32.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 19, 2026

Simulan natin sa pagsulat ng ‘theme book’

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

NAKAKALUNGKOT na makitang humina ang kakayahan ng ating mga kabataan, hindi lamang sa pagbabasa, kundi maski sa ‘written composition’ o sa pagsulat ng ano mang akda na may tuon sa maayos na daloy o organisasyon ng diwa gamit ang maayos na gramatika. Hindi naman puwedeng palundag-lundag ang ideya ng isang nagsusulat. Paano ba natin maipapaabot sa mambabasa ang isang mensahe, ideya, o kuwento gamit ang tamang kombinasyon ng salita, talata, at pangungusap?

Sa panahon ng social media, lalo pang umigsi ang kakayahan nating magpokus sa pagsusulat. Pansinin na kapag medyo mahaba ang ginawa nating post sa Facebook, dadaanan lang ito at wala halos babasa rito. Mas gusto nating basahin ang mga ‘memes’ at panoorin ang mga ‘reels’, na pawang maiikli lamang. May nagsabi sa akin dati na kapag daw ako ay nagpo-post ng ilang larawan sa aking FB page, nahahabaan daw sila sa kaakibat na teksto o naratibo, kahit hindi naman talagang mahaba ang nakasulat.

Nang dumating ang Artificial Intelligence (AI) at ChatGPT, mas lalong hindi na pinagyaman ng nakararami ang kasanayan sa pagsusulat. Wala naman sanang masama sa pagdating ng ganitong teknolohiya. Ang kaso, waring ipinaubaya na ng nakararami ang kasanayang ito sa AI at iba pang katulad na teknolohiya.  Namumuroblema ang mga guro pagdating sa mga aktibidad na nangangailangan ng pagsusulat mula sa mga estudyante sa paggawa ng pananaliksik, term paper, tesis, o iba pang writing-related activities.

Maski ang mga literary competition na gaya ng Palanca Awards ay hinaharap na rin ang problemang ito. Paano kung marami ang mag-submit ng entries na sinulat sa tulong ng AI at ChatGPT? Paano kung ang taong lumahok ay mahusay sa pagbibigay ng ‘writing prompt’? Paano kung malusutan ang mga winners ng Palanca ng lahok na na-generate lamang gamit ang teknolohiyang ito? Ano ang mga hakbang na dapat gawin? Ang AI at ChatGPT, kahit may hatid na tulong sa ating buhay, ay may posibilidad ding magamit sa maling paraan. Hindi naman lahat ng tao ay responsable. Hindi naman lahat ay maayos mag-isip.

Noong nasa grade school pa ko, bahagi ng pagtuturo ng aking mga guro sa Grade 4 na pasulatin kami ng ‘theme book’ sa wikang Filipino at English. Ito’y upang sanayin kami sa kakayahang ipahayag ang sarili sa pamamagitan ng pagsusulat sa dalawang wika. Pinabibili pa namin sa aming mga magulang ang maninipis na ‘theme book” upang doon sulatin ang paksang ibinigay. Natatandaan ko pa na karamihan sa paksa ay may kaugnayan sa mga pagdiriwang o pangyayari na nangyari sa aming buhay, gaya ng sumusunod: ‘Ang di ko malilimutang bakasyon/My unforgettable Christmas vacation,’ ‘Ang Listahan ng aking mga babaguhin gayong Bagong Taon/My New Year’s resolution,’ ‘Paggunita sa mga kaanak na mamayapa ngayong Undas/Remembering our loved ones who passed away during All Saints’ Day,’ at iba pang paksa.


Aaminin ko na pinaghuhusay ko lamang ang pagsulat nito para magkaroon ako ng magandang marka. Mahilig kasi akong magbasa ng komiks at Liwayway noon. Kasosyo ako ng aking Inang Trining, lola ko sa mother side, sa pagbabasa ng komiks. Walang gaanong librong available noon upang maging basehan ko sa aking paraan ng pagsusulat. Ginagaya ko ang paraan ng pagsulat ng naratibo at mga dayalogo sa mga komiks na nabasa ko. Inia-apply ko ito sa aking sinusulat na paksa para sa aming theme book writing exercises.

Wala pa akong malay noon na may kakayahan akong sumulat o may tinatawag palang ‘gift ng pagsusulat.’ Akala ko noon, normal lamang ang kakayahang makasulat. Akala ko noon, bawat kaklase ko ay may kapareho ring kakayahang magpahayag ng sarili sa panulat. Narinig ko lang minsan mula sa aking guro ang komentong ito: ‘Itong si Luis, marunong sumulat.’ Na siyempre nama’y nagpakilig sa akin. Naalala ko bigla ang sinasabing 3 R’s ng mga guro noon na dapat ay paghusayin ng bawat mag-aaral: Reading, ‘Riting (Writing), at ‘Rithmetic (Arithmetic). Kasama nga pala doon ang ‘writing’!

Nagyong binabalikan ko sa gunita ang ganitong komento ng guro, naalala ko ang mga marka ng pulang ballpen sa aking sinulat, na kakaunti lamang (hindi naman po sa pagyayabang). May dalawa o tatlong salita lamang na ipinababago sa akin. Very minor, sabi nga. Sa kabilang banda, naisip ko rin ang mga kaklase kong halos mapuno ng ‘markang pula’ ang buong theme book nila. Pihadong napagod ang mahal naming guro sa ginawang pagwawasto rito upang mas umayos o luminaw ang diwang nais ipahatid.

Sa pasimula ay ‘informal’ theme book muna ang aming susulatin. Pagkatapos, itsi-check ito ng guro. Kapag may corrections na, muli niya itong ipasusulat (o ipalilipat) sa amin sa isang ‘formal’ theme book. Nagsisilbing gabay ang naging pagwawasto ng guro sa gramatika, sa ayos ng pangungusap at talata (estruktura), sa spelling, sa pagpili ng mga salitang gagamitin (word choice), sa nilalaman ng sinulat, at sa pangkalahatang organisasyon ng tekstong sinulat. Kumbaga, maaga pa’y itinuturo na nila sa amin kung paano lumikha ng isang maayos na komposisyon/sulatin.

- Advertisement -

Magandang praktis ang pagsulat para sa isang theme book. Umaasa ako na sana’y patuloy na maging praktis pa rin ito sa maraming eskuwelahan upang mapaghusay ang pagsulat ng komposisyon ng mga bata’t kabataan. Siyempre, malaki ang papel na ginagampanan ng mga guro upang mapaghusay ng mga bata’t kabataan ang kanilang kakayahang ‘sumulat’ upang ipahayag ang sarili.  Hindi natin alam kung ilan pang kabataan ang makatutuklas ng kanilang ‘gift’ sa pagsusulat kung hindi natin ito gagawin. Hindi dapat balewalain ang pagsulat ng mga ‘informal’ at ‘formal’ theme book na ‘yan!

Sa kaso ko, nakatulong ito upang ako’y mahilig sa pagsusulat. Madalas ay natatanong ako kung paano ako naging manunulat. Marami ang nagtataka dahil ibang kurso naman ang kinuha ko sa kolehiyo: BS Medical Technology at Doctor of Medicine. Wala rin akong kinuhang kurso sa Malikhaing Pagsulat/Creative Writing, Literature, AB English/Filipino, Advertising, Journalism, Mass Communications, at iba pang kursong may kaugnayan sa pagsusulat at komunikasyon. Naging ‘intuitive’ para sa akin ang pagsusulat.

Sa aking elementary days sa isang public school sa Talavera, Nueva Ecija at hanggang sa pagtuntong ko sa isang private school sa Cabanatuan City nang ako ay mag-hayskul, hindi ko tinalikuran ang mga aktibidad na nangangailangan ng pagsusulat. Habang ang mga kaklase ko ay waring inaayawan ang ‘essay writing’ part ng isang pagsusulit, ako naman ay lubos na niyayakap ito. Ramdam ko’y kakampi ko ang mga salita upang ipaliwanag ang katayuan ko o ang aking opinyon sa isang isyu.

May kapangyarihang taglay ang mga salita. At ginusto kong gamitin ito: sa pagsusulat ng mga kuwentong pambata, nobela, at sanaysay; sa pagsusulat ng aking mga kolum sa mga magasin at pahayagan; at sa patuloy na pagpapaunlad ng sarili gamit ang kakayahang abutin ang mambabasa

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -