30.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 20, 2026

Pagkadehado ng Pilipinas sa ugnayang taripa at seguridad sa Estados Unidos, ipinaabot ni Marcoleta kay US Senator Scott

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI nangiming ipinaabot ni Senador Rodante Marcoleta ang kanyang pananaw ukol sa dehadong posisyon ng Pilipinas sa ugnayang pangkalakalan at seguridad nito sa Estados Unidos kay US Senator Rick Scott, na nag-courtesy call kamakailan sa Senado.

Ayon kay Marcoleta, personal nyang binanggit sa isang pagpupulong ng mga senador kasama si Scott ang kanyang pagkabahala sa lubhang maliit na kabawasan sa naunang reciprocal tariffs na ipinataw ng Trump Administration sa mga produktong iniluluwas ng Pilipinas sa Amerika.

“Sa reciprocal tariffs, parang nadehado kami. Kasi kahit na binigyan n’yo kami ng discount, isang percentage point lang ang ibinigay n’yo sa amin [mula 20% tungong 19%],” pagbabahagi ni Marcoleta sa programang ‘Sa Ganang Mamamayan’ sa Net 25.

“Pareho kami ng Indonesia [na 19 percent]. Pero kung ikukumpara mo sa April rates ng Indonesia, 32 percent ang sa kanila…ang laki ng difference,” ipinunto nya.

“Sa Vietnam, mula 46 percent, ginawa n’yong 20 percent,” dagdag pa ng senador, na sya ring chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.

Naniniwala ang senador na hindi dapat ‘across the board’ ang pagpapataw ng tariff rates, dahil sa malaking epekto nito sa mga lokal na industriya, partikular sa semiconductors.

Ipinahitawig din ni Marcoleta ang aniya’y isang matagal nang isyu kaugnay sa 1951 PH-US Mutual Defense Treaty (MDT).

Aniya, sa kabila ng mahabang pakikipag-alyansa ng bansa sa US sa isyu ng seguridad ay patuloy pa rin itong umaasa ng malaking kapakinabangan mula sa MDT.

“Sabi ko, security allies kami pero ang pinirmahan nating Mutual Defense Treaty hanggang ngayon, walang naging advantage sa amin yun,” ayon pa kay Marcoleta.

“Nakalagay pa naman doon sabi ko, sa Article 2: ‘To more effectively… achieve the objective of this Treaty, Parties separately and jointly by self-help and mutual aid will maintain and develop their individual and collective capacity to resist armed attack.'”

Ipinaalam din n’ya umano kay Scott na makailang beses nang lumiham ang Department of Foreign Affairs sa gobyerno ng Amerika ukol sa isyu.

Si Scott ay kaanib sa Republican Party ni US President Donald Trump.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -