28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

DOLE patuloy na pinalalakas kabuhayan, trabaho para sa mga nagtapos na benepisyaryo ng 4Ps

- Advertisement -
- Advertisement -
Binigyan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng tulong-pangkabuhayan ang mga dating benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Tarlac (kaliwang larawan) at Surigao del Sur (kanang larawan). (Larawan mula sa DOLE Tarlac FO at DOLE Surigao del Sur)

MAHIGIT isang libong pamilya na nagtapos mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nabigyan ng maliit na negosyo sa pamamagitan ng tulong-pangkabuhayan ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa ginanap na talakayan sa pagdiriwang ng ika-17 anibersaryo ng 4Ps noong Agosto 5, ibinahagi ni Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) Officer-in-Charge Leilani Reynoso na natulungan ng Kagawaran ang 1,180 mga nagtapos na benepisyaryo ng 4Ps na nagkakahalaga ng P29 milyon tulong-pangkabuhayan.

Kanya ring binigyang-diin na ang programa ay hindi lamang nakakatulong upang pagaanin ang pasaning pinansiyal ng mga pamilya kundi tagumpay din ito ng mga pagsisikap ng pamahalaan, partikular sa mga programa na naglalayong wakasan ang pagtatrabaho ng mga batang-manggagawa.

Batay sa pinakahuling datos, sinuportahan ng DOLE ang 5,709 magulang ng mga batang manggagawa sa pamamagitan ng mga pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P158 milyon.

Ibinahagi rin ni Reynoso na patuloy ang Kagawaran sa pagbubukas ng oportunidad sa trabaho sa mga may kasanayang benepisyaryo ng 4Ps sa pamamagitan ng job fair sa buong bansa.

Mula Enero hanggang Abril 2025, may 335 employer ang lumahok sa Trabaho sa Bagong Pilipinas job fair series na nag-alok ng 35,655 bakanteng trabaho sa ginanap na 13 job fair sa buong bansa, kung saan 1,054 ang na hired-on-the-spot mula sa 11,876 rehistradong aplikante.

Binigyang-diin din ng BWSC ang kahalagahan ng sama-samang pagtutulungan ng pamahalaan at mga kasosyo nito upang mapanatili at mapalawak ang epekto ng mga interbensyon na ibinibigay sa mga 4Ps.

Bilang tugon sa panawagan ng Pangulo sa mga ahensya ng pamahalaan na itaguyod ang mas mahusay at mas mabilis na pagpapatupad ng mga programa at serbisyo, patuloy na pinagtitibay ng DOLE ang pangako nito na epektibong ihahatid ng mga pangunahing programa na may malaking kapakinabangan sa mga kliyente nito, kabilang ang mga nagtapos na benepisyaryo ng 4Ps.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -