang ampalaya sa naturang awiting bayan gayong napakapopular nitong sangkap sa pagluluto ng pakbet?

Inakala ng marami na isa itong tradisyonal o sinaunang ‘alamat’ na mula pa noong panahon ng mga ninuno natin. Marami kasing naglabasang alamat tungkol sa mga bagay-bagay sa ating paligid – mula sa prutas, hayop, bundok, at kung ano-ano pa. Ang alamat naman kasi ay mga kuwentong naglalayong ipaliwanag lamang kung saan nanggaling ang mga naturang bagay. O kung bakit may ganoong pambihirang katangian (hugis, amoy, anyo) ang isang prutas. Halimbawa’y kung bakit maraming mata ang pinya sa ‘Alamat ng Pinya’; kung bakit hugis-kampana ang makopa sa ‘Alamat ng Makopa’; o kung saan nanggaling ang pambihirang kagandahan (at bagsik) ng Bulkang Mayon sa ‘Alamat ng Mayon Volcano.’ Pero iba ang ‘Alamat ng Ampalaya’ na isinilang mula sa mayamang imahinasyon ni Augie Rivera.

Isa itong ‘orihinal na alamat.’ Ibig sabihin, hindi ito kabilang sa mga alamat na maihahanay sa mga kuwentong bayan na hindi natin tukoy kung sino ang umakda. Ang tawag dito ni Virgilio Almario ay ‘paalamat’ o ‘kuwentong likha sa kasalukuyan ngunit nagkukunwang lumang alamat.’ (Panitikang Pambata sa Filipinas, 2010). Samakatuwid, hindi ito isang kuwentong alamat na basta-basta na lang ikukuwento o ilalathala ng walang pahintulot ang may akda. May manunulat na umakda ng kuwentong ‘Alamat ng Ampalaya’ at siya’y buhay na buhay pa (kaya dapat ay humihingi ng permiso sa may-akda ang sino mang nagnanais na ito’y mailathala sa ginagawa nilang teksbuk o mga tesis at pag-aaral).

Nang matapos ni Rivera ang ‘Alamat ni Ampalaya,’ ito ang naging lahok niya sa UP National Writers’ Workshop na ginanap sa Baguio City noong 1995. Ang pokus ng naturang workshop noon ay ang panitikang pambata at bukod sa mga manunulat ng kuwentong pambata ay nagtampok din ng mga ilustrador ng kuwentong pambata. Marahil ay nais suportahan ng UP ang industriyang nagsisimula nang umunlad, lalo pa at masugid na tagatangkilik ng panitikang pambata si Almario. Noong dekada ‘70 at ’80 ay kakaunti lamang ang mga orihinal na kuwentong pambata, lalo na ang nakasulat pa sa wikang Filipino. Ang ilustrador na si Kora Dandan-Albano, na fellow din sa naturang workshop, ang nakabunot ng kuwento ni Ampalaya na kanyang iguguhit.

Sa pagtatapos ng naturang workshop ay pinarangalan si Rivera ng Likhaan Award para sa Pinakamahusay na Kuwentong Pambata. Gayon din, pinarangalan si Albano ng Likhaan Award para sa kanyang ilustrasyon ng bugnuting ampalaya. “Doon pa lang sa Baguio ay inalok na agad kami ni Kora ng publisher ng Adarna House na si Rio na ilalathala niya ang kuwento,” pagbabahagi ni Rivera. Si Virgilio Almario, ang ating National artist sa Panitikan, ang tinutukoy niyang ‘Rio.’ Kinailangang upuan agad ni Albano ang paggawa ng mga ilustrasyon upang mailunsad agad ang libro sa paparating noon na National Children’s Book Day, na ginaganap tuwing ikatlong Martes ng Hulyo. Sa loob ng tatlong buwan ay isinilang ang aklat! “And it was a big hit!” pagmamalaki ni Rivera.
Itong ‘Alamat ng Ampalaya’ ang kauna-unahang libro ni Rivera. Magandang panganay itong si Ampalaya sapagkat sinundan pa ito ng maraming maririkit na tauhan sa aklat pambata na nilikha ni Rivera gaya nina Xilef, Benito, Nina Inosente, Lea, at ang limang batang nabuhay sa iba’t ibang panahon ng ating kasaysayan, mula sa kanyang ‘Batang Historyador Series’ ng Adarna House: sina Diwayen (noong Unang Panahon); si Segunda (noong Panahon ng mga Kastila); si Juanito (noong Panahon ng mga Amerikano); si Pitong (noong Panahon ng mga Hapon); at si Jhun-Jhun (noong Panahon ng Batas Militar). Apat na ulit na ring pinarangalan si Rivera ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature para sa kanyang mga kuwentong pambata at kamakailan ay kinilala ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas para sa kontribusyon niya sa Panitikang Pambata.
Sa kabilang banda, itong ‘Alamat ng Ampalaya’ ang ikatlong aklat pambata ni Albano. Ito rin ang bumuo sa desisyon ni Albano na suungin ang pagiging full-time children’s book illustrator sa halip na maging isang full-time painter. Si Albano ay nakaguhit na nang di-mabilang na aklat pambata ngayon. ilang ulit na ring naparangalan ng National Children’s Book Award ang kanyang mga pambihirang sining (at maging ang kanyang panulat). Hindi nakapagtataka sapagkat si Kora ay anak ng batikang manunulat na si Pedro Dandan.
“Kung titingnan mong maigi ang aming aklat, may mapapansin kang isang munting tauhan na hindi ko binanggit sa aking teksto. Ito ay ang ‘siling labuyo’ na nagsilbing ‘silent witness sa lahat ng mga nangyayari sa ‘Bayan ng Sariwa’ (ang nagsilbing tagpuan ng ‘Alamat ng Ampalaya’),” natutuwang kuwento pa sa akin ni Rivera. Binuksan niya ang naturang aklat at itinuro sa akin ang presensiya ni Siling Labuyo sa iba’t ibang pahina ng aklat. “Si Kora ang nakaisip na idagdag ang siling labuyo sa ilustrasyon sapagkat kagaya ni Ampalaya, isa rin siyang gulay (o prutas?) na etsa-puwera rin sa ‘Bahay Kubo.’ Sige nga, subukan ninyong kantahin ang ‘Bahay Kubo’ at tingnan kung may nabanggit na sili sa hilera ng ‘sibuyas, kamatis, bawang, at luya, at sa paligid-ligid ay puno ng linga’).
(May karugtong)

