33.9 C
Manila
Martes, Hunyo 16, 2026

Huling Hirit sa Buwan ng Wika 2025

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

ILANG ARAW na lamang at magpapaalam na ang Agosto at ang Buwan ng Wika.

Ang Buwan ng Wika 2025 na nagsimula sa malaking pasabog, magwawakas na lamang  ba sa mga impit na hikbi? Nagsimula sa bomba, matatapos sa ingit? Parang pangungusap na binuksan ng umuuungol na leon pero tutuldukan lang ba ng buntot ng bulate?

Wala na kasing follow-up ang maiingay na posisyong papel ng di kukulangin sa dalawampung (20) organisasyong pangwika at pampanitikan at mga departamento ng Filipino at linggwistiks ng iba’t ibang unibersidad. Lahat sila ay tumututol at mariiing kinokondena ang pagkahirang kay Atty. Maritess Barrios-Taran sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) bilang tagapangulo at Komisyoner na kinatawan ng wikang Tagalog.

Tinututulan ng maraming iskolar ng wika, linggwistika, at panitikan ang pagkahirang kay Barrios-Taran dahil hindi nito taglay ang kahusayan sa wika at literatura ng etnolinggwisitkong grupo na kanyang kinakatawan. Wala pa siyang naipapakitang ebidensya ng kadalubhasaan sa wika at panitikang Tagalog, na kanyang kinakatawan. Sa katunayan, isang netizen ang nagsabi sa Facebook na tila nahihirapan ang bagong komisyoner sa pagsasalita sa pambansang wika.

Ngunit hindi pa tayo dapat mawalan ng pag-asa. May ilang araw pang nalalabi sa Agosto.


Salamat at nitong Agosto 20, nagpahabol pa ng pahayag ang Linguistic Society of the Philippines (LSP), ang nangungunang organisasyong panlinggwistika sa bansa na itinatag noong 1969. Ayon sa LSP, kinikilala nila ang “solid legal education, background, and proven administrative skills in previous administrative posts” ng bagong hirang na komisyoner. Ngunit bilang komisyoner at tagapangulo ng KWF, “her legal training and juridical experience do not demonstrate the cultural grounding, competencies, or expertise required in Philippine linguistics, literature, and cultural studies — fields  in which her scholarship is evidently absent.” Dagdag pa ng LSP, kailangan sa katungkulang ito ang isang “visionary leader of the highest caliber, rooted in the disciplines enshrined in Sec. 6 of RA 7104.”

Dahil sa mga nabanggit, hinihingi ng LSP na humirang ang gobyerno ng “qualified professional and simply not a token that embodies the government’s disinterest in the Commission.”

Samantala, sa kanilang matapang na pahayag na pinamagatang “Krisis sa Wikang Nilapastangan,” sinasang-ayunan ng The Innovators & Ang Tagatuklas ang sinabi ni Jerry Gracio: “malaking insulto –  kung sino-sino na lang talaga ang ina-appoint nila. Napakababa ng tingin nila sa cultural agencies ng gobyerno.” Si Gracio ay makata at manunulat at naging part time na komisyoner ng KWF.

Ayon sa The Innovators & Ang Tagatuklas, ang pagtatalaga ng lider na walang sapat na  kaalaman ay hindi lamang nakababahala bagkus ito ay isang direktang banta sa kalidad ng mga programa para sa wika …. At kung mananatiling tahimik ang publiko, magpapatuloy ang ganitong uri ng kapalpakan.”

- Advertisement -

Mangyari pa, nasa Pangulo ng Pilipinas ang karapatan at kalayaang humirang ng sino mang inaakala niyang karapat-dapat sa isang mataas na tungkulin. Gayon man, may batas na nagtatakda ng mga kwalipikasyon kaya’t hindi tamang isantabi na lamang ang mga probisyon ng Batas Republika 7104, na nagtatag ng KWF.

Ngunit tila nga wala pang maipapakitang ebidensya ng kahusayan at malalim na pagkaunawa, kahit man lamang sa mga programa ng  KWF, ang bagong komisyoner. Nang tanungin siya ng Tinig ng Kababaihan sa programa nito sa teleradyo, kung ano ang Tertulyang Pangwika, na isa sa mga programa ng KWF ngayong Buwan ng Wika, tumingin muna sa kisame ang mabunying komisyoner, bago nagbigay ng malamyang paliwanag na hindi nakapagpaliwanag.

Paano nga pamumunuan ang isang tanggapang pangwika, ang KWF, kung hindi sapat ang kadalubhasaan ng pinuno nito sa linggwistika, wika, panitikan, at kultura, na hinihingi ng batas sa kanya?

Ngayong nakaharap ang ating mga wika sa matinding krisis, tulad ng bantang pagbabawas kundi man tuluyang pag-alis sa Filipino sa Senior High School, ang RA 12027, na nagtatanggal sa MTB-MLE sa sistema ng edukasyon, ang unti-unting pagkamatay ng mga wika sa ating bansa, ngayon tayo higit na nangangailangan ng lider ng wika na may bisyon para sa pagpapanatili, pagpapalaganap at pagpapayabong ng ating mga wika.

Isang halimbawa na lamang ay itong serye ng seminar na idinaraos ng KWF sa bawat Martes ng Agosto 2025. Naganap ang una noong Agosto 5, sinundan pa noong Agosto 12 at 19. Ang pang-apat, na dapat sana’y idinaos noong Agosto 26 ay sa Agosto 27 idaraos dahil siguro kinansela ni Sekretaryo Jonvic Remulla ng DILG ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan, pati trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno, bunga ng masamang panahon. Ayon sa patalastas ng KWF, ang unang serye ay idinaos noong Agosto 5. Ang ikalawa at ikatlong serye ay noong Agosto 12 at 19. Bago na pala ang depinisyon ng serye. Ang pagkaalam kasi ng marami, ang buong sunod-sunod na mga seminar – Agosto 5, 12, 19 at 26 – ay isang serye lamang. Kaya ang idinaos ay “UNA SA SERYE,” “IKALAWA SA SERYE,” atbp. Ano’t nagpapakahirap pa ang KWF sa paglalabas ng mga diksyunaryo at talasalitaan kung ang tanggapan din pala ang mangunguna sa pagpapalaganap ng hindi wastong gamit?

Ayon sa Board of Commissioners ng KWF, nagpadala na sila ng liham sa Pangulong Ferdinand Marcos, sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ng liham na humihingi ng paglilinaw tungkol sa pagkahirang kay Barrios-Taran bilang komisyoner ng Tagalog gayong hindi naman bakante ang posisyon. Hinihiling din nila na patapusin na ng kanyang termino si Arthur Casanova, na nakatakdang matapos ang panunungkulan sa Enero 2027. Ngunit may tatlong  linggo nang walang sagot ang kanilang liham. Hindi nila batid kung nakarating sa kinauukulan ang kanilang liham.

- Advertisement -

Maraming hamong kinakaharap ang magigiting na lingkod-bayan ng gobyerno. Biglang tinanggal sa pwesto si General Nicolas Torre. Siya ang humuli at nakapagpakulong sa kilabot na “Anak ng Diyos” at si Torre rin ang nakapagpadala sa The Hague sa dating pangulo. Ang dating tagapagsalita ng Department of Health, si Dr. Rosario Vergeire, bigla na palang natanggal sa posisyon at pinalitan ng isang hindi doktor. Maging ang mga empleado ng KWF, kahit pa may unyon, ay hindi makakilos sapagkat batid nila ang ibubunga kung sila ay papalag. Mahirap yatang maghanap ng trabaho ngayon.

Samantala, kabi-kabila ang interbyu sa bagong komisyoner, na mangyari pang bukas-palad na nagpapaunlak sa lahat ng imbitasyon at maligaya sa bagong posisyon. Kung ang iba ay agad nang yuyuko at magbibitiw sa tungkulin, hindi si Barrios-Taran. Kahanga-hanga rin naman ang tatag ng kanyang paninindigan.

Sa kabila ng pagtutol ng maraming organisasyon at unibersidad sa kalamidad sa KWF, matatapos na lamang ba nang paganito ang Buwan ng Wika?

Huling hirit ang pagkilos ng Tindig KWF – isang malawak na koalisyon ng mga iskolar at mananaliksik ng wika, manunulat, guro/propesor ng Filipino sa iba’t ibang unibersidad, at iba pang stakeholder. Isang bukas na liham sa Pangulo ng Pilipinas ang ilulunsad nila sa Media Forum na gaganapin sa darating na Biyernes, Agosto 29, 1:00 ng hapon, via Zoom. Hihilingin sa nasabing forum na bawiin ang pagkahirang kay Barrios-Taran bilang komisyoner, rebyuhin ang pagkahirang sa dalawa pang full time na komisyoner.

Kailangan ang ganitong media forum at ang paglahok ng madla sa isyung ito. Nangangamba ang grupo, tulad din ng Board ng Commissioners ng KWF, na baka “nahaharang” ang mga liham at posisyong papel, o kaya’y simpleng hindi pinapansin, dahil mga wika lamang naman ang sangkot sa usaping ito.

Tama ang The Innovators & Ang Tagatuklas. Hindi dapat manahimik na lamang ang publiko. Sapagkat magpapatuloy ang ganitong kalakaran. Ang pananahimik ay para na ring pagsang-ayon sa lahat ng nagaganap sa ating bansa, pangwika man, pangkultura, pampolitika.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -