NABABAHALA si Sen. Raffy Tulfo sa patuloy na pagdami ng kaso ng leptospirosis sa mga flood-prone areas sa bansa.
Batay sa tala ng Department of Health (DOH), sa gitna ng matinding pag-ulan at pagbaha mula Hunyo 8 hanggang Agosto 7, 2025, umabot sa 2,396 ang opisyal na kaso ng leptospirosis sa government hospitals, at 52 sa mga pasyente ang pumanaw.
Isa sa mga nasawi ay si Dion Angelo Dela Rosa, 20 anyos na estudyante at sakristan, na lumusong sa baha noong Hulyo 22 upang hanapin ang kanyang nawawalang ama. Dahil hindi agad nabigyan ng lunas, pumanaw siya makalipas lamang ang dalawang araw.
Kaya naghain si Sen. Tulfo ng Senate Resolution No. 75 upang imbestigahan ang problemang ito at hikayatin ang pamahalaan na bumuo ng malawakang strategic mapping system para matukoy ang mga barangay o lugar na may mataas na kaso ng leptospirosis.
Ayon kay Sen. Tulfo, sa pagtukoy ng mga targeted flood-prone areas, mas mabilis at epektibong maipapamahagi ng gobyerno ang mga kinakailangang resources gaya ng gamot na pang-iwas at panlunas sa leptospirosis.
Dagdag pa niya, dapat tiyakin na bawat barangay health center ay may naka-standby na doktor 24/7 upang agad masuri ang mga pasyente at makapagreseta ng tamang gamot.
Sa ganitong paraan, masisiguro na ang mga pasyenteng posibleng may leptospirosis ay makakainom ng gamot sa unang senyales pa lang ng sakit.



