36.1 C
Manila
Linggo, Hunyo 21, 2026

Si Ka Lita, ang malarya, at ang pakikilahok ng mga kababaihan sa kilusang Hukbalahap

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

KAKAUNTI pa ang ating mga lokal na chapter books o nobelang pambata. Karamihan sa mga aklat pambata na nailalathala sa ating bansa ay mga picture books o picture storybooks. Pagkatapos magbasa ng picture books ang mga bata, wala nang aklat na sasalo sa kanila. Hindi rin gaano karami ang nailalathalang mga nobela na pang-young adult (‘YA’ kung tawagin). Adult books na agad ang nababasa ng mga kabataan dahil mabilis ding naglabasan ang mga nobela sa Wattpad.

Ang cover ng aking bagong nobelang pambata mula sa Adarna House (cover art at guhit ni Dani Go). Tungkol ito sa partisipasyon ng mga kababaihan sa Hukbalahap movement noong Panahon ng Hapon at sa nagaganap na bulllying sa buhay ng batang bida sa makabagong panahon.

Natatandaan ko pa ang minsa’y binanggit sa akin ng broadcast journalist/documentarist na si Howie Severino. Sabi niya, lumaki raw ang anak niyang si Alon na nagbabasa ng aking mga aklat (na labis kong ikinatuwa). Pero bakit daw hindi ako masyadong sumusulat ng mga ‘chapter books’ o mga ‘nobelang pambata’ (nobela para sa mga middle grade students) at ‘nobelang pangkabataan’ (nobela para sa mga kabataang below 18 years old)? Nang matapos daw ang pagbabasa ni Alon ng mga picture books, naghahanap silang mag-asawa ng mga babasahing papalit dito na Pinoy din ang content at sensibilidad.

Si Lola Nene, alyas Ka Lita, habang nagsasalita sa isang rally sa Plaza Miranda

Naging hamon sa akin ang mga sinabi ni Howie Severino. Kaya noong mga nagdaang taon, pinagsikapan kong makapaglathala ng mga sumusunod na chapter books: Tuli o Di-Tuli (tungkol sa ritwal ng pagpapatuli ng mga kabataang lalaki); Unang Dalaw (tungkol sa pagdating ng buwanang dalaw sa mga kabataang babae); at Maselan ang Tanong ng Batang si Usman (tungkol sa naganap na giyera sa lungsod ng Makati). Lahat ito’y may salin sa English at inilathala ng Hiyas ng OMF Literature.

Dalaga pa si Lola Nene nang magdesisyong sumapi sa kilusang Hukbalahap

Nangahas akong muling magsulat ng isang nobelang pambata/pangkabataan  tungkol sa naging partisipasyon ng aking lola (actually, pinsang-buo siya ng aking maternal grandmother) sa Kilusang HUKBALAHAP (Hukbong Bayan Laban sa Hapon) noong Panahon ng Pananakop ng mga Hapon (Japanese occupation). Nakalakhan ko kasing binabanggit ng mga kaanak na si Lola Nene ay isang ‘aktibista’ at namundok pa nga raw. Pinamagatang ‘Ang Sekretong Alyas ni Lola Nene,’ ito’y inilathala ng Adarna House upang tugunan ang pangangailangan sa mga aklat/babasahing laan para sa mga middle grade students o mga ‘older’ children. Pero sino nga ba si Lola Nene?

Hanggang sa kanyang pagtanda, ang alaala ng pakikipaglaban ni Araceli Policarpio-Mallari sa mga Hapones noong Japanese Occupation ay matinding nakakintal sa kanyang gunita

Bukambibig ng aking Nanay si Lola Nene sapagkat parang totoong ina ang turing nito sa  kaniya. Noon kasing nag-aaral pa sa kolehiyo ang aking nanay (na tubong Nueva Ecija) at kumukuha ng kursong Education dito sa Maynila, doon siya itinira ng aking Inang Trining sa bahay ni Lola Nene sa Caloocan. Magpinsang-buo sina Lola Nene at ang aking Inang Trining. May tatlong babaeng anak si Lola Nene – sina Tita Sonia, Tita Dolly, at Tita Girlie – na kung ituring ng Nanay ko ay parang mga tunay na kapatid. Nag-iisang anak lang kasi ang aking ina. “Pang-apat kong anak ‘yang si Ada,” pabirong sasabihin ni Lola Nene patungkol sa aking ina.


Kasama ni Lola Nene sina (mula sa kanan): Dr. Roberto Dulay (+), manugang; Dolores Mallari Dulay (anak); Sonia Mallari (anak); Girlie Mallari Obnamia (anak); Librada Gatmaitan (pamangkin); at ang inyong lingkod (apo)

Tiya Nene kung tawagin siya ni Nanay kung kaya’t pati kaming mga anak niya ay nakiki-Tiya Nene rin sa kanya. Kalaunan ay natutunan ko na rin siyang tawaging Lola Nene, na sadyang mas akma. Hindi ko inakala na makulay pala ang buhay ni Lola Nene.  Simpleng babae lamang ang pagkakakilala ko sa kanya: mahilig magluto, maghalaman, at magbasa ng libro at mga pahayagan. Katunayan, ang kaniyang mga kabinet sa kuwarto ay puno ng iba’t ibang libro at newspaper clippings.

Kasama ni Lola Nene ang may akda. Mahilig magbasa si Lola Nene kaya niregaluhan siya ni Dr. Gatmaitan ng kanyang mga aklat pambata.

Pero kakaiba pala si Lola Nene. Hindi siya katulad ng mga lolang kilala ko. Si Lola Nene ay miyembro pala ng grupong Hukbalahap (Hukbong Bayan Laban sa Hapon) noong Panahon ng Pananakop ng mga Hapon  sa bansa. ‘Huk’ kung sila’y tawagin. Sa nasabing kilusan, binigyan ng alyas si Lola Nene: Ka Lita. Naglingkod siya bilang technical officer ng Intelligence Unit ng nasabing kilusan. Siya raw ang sumusulat ng mga report tungkol sa mga nakakalap nilang plano at galaw ng mga sundalong Hapones. Isina-submit nila ito sa kanilang mga lider sa kilusan para makapagplano ng mga gagawing hakbang. Kamatayan ang naghihintay sa sino mang Huk na mahuhuli!

Parang tunay na anak ang turing ni Lola Nene sa ina ng kolumnistang ito na si Librada Palasigue Gatmaitan

Noong nagsimulang mag-ulyanin si Lola Nene, dalawang awit lang  ang lagi na’y halinhinan niyang kinakanta kapag nakaupo’t nagpapahinga: ang Awit ng Hukbalahap at ang Lupang Hinirang. Nakamamangha sapagkat hindi nagawang burahin ng pag-uulyanin ang karanasan niya sa kilusang Hukbalahap. Nanatili ito sa kaniyang gunita. Pati ang lyrics ng kanta ay malinaw niyang naaalala.

Medically speaking, ganoon naman talaga ang nangyayari kapag nabubura ang memorya – nagsisimula ang pagbura nito mula sa ‘most recent memory’ hanggang sa ‘most remote memory.’ Madalas ay nalilimutan niya ang pangalan ng tatlong anak niya (o kung may anak ba siya) pero hindi niya nalimutan ang pakikipagsapalaran niya sa Bundok Arayat noong Panahon ng mga Hapon habang naninirahan sila sa kagubatan ng Cabiao sa Nueva Ecija. Pati ang Awit ng Hukbalahap ay nanatiling malinaw sa kanyang gunita. Mabuti’t nai-record ni Tita Dolly, isa sa kanyang tatlong anak, na inaawit ni Lola Nene ang Awit ng Hukbalahap. Ito ang naging batayan ko sa pagbanggit ko ng naturang awit na itinampok ko sa naturang nobela.

- Advertisement -
Nakatunghay si Lola Nene sa reproduksiyon ng kanyang larawan

Hindi lahat ng nasa nobelang ito ay batay sa tunay na pangyayari. May mga tauhan, pook, o pangyayari na kathang-isip lamang. Pero may mga pangyayari ring tunay na naganap habang aktibo pang kasapi si Ka Lita ng Hukbalahap movement. Gaya ng eksena noong muntik na silang madakip ng mga sundalong Hapones ngunit nailigtas sila ng sakit na ‘malarya.’

Naikuwento sa akin ni Lola Nene na noong minsang nasa isang baryo sila para magmatyag sa galaw ng mga sundalong Hapones, may nagsumbong sa kanila sa mga Hapones. May mga Huk daw sa bahay na tinuluyan nila (na totoo naman!). Nang malaman daw nilang nandiyan na’t paparating na ang mga Hapones, agad na sinabihan ni Lola Nene (alyas ‘Ka Lita’) ang kasamahang Huk na humiga sa sahig na kawayan at magpanggap na nginingiki (chills) sa lagnat. Siya na raw ang bahala sa lahat. Nang tadyakan ng mga Hapones ang pintuan ng naturang bahay, tumambad sa kanila ang eksena ng isang mag-asawa na nakahiga sa sahig ang lalaki at humahagulgol ang babae.

Sabi ni Lola Nene, nalaman daw niya na ang mga Hapones ay sobrang takot sa sakit na malaria, kaya naman ito ang ipinangbala niya sa mga ito. “Help us, officer, please. My husband has malaria. He is dying from malaria. Bring us to the hospital. He has malaria!” Kuntodo arte raw siya habang ginagawa ito. Bigla raw nagkumahog na tumakbong palayo ang mga sundalong Hapones. Paniwalang-paniwala sa kanilang drama. Ni hindi na raw inalam pa kung totoo ngang Huk sila!

Huwag nating hayaang mabura sa ating alaala ang ginawang sakripisyo at kabayanihan ng ating mga kababayan, lalo na ng mga  kababaihan, nang sumailalim ang ating bayan sa isang madilim na bahagi ng kasaysayan – ang Pananakop ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig   – na halos umabot din ng tatlong taon (mula 1942 – 1945).

Sa darating na Manila International Book Fair sa Setyembre 10-14, 2025 ay ilulunsad ang aking nobelang pambatang ‘Ang Sekretong Alyas ni Lola Nene.’ May tig-dalawang ilustrasyon na nilikha si Dani Go sa bawat kabanata ng naturang aklat. Magkita-kita po tayo sa MIBF para sa booksigning ng nobelang ito na alay ko sa alaala ni Araceli Policarpio Mallari (alyas ‘Ka Lita.’)

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -