32.3 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Mga pisiko ng UP, ipinakita ang pagbabago ng pandaigdigang paniniwala sa loob ng 4 na dekada

- Advertisement -
- Advertisement -

GUMAWA ng mga culture map ang mga siyentista mula sa National Institute of Physics ng College of Science sa University of the Philippines Diliman (UPD-CS NIP) gamit ang datos mula sa Integrated Values Survey (IVS).

Gamit ang isang pamamaraan na tinatawag na principal component analysis (PCA), nakabuo sina John Lawrence Euste, Hannah Christina Arjonillo, at Dr. Caesar Saloma ng mga time-resolved na pares ng magkakaugnay na mapa mula sa datos ng IVS na nakalap sa loob ng 40 taon mula sa higit 120 bansa: isa na nagpapakita ng pagkakaiba ng kultura sa pagitan ng mga bansa, at isa pa na nagpapakita ng pagbabago ng kultura sa loob ng isang partikular na bansa batay sa mga sumagot sa survey. Sa kabuuan, pitong magkakahiwalay na survey ang isinagawa mula 1981 hanggang 2022.

Pagsusukat ng pagbabago ng kultura

Nakakalat na plots ng mga individual respondent mula sa apat na bansa na sinurvey sa Wave 7. (Larawan mula sa: Euste et al., 2025)

“Mula sa pananaw namin bilang mga applied physicist, gusto naming makita at masukat kung paano nagbago ang kultura, na karaniwan ay inilalarawan lang batay sa mga kuwento,” paliwanag ni Dr. Saloma, at idinagdag na ang kanilang pag-aaral ay kabilang sa sociophysics, isang sangay ng pisika na nakatuon sa pagmomodelo at pagsusukat ng mga penomenong panlipunan gamit ang mga pamamaraang unang dinebelop sa statistical at instrumentation physics. “Sinubukan naming sukatin kung paano nag-iiba ang kultura sa paglipas ng panahon sa mga populasyong magkakalayo sa heograpiya,” dagdag niya.

Ang mga bansa ay inilalarawan bilang mga tuldok sa unang mapa. Sa pamamagitan ng pagsubaybay sa galaw ng mga ito sa paglipas ng panahon, natuklasan ng grupo na sa pangkalahatan ay mas naging nakatuon ang mga bansa sa mga pagpapahalagang nakasentro sa self-expression. Sa ikalawang mapa naman, ang mga tuldok ay kumakatawan sa mga sumagot mula sa bawat bansa. Sinukat ng grupo ang pagkakaiba-iba ng kultura gamit ang standard deviational ellipse (SDE) area. Ang mga bansang may mas maliit na SDE ay nagpapakita ng mas mababang antas ng pagkakaiba-iba ng kultura at mas nakahilig sa mga tradisyonal na pagpapahalaga, habang ang may mas malalaking SDE ay nagpapakita ng mas mataas na pagkakaiba-iba ng kultura at mas nakatuon sa mga pagpapahalagang nakasentro sa self-expression.


“Tiningnan ko ang iba’t ibang literatura para malaman kung maaari talagang sukatin ang kultura, at natuklasan ko na may mga modelo ng cultural dynamics at pagbabago,” sabi ni Euste habang ipinaliwanag kung paano siya naging interesado sa pagsukat ng pagbabago ng kultura. “Pero napagtanto ko na kakaunti lang ang mga modelong talagang sumusuri sa aktuwal na cultural dynamics—kung paano nagbago ang mga pagpapahalagang kultural batay sa totoong empirical data.”

Pagbabago ng datos tungo sa mga Mapa ng Kultura

Unang pinagsama-sama ng mga pisiko ang datos mula sa survey (mahigit 300,000 na kabuuang sumagot) sa pamamagitan ng pagkuha ng average ng mga sagot kada bansa. Pagkatapos, in-apply nila ang PCA sa mga sagot na naipon kada bansa. Sa paraang ito, nakabuo sila ng mapa kung saan ang bawat bansa ay kumakatawan sa isang tuldok, na nagpapadali sa pagsusuri ng pagkakaiba ng kultura sa pagitan ng mga bansa.

“Pero ang country-level map ay nagpapakita lang ng bawat bansa bilang isang tuldok, na hindi naman sumasalamin sa pagkakaiba-iba ng kultura sa loob ng mga bansa. Halimbawa, ang Pilipinas ay hindi iisang uri lang ng kultura; hindi makatuwirang ilarawan ang buong bansa gamit lang ang isang cultural profile,” paliwanag ni Euste. Kaya naman ginamit nila ang transformation matrix na nakuha mula sa country-level PCA. Tinutulungan ng matrix na ito na mailagay ang mga indibidwal na sagot sa mga koordinado sa parehong cultural map, para matiyak ang pagkakapareho ng representasyon sa country-level at respondent-level.

- Advertisement -

“Tinitiyak ng paraang ito na magkatugma ang mga resulta mula sa parehong level,” dagdag ni Arjonillo. “Tinutulungan ng ikatlong paraan na iayon ang dalawa, para maikumpara namin ang parehong average ng bansa at ang kabuuang distribusyon ng mga sagot ng respondent sa paglipas ng panahon.”

Sa country level, natuklasan ng mga pisiko na ang Pilipinas ay kasalukuyang tradisyonal—malaki ang pagpapahalaga sa relihiyon, ugnayan ng magulang at anak, paggalang sa awtoridad, at tradisyonal na estruktura ng pamilya—ngunit may pagkiling din sa self-expression sa pamamagitan ng pagsuporta sa pangangalaga ng kalikasan, pagkakapantay-pantay ng kasarian, at aktibong pakikilahok sa kolektibong panlipunan at pang-ekonomiyang gawain. Mula 1996 hanggang 2019, nakitaan ang bansa ng bahagyang pagbaba sa tradisyonal na pagpapahalaga at pagtaas sa self-expression.

Kapansin-pansin rin na ang mga bansang pinakamalapit sa Pilipinas sa usaping kultural ay mga bansang Latin American tulad ng Bolivia, Guatemala, Mexico, at Nicaragua—na malamang ay repleksiyon ng kasaysayan ng bansa sa mahigit 300 taon ng kolonyalismong Espanyol, kaysa sa mga kapit-bansa nito sa Silangan o Timog-Silangang Asya.

Mga aktuwal na aplikasyon

Naniniwala ang mga pisiko na maaaring magsilbing gabay ang kanilang mga natuklasan at mga ginamit na pamamaraan para suportahan ang mga gumagawa ng polisiya sa kanilang mga desisyon. “Makakatulong ang pag-aaral para maunawaan kung paano nagbabago ang mga pagpapahalagang kultural sa paglipas ng panahon, at magabayan ang mga policymaker sa paggawa ng mga patakaran na mas akma sa kultura ng isang bansa,” paliwanag ni Euste. “Mahalaga ito para maintindihan ang mas malawak na galaw ng kultura at kung paano ito umuunlad.”

Ipinaliwanag ni Dr. Saloma na mas epektibo ang mga batas, patakaran, at regulasyon kung nakabatay ang mga ito sa siyentipikong ebidensya. “Mas nagiging mabisa ang mga patakaran kapag umaasa sa siyentipikong datos at mga natuklasan; kaya mahalaga ang pagsusukat ng ebolusyon ng kultura,” dagdag niya.

- Advertisement -

“[Ang aming pag-aaral] ay patuloy pa ring isinasagawa,” pagtatapos ni Arjonillo. “Mahalaga para sa amin ang makalikha ng mga kasangkapan para sa pagsukat—iyan ang layunin ng instrumentation. Nais naming patuloy itong suriin at paunlarin, hindi lamang sa larangan ng pisika, kundi saanman kami makakahanap ng kapaki-pakinabang na datos.”

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -