33.9 C
Manila
Martes, Hunyo 16, 2026

Nominal at tunay na palitan ng salapi

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Agosto 14, 2025 sinimulan ko sa kolum na ito ang mga konsepto tungkol sa palitan ng salapi. Kasama sa mga konseptong ito ay ang spot exchange rate (SER) at ang forward exchange rate (FER). Ang SER ay ang aktwal o nominal na halaga ng dayuhang salapi sa isang takdang araw na itinalaga sa bilihan ng dayuhang salapi. Samantala, ang FER ay ang inaasahang presyo ng dayuhang salapi sa hinaharap batay sa pagkakaiba ng interest rate sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa araw na ito ay tatalakayin ko ang Nominal Effective Exchange Rate (NEER) at ang Real Effective Exchange Rate (REER). Ang NEER ay ang geometric average ng iba’t ibang palitan ng salapi ng isang bansa, halimbawa ang Pilipinas, sa lahat ng mga bansang kakalakan nito batay sa proporsiyon ng iba’t ibang bansa sa kabuoang kalakalan ng Pilipinas. Mas makatotohanan ito kaysa SER dahil hindi lamang isang dayuhang salapi ang nagtatakda ng nominal na palitan ng salapi ng Pilipinas bagkus ay ang lahat ng palitan ng salapi ng mga bansa na may katransaksiyon ang Pilipinas bilihang internasyonal.

Samantala, REER ay ang binagong NEER na nakapaloob ang geometric average ng mga inflation rate ng mga bansang kakalakalan ng Pilipinas batay sa proporsiyon ng iba’t ibang bansa sa kabuoang kalakalan ng Pilipinas relatibo sa inflation rate ng Pilipinas. Ang REER ay nagpapakita ng kakayahang makabili ng isang salapi ng isang takdang produkto o real good sa pagitan ng mga bansa. Sinusukat ang REER batay sa isang pamantayang basket ng mga produkto at kung magkano ang kailangang local na salapi upang mabili ang nilalaman ng basket ng mga produkto sa iba’t ibang bansa.  Samakatuwid, ang REER ay ang ratio ng dami ng PH piso upang mabili ang isang pamantayang basket ng mga produkto relatibo sa dami ng dayuhang salapi upang mabili and nasabing pamantayang basket ng mga produkto. Ang REER ay nakabatay sa  pagkakaiba ng presyo sa loob at labas ng Pilipinas at ang pagbabago ng REER ng Pilipinas ay nagpapahiwatig din ng antas ng pagiging kompetitibo ng bansa.

Upang maipakita ang mga konseptong ito, magbigay tayo ng isang payak ng halimbawa. Kung ang palitan ng salapi sa pagitan ng PH piso at US dolyar ay P 56.55, samantalang ang palitan ng PH piso at JP yen ay P 0.35 at ang palitan ng PH piso sa EU euro ay P 66.87 at kung ang proporsiyon ng kalakalan ng Pilipinas sa Estados Unidos ay ipinagpapalagay na nasa 40% ng kabuoang kalakalan ng Pilipinas, samantalang 35% naman ng ating kalakalan ay mula sa  Japan at ang European Union ay kumakatawan sa 25% kalakalan ng Pilipinas,  ang tinatayang nominal effective exchange rate o NEER ay naitakda sa PHP 9.94 batay sa mga spot exchange rate sa itaas at ang proporsiyon ng kalakalan ng Pilipinas nabanggit na ekonomiya.

Upang makuha natin ang real effective exchange rate (REER) dapat isama sa NEER ang relatibong inflation rate ng Pilipinas at ang geometric average na inflation rate ng Estados Unidos, Japan at European Union. Kung CPI ng Pilipinas ay naitala sa 100.9 nitong taon at ang geometric average na inflation rate ng Estados Unidos Unidos, Japan at European Union ay nasa 102.4 ang naitalang REER ay P 9.79.


Ang pagiging kompetitibo ng isang ekonomiya ay hindi ang paghahambing ng NEER sa REER ngunit sa pagbabago ng REER sa paglipas ng panahon. Tulad nabanggit na ang REER ay ang kakayahang makabili PH piso sa isang pamantayang basket ng mga produkto relatibo sa kakayahang makabili ng iba’t ibang dayuhang salapi sa parehong basket ng mga produkto. Kapag ang inflation rate sa Pilipinas ay mas mabagal na tumataas kaysa inflation rate sa ibang bansa ang REER ay bumababa at nauuwi ito sa tunay na depresasyon PH piso. Nagpapahiwatig ito ng pagiging kompetitibo ng Pilipinas dahil mas kaunting PH piso ang kailangan upang mabili ang pamantayang produkto kung ihahambing sa dami ng dayuhang salapi.

Nagiging mura ang ating mga eksport sa pananaw ng mga banyaga  dahil mas maraming PH piso ang nakukuha nila batay sa nominal na palitan ng salapi at makabibili ito ng mas maraming produktong gawa sa Pilipinas dahil mababa inflation rate sa ating bansa. Samantala, nagiging mahal ang mga produkto ng ibang bansa dahil mas kaunting dayuhang salapi ang nakukuha natin sa bawat PH piso at mas maraming dayuhang salapi ang kailangan upang bilhin ang mga produktong nilang may matataas ang presyo. Samantala, kung ang REER ay tumataas ang PH piso ay nakararanas ng tunay na apresasyon at nalalagas ang pagiging kompetitibo ng ating mga iniluluwas sa bilihang global.

Samakatuwid, nakasalalay ang pagiging kompetitibo ng mga produktong gawa sa Pilipinas sa bilihang global sa pagbagal ng ating inflation rate na kadalasan ay bunga ng mahigpit na patakarang pananalapi. Dahil dito, mahalaga ang pagpapatatag ng pangkalahatang presyo ng isang bansa upang maging kompetitibo ito sa bilihang internasyonal.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -