28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Bilang pagtupad sa pangako ng SONA: Libo-libong bagong trabaho ang binuksan para sa mga Pinoy

- Advertisement -
- Advertisement -

LIBO-LIBONG trabaho ang inialok para sa mga Pilipino alinsunod sa pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang 2025 State of the Nation Address (SONA) na makapagbigay ng disenteng trabaho bilang proteksyon laban sa kahirapan.

Nakilahok ang mga aplikante at mga manggagawa na naghahanap ng iba pang oportunidad sa Trabaho sa Bagong Pilipinas job fair sa Maynila noong ika-31 ng Enero 2025. (Larawan mula sa DOLE-IPS)

Sa kanyang pinakahuling SONA, binigyang-diin ng Pangulo ang patuloy na pagtaas ng mga oportunidad sa trabaho sa buong bansa at tiniyak ang patuloy na pagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong walang trabaho sa pamamagitan ng mga tiyak na programa mula sa pangunahing ahensya ng pamahalaan.

“Magpupursige ang DOLE, DTI, DSWD, kasama pati ang DOT, at mga kaugnay na ahensya sa paghahanap ng paraan at ng mga oportunidad para sa natitirang apat na porsyento ng ating pwersang-manggagawa na hanggang ngayon ay walang trabaho,” aniya.

Nakabatay rin ito sa pahayag ng Pangulo sa SONA ng nakaraang taon, kung saan kanyang ipinangako ang paglikha ng mas marami pang trabaho sa pamamagitan ng mga proyekto ng pamahalaan sa imprastruktura, mga patakarang pabor sa mga mamumuhunan, at mga pagsisikap na himukin ang pamumuhunan ng ibang bansa.

“Malaking bilang na ng mga pangako sa pamumuhunan ang nagsimula na ng operasyon, at marami pa ang nasa iba’t ibang yugto na ng implementasyon. Sa bilang natin, bukod sa malaking kita para sa bansa, makakalikha ang mga ito ng mahigit 220,000 trabaho para sa ating mga kababayan,” pahayag ni Marcos sa kanyang SONA noong nakaraang taon.

Batay sa pinakahuling datos, iniulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mayroong 187 certified strategic investments mula sa P4.6 trilyong portfolio ng administrasyong Marcos Jr. ang nasa iba’t ibang yugto na ng implementasyon, na lumilikha ng trabaho sa mga pangunahing sektor, kabilang ang renewable energy, telecommunications, food production, at manufacturing.

Kabilang sa mga proyekto ay ang floating solar power initiative ng SunAsia Energy sa Laguna Lake, na naglalayong makagawa ng karagdagang 1,300 megawatts ng clean energy na lilikha rin ng green jobs. Sa larangan ng digital infrastructure space, magtatayo ang Pinnacle Towers — na may suporta mula sa KKR global investment firm — ng 2,000 telecom towers sa buong bansa.  Itinutulak din ng Google ang tech employment sa pamamagitan ng career certificate programs at Taiwan-Philippines-United States (TPU) subsea cable project na nakatakdang makumpleto sa pagtatapos ng taong 2025.

Upang higit pang mapalakas ang paglikha ng trabaho, inaprubahan ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang P72.36 bilyong puhunan mula Enero hanggang Hunyo 2025—tumaas ito mula sa parehong panahon noong nakaraang taon—na inaasahang lilikha ng 32,983 direktang trabaho, na tumaas mula sa 25,259 noong 2024. Para sa buong taon ng 2024, inaprubahan ng PEZA ang 255 proyekto — tumaas mula sa 233 noong 2023 — na inaasahang makalikha ng higit 72,000 bagong direktang trabaho at mahigit USD4.6 bilyon sa exports.

Patuloy din na nakikipag-ugnayan ang PEZA sa mahigit 50 aktibong namumuhunan, habang ang Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) ay nagsasaliksik ng potensyal na USD700 milyong cell power plant katuwang ang Korean partners, na naglalayong makamit ang 250 megawatts capacity at mga bagong trabaho sa sektor ng enerhiya.

Nakahanay ang mga inisyatibang ito sa Philippine Labor and Employment Plan 2023–2028 at sa Trabaho Para sa Bayan Plan 2025–2034, na sumusuporta sa Philippine Development Plan 2023–2028.

Sa 2025 Post-SONA Discussion tungkol sa Education and Workers’ Welfare and Development, binigyang-diin ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma ang patuloy na pagsusumikap sa pangangasiwa ng trabaho sa pakikipagtulungan ng pribado at pampublikong sektor.

Kabilang dito ang buwanang pagsasagawa ng job fairs, pagpapatibay ng labor market information system at ng PhilJobNet online portal, at ang aktibong pakikilahok sa Public Employment Service Offices (PESO) at lokal na yunit ng pamahalaan (LGUs) upang mapalawak at mailapit ang mga oportunidad sa mga manggagawa.

“Sa kanilang (LGUs) matapat at maayos na pakikipag-ugnayan sa DOLE, nahihikayat natin ang mga negosyante na existing na palakasin pa o magdagdag ng puhunan, at ikalawa ay may kinalaman sa paghihikayat ng bagong investors,” pahayag ng Kalihim.

Upang ihanda ang lakas-paggawa para sa mga oportunidad na ito, nagsasagawa rin ang Labor department ng mga programa para sa upskilling at reskilling na tutugon sa pangangailangan ng mga industriya na pinasigla ng pamumuhunan mula sa lokal at ibang bansa.

Tiniyak ni Kalihim Laguesma na ang ahensya ay “magpapatuloy sa pagbuo ng mga epektibo at napapanahon at angkop na patakaran sa pagtatrabaho, pagpapahusay ng kakayahan at kasanayan ng mga manggagawa, at pagpapalawak ng access sa trabaho at oportunidad pangkabuhayan sa buong bansa.”

“Ang aming mga pagsisikap ay nakatuon at nakasentro sa pagbuo ng isang kapaligiran na tunay na magpapapanatili at magpapatatag sa mga negosyo sa buong bansa, na laging ginagabayan ng mga prinsipyo ng tripartismo, dayalogong panlipunan at makabuluhang konsultasyon sa mga sektor,” wika ni Kalihim Laguesma.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -