KARANIWAN, gumagamit ang mga magsasaka ng kemikal na pataba para mapatubo ang kanilang pananim, pero mahal ito at maaaring makasama sa kalikasan. Mas mura at mas epektibong alternatibo ang paggamit ng ilang partikular na mikrobyo na tinatawag na plant growth-promoting bacteria o PGPB. Tinutulungan ng PGPB ang mga halaman na mas makasipsip ng sustansya at gumawa ng mga growth hormone na nagpapasigla ng ani. Kapag ginamit bilang biofertilizer, naibibigay ng PGPB ang parehong benepisyo ng kemikal na pataba—pero wala ang masamang epekto nito.
Sina Camille Andrea Flores, Dr. Maria Auxilia Siringan, at Mary Ann Cielo Relucio-San Diego mula sa Natural Sciences Research Institute ng College of Science sa University of the Philippines Diliman (UPD-CS NSRI) ay nagsuri at nakakilala ng mga uri ng bakterya mula sa ugat ng kawayan at mais na itinanim sa lalawigan ng Cagayan, na may potensyal na makatulong sa mga halaman at ma-develop bilang biofertilizer.

Alam na ang kawayan at mais ay may taglay na PGPB sa kanilang mga ugat. “Isa ang mais sa pinaka-in demand na butil sa mundo at pangalawa sa pinakamahalagang pangunahing pagkain sa Pilipinas. Ang kawayan naman ay may malaking ambag sa ekonomiya at isa sa mga high-value crops ng bansa, kung saan ika-5 ang Pilipinas sa pinakamalalaking exporter ng kawayan sa buong mundo. Ang pagpapataas ng ani ng mga pananim na ito ay makakatulong para mapalakas ang ating ekonomiya,” sabi ni Relucio-San Diego.
Nakolekta at natukoy, sa pamamagitan ng DNA analysis, ang kabuuang 27 uri ng bakterya. Sinuri ang mga ito sa laboratoryo para makita kung may kakayahan silang magpasigla ng paglago ng halaman. Lumabas sa resulta na lahat ng uri ay may hindi bababa sa dalawang kapaki-pakinabang na katangian. Apat sa kanila ay may genes para sa nitrogen fixation, kabilang ang dinitrogenase reductase (nifH); labing-isa ang kayang magpalusaw ng posporus sa lupa para mas madaling masipsip ito ng mga halaman; lahat ng 27 ay gumagawa ng indole-3-acetic acid (IAA), isang natural na plant hormone na nagpapasigla ng paglago; at 24 ang gumagawa ng siderophores, na tumutulong sa halaman na sumipsip ng iron.
Kapansin-pansin, dalawang natatanging uri ng bakterya—ang Enterobacter roggenkampii B1-01 at Klebsiella oxytoca B1-04—ang nagpakita ng lahat ng kapaki-pakinabang na katangiang sinuri. Pinapakita nito na kayang mag-host ng ugat ng kawayan at mais ng iba’t ibang bakterya na may kakayahang magpasigla ng paglago ng halaman, na may potensyal na magamit sa agrikultura.
“Kung ma-develop ang mga mikrobyong ito bilang biofertilizer, maaari nitong matulungan ang mga magsasaka na mapataas ang ani at kalidad ng kanilang pananim,” dagdag ni Relucio-San Diego. Gayunpaman, binanggit niya na mangangailangan ito ng mahabang proseso na may kasamang karagdagang pondo, siyentista, at angkop na pasilidad.
Ang unang hakbang sa pagde-develop ng mga uring ito bilang komersyal na biofertilizer ay ang pagtiyak na ang mga mikrobyong gagamitin ay hindi banta sa anumang anyo ng buhay, lalo na sa tao at kalikasan. Kabilang dito ang pagsuri kung may dala silang genes na may kaugnayan sa sakit ng tao o antimicrobial resistance. “Sunod ay ang pagtukoy kung kaya talagang mapabuti ng mga mikrobyo ang paglago ng halaman, gaya ng nakita sa aming in vitro tests at ayon sa kanilang genomic features. Ang pinakamabisang paraan para gawin ito ay sa pamamagitan ng in planta o pot experiments,” paliwanag ni Relucio-San Diego.
Sa pot experiments, inilalagay ang mga mikrobyo sa isang partikular na plant model para masuri ang epekto nito sa paglago ng halaman (halimbawa, pagpapahaba ng ugat, pagdami ng biomass, pagpapahaba ng tangkay, at iba pa). Pagkatapos, kailangang kumpirmahin ang mga resulta sa pamamagitan ng angkop na pagsusuri bago magpatuloy sa field trials. Kapag matagumpay na natapos ang field trials, saka pa lamang maaaring i-develop ang mga uring ito bilang komersyal na biofertilizer.
Ang pag-aaral na pinamagatang “Multiple Plant Growth–Promoting Activities Exhibited by Root-Associated Bacteria Isolated From Bamboo and Corn” ay nailathala sa International Journal of Microbiology, isang open access journal na naglalathala ng mga pag-aaral tungkol sa mga mikrobyo at ang kanilang ugnayan sa mga host at sa kapaligiran. Ang pananaliksik ay pinondohan ng NSRI, at ang whole-genome sequencing ay sinuportahan ng Project 4, Probing Microbial Diversity in Submarine Groundwater Discharge (SGD) ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).

