26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Mensahe ng bagong komisyoner ng KWF

- Advertisement -
- Advertisement -

HINIRANG na bagong tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) si Marites Barrios-Taran, LLM, MGM, CPA nitong Agosto 4, 2025. Bilang bagong komisyoner, narito ang kanyang mensahe.

Isang mapagpalayang pagbati sa lahat.

Sa mga araw at taong nilagi ko sa Komisyon (natalaga siyang direktor heneral simula 2023), naging pamilyar ako sa sistema at proseso ng Komisyon mula sa pangangasiwa hanggang sa mga talakayan gaya sa pagbalangkas ng mga patakarang pangwika.

Tumibay at tumimo sa akin ang mandato ng Komisyon sa pagsusulong ng ating adbokasiyang pangwika.

Ang pagkahirang sa akin ay isang pribilehiyo na aking pakaiingatan. Ito ay may kaakibat na sagradong obligasyon na balak kong tuparin ng buong

husay at lakas. Hindi ko sasayangin ang tiwalang kaloob ng Pangulo sa akin at hinihiling ko ang pagkakaisa sa pagpapatupad ng mandato ng Komisyon.

Sa ganang akin, dapat ay magbalangkas ang komisyon hindi lamang ng pagdodokumento ng mga nanganganib na wika kundi maging pragmatiko sa preserbasyon sa pamamagitan ng pagtukoy sa kanilang pangangailangan na may kinalaman sa kanilang pang-araw-araw na buhay upang maging makatuturan sa kanila ang ating ahensiya.

Susukatin natin ang tagumpay hindi lamang sa ating layunin o ulat, kundi sa pragmatikong impact o epekto na mararamdaman ng ating stakeholders.

Isang mahalagang bahagi ng ating misyon ay ang pangangalaga sa mga nanganganib na wika, pagbalangkas ng pamantayan sa pananaliksik,

pagtuon sa pagbuo ng ortograpiya upang makatugpn sa kahingian ng RA 12027, pagpapasulong sa RA 11106, at pagpapasigla sa mga Sentro ng Wika at Kultura sa Bansa.

Upang makamit ito, ating isasagawa ang pagpapatupad sa ating tungkulin ng sumusunod na direksiyon para sa Komisyon.

Narito ang BISYON, MISYON, at TUNGUHIN NG ATING AHENSIYA:

Wikang Filipino: Instrumento ng Kaisahan, Karunungan, at Kaunlaran ng Bayang Pilipino

MISYON

Tiyaking ginagamit ang wikang Filipino bilang pamantayang wika sa lahat ng antas ng diskurso at pangunahing kasangkapan tungo sa pagkakaisa, pagpapaunlad ng karunungan, at pagsusulong ng mga wika sa Pilipinas.

TUNGUHIN

Maitanghal ang mga wika sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbalangkas ng mga napapanahong patakarang pangwika na titiyak sa pangangalaga, pagpapasigla, at pagpapayaman ng mga wika sa iba’t ibang dominyo at lawas ng karunungan at maging pambansang sanggunian ng karunungang-wika sa saliksik, publikasyon ng mga pamatanyang panglingguwistika  araling pangwika at pagsasalin gamit ang Filipino at mga wika ng Pilipinas.

Maisasagawa natin ang lahat ng ito gamit ang LIMANG HALIGI NG SERBISYONG PANGWIKA NA HANDOG NG KOMISYON SA PUBLIKO:

(5S) SALIKSIK, SAGIP, SULONG, SALIN, SINOP

Una, ang SALIKSIK-WIKA na magkakaloob ng serbisyong nakatuon sa pananaliksik;

Ikalawa, SAGIP-WIKA na nakasentro sa pagtukoy sa mga wikang nanganganib at pagsasagawa ng interbensiyon para maagapan na di sila maglaho;

Ikatlo, ang SULONG-WIKA na ang tuon ay sa promosyon ng mga gawain ng mga Sentro ng Wika at Kultura sa mga State Colleges and Universities. Kasama rito ang pagbuo ng Information Education and Communication na materyales sa walong  pangunahing wika sa Pilipinas.

Ikaapat, ang SALIN-WIKA ay magiging masaklaw ang aplikasyon nito sa pamamagitan ng koordinasyon sa mga sangay ng pamahaalaan sa pagsasalin ng iba’t ibang pampamahalaang pamantayan at mga gabay ng mamamayan;

Ikalima, ang SINOP-WIKA na magiging repositoryo ng lahat ng etnolinguwistikong dokumentasyon na magiging batayan ng mag-aaral at mananaliksik.

Ang limang haliging ito ang magiging gabay natin para sa serbisyo publiko. Dapat ang bawat isa sa atin ay isapuso at isadiwa ang mga ito.

(5S) SALIKSIK, SAGIP, SULONG, SALIN, SINOP

Palalakasin din natin ang Yunit ng Filipino Sign Language bilang ating commitment sa RA 11106 sa pamamagitan ng pagpapatulong sa National

Coordinating Council of Deaf Organizations at National Coordination Coucil of Interpreters at kanilang umbrella organizations.

Makikibahagi tayo sa pragmatikong usapin ng mga katutubo katuwang ang Pambansang Konseho ng mga Mamamayang Katutubo sa Pilipinas at sa pamamagitan ng epektibong ugnayan sa NCIP upang sabay na matugunan ang kanilang pangangailangan at pagsalba sa kanilang wika at kultura.

Magiging kolaboratibo at inklusibo ang ating gawain. Nangangailangan ito ng pakikipagtulungan ng mga komunidad, mga guro at iba pang

tagapagtaguyod natin mula sa lokal na pamahalaan, at sa pribadong sektor.

Tayo ay maglilmbag ng mga aklat na may tahasang kinalaman sa ating mandato at magbibigay ng rekognisyon sa mga karapat-dapat na Pilipinong di matatawaran ang ambag sa pagpapayaman ng wikang Filipino.

Sa aking pamumuno, kasama ang Kalupunan at lahat ng kawani at bahagi ng Sekretataryat, mapagtatagumpayan natin ang anumang hamon tungo sa pagganap sa ating sinumpaanng pagseserbisyo — sa pubilko.

Sa lahat ng ating ginagawa, ituon natin ang ating lakas at talino sa kapakanan ng publiko at sa tiwalang ibinigay sa atin para maglingkod. Sa kabilang banda, ang mga gawaing administratibo ay hindi natin pababayaan. Ang kapakanan ng mga kawani ay hindi natin isasantabi, sapagkat ang yamang pantao na binubuo ng mga kawani na may angking talino, kasanayan, kakayahan, at lakas ay mahalagang aspekto ng pagpupunyagi at pagsulong ng ating mga adhikain.

Hinihiling ko ang inyong tulong at pakikiisa upang matupad natin ang mga mahahalagang gampaning ito. Pauna na ang aking pasasalamat at umaasa Komisyonako sa inyong solidong kooperasyon upang maging episyente ang ating paglilingkod.

Maraming salamat at Mabuhay tayong lahat!

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -