27.9 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Mga puna, suhestyon at pagsisiwalat ni Lacson sa mga anomalya sa DPWH

- Advertisement -
- Advertisement -

DAHIL sa kabi-kabilang isyu ng mga maanomalyang transaksyon sa mga flood control project sa bansa na nauna nang isiniwalat ni Sen. Panfilo Lacson sa kanyang privilege speech sa Senado noong Agosto 20, 2025, nanganak ito ng iba’t ibang mga rebelasyon, reaksyon at mga pangyayari. Narito ang ilan sa kanyang mga puna, suhestyon at pagsisiwalat.

Suportado ang inisyatiba ng DBM para sa budget transparency, itinulak ang mas malakas na digital tracking

Todo suporta si Sen. Lacson sa mga hakbang ng Department of Budget and Management (DBM) upang gawing mas transparent at accessible sa publiko ang pambansang budget, kasabay ng pagbibigay niya ng mungkahi para mas mapalakas ang mga ito.

Nagtanong si Lacson, na matagal nang kilala bilang masusing tagabantay ng pambansang budget, kung may kakayahang teknolohiya na ang DBM upang matukoy ang mga pagbabago sa proseso ng paggawa ng budget, kabilang na ang mga nagmungkahi ng amendments.

“Is there any current technology available para transparent yet secure sa inyong system to enable us here in both houses of Congress to track movement of the budget, from what is provided by NEP and going forward ma-track sino nag-propose ng amendments paglabas ng GAA?” tanong niya sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).


Binigyang-diin din niya na bagama’t may sistema na ang Senado upang masubaybayan ang mga pagbabago sa budget, hindi siya sigurado kung mayroon din ang Kamara.

Tugon ni DBM Secretary Amenah Pangandaman, may kakayahan na silang subaybayan ang mga pagbabago mula sa National Expenditure Program (NEP) hanggang sa General Appropriations Act (GAA), ngunit hindi pa matutukoy kung sino ang mga nagmungkahi ng amendments kung walang opisyal na minutes ng mga pagdinig.

Iminungkahi ni Pangandaman na pumirma ng kasunduan ang Senado, Kamara at DBM upang magkaroon ng komunikasyon at koneksyon ang kani-kanilang mga sistema.

Samantala, iminungkahi naman ni Lacson na palawakin pa ng DBM ang digital budget management roadmap nito, kabilang ang Project TINA (Technical Innovations in the National Expenditure Program Application), na layong palitan ang kasalukuyang NEP generation tool.

- Advertisement -

Ipinaliwanag ni Pangandaman na ang proyekto, na ipinangalan sa yumaong DBM Undersecretary at OIC Tina Canda, ay naglalayong lumikha ng sistema para i-automate ang budget process sa pagitan ng ehekutibo at lehislatura.

“Pero ang cover niya, NEP lang. Pwedeng i-expand natin all the way?” ani Lacson, na sinagot naman ni Pangandaman ng: “we will do it.”

Bukod dito, hinimok din ni Lacson ang mas mataas na antas ng transparency sa procurement dashboard ng Government Procurement Policy Board (GPPB). Kabilang sa mungkahi niya ang pagdaragdag ng geo-tagging para sa mga infrastructure projects.

“This is open to the public (although when updating data, it) should be accessible only to the agencies concerned. At least the public should know in their respective areas like the Sumbong sa Pangulo or DPWH websites,” aniya.

Mababasa rin sa: https://pinglacson.net/2025/09/03/lacson-backs-dbm-budget-transparency-efforts-pushes-stronger-digital-tracking/

Video: https://www.youtube.com/watch?v=ceesCXwFK0o

- Advertisement -

Puna sa P51.2B ‘distinct’ insertions sa 2026 NEP

Binuking ni Sen. Lacson ang hindi bababa sa P51.82 bilyong halaga ng malabong “distinct” insertions sa 2026 National Expenditure Program (NEP), na kanyang nais ipa-realign sa mga programang naaayon sa Philippine Medium-Term Development Plan.

Ani Lacson, ang mga pondong ito ay para sa flood management program para sa Metro Manila at Regions 1 (Ilocos), 2 (Cagayan Valley), at 3 (Central Luzon).

Nagkasundo si Lacson at Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian na alisin ang pondo para sa mga proyektong kahina-hinala at ilipat ito sa mas makabuluhang programa.

“Gusto namin ni Sen. Gatchalian is tanggalin ang malabong description na items sa NEP. Ang plano doon siguro iba igo-ghost talaga kasi di mo ma-identify,” aniya sa panayam sa DZRH.

“Mag-a-amend kami, ire-realign namin sa tingin namin na naaayon sa direction ng Philippine medium term development plan. Ang plano talaga, nagkasundo kami ni Sen. Gatchalian tatanggalin namin lahat yan. Ang labo eh,” dagdag niya. Ani Lacson, makikipagugnayan sila sa Department of Budget and Management at Department of Public Works and Highways para ang mga amendments ay sang-ayon sa direksyon ng pambansang pamahalaan.

Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) nitong Martes, sinabi ni Lacson na kabilang sa mga ito ang:

* 88 items na tig-P150 milyon ang pondo bawat isa, kabuuang P13.2 bilyon
* 373 items na tig-P100 milyon ang pondo bawat isa, kabuuang P37.3 bilyon
* 11 items na tig-P120 milyon ang pondo bawat isa, kabuuang P1.32 bilyon

Sa privilege speech niya noong Agosto 20, “distinct” ang tawag ni Lacson sa mga budget items na pare-pareho ang contract cost. Isa itong “coded budget” na nagpapahiwatig kung kanino ang mga proyekto.

Marami sa mga item ang walang stationing – isang red flag na indikasyon ng ghost projects.

Dahil dito, iminungkahi ni Lacson ang pagkakaroon ng executive session upang malaman ng mga senador kung aling development programs dapat i-realign ang mga pondo, alinsunod sa Philippine Medium-Term Development Plan. Sinabi naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na makikipag-ugnayan siya kay DPWH Secretary Vince Dizon hinggil sa usapin.

“Pag ang contractors have invaded the House and congressmen have invaded the construction business, ito po ang outcome. Kasi NEP pa lang pinapayagan sila ng DPWH to make insertions,” ani Lacson.

“Ang tama sa atin dito hindi isang whammy, hindi double whammy, hindi triple whammy – quadruple whammy. Sa NEP may insertion, sa House GAB may insertion, sa Senate version may insertion, sa bicam may insertion. Quadruple whammy ang tama ng Pilipino dito,” dagdag ng mambabatas.

Partisipasyon ng DPWH sa maagang insertions

Ibinunyag din ni Lacson na maaaring dapat tanungin ng DBM at Malacañang ang DPWH, matapos malamang isang kinatawan ng DPWH ang tumawag sa ilang mambabatas upang magpasok ng mga proyekto sa NEP.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang karanasan ni Senate minority leader Vicente Sotto III, na ang kanyang staff ay nakatanggap ng tawag mula sa isang kinatawan ng DPWH na humihiling na magsumite ng mga proyekto para sa insertion–ngunit tinanggihan ito ni Sotto.

“Tukoy kung sinong tumawag. Sabihin kay Tito Sen magsingit sa NEP, sabi niya, ayoko,” ani Lacson.

Mababasa rin sa: https://pinglacson.net/2025/09/02/lacson-red-flags-p51-82b-distinct-insertions-in-2026-nep-pushes-realignment/

Umaasa na independent body titiyak ng pananagutan sa anomalya sa DPWH

Samantala, mataas ang pag-asa ni Sen. Lacson na ang independent commission na binubuo ng Malacañang ay hindi lamang tututok sa mga kuwestyonableng flood control at iba pang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kundi magtitiyak din ng pananagutan ng mga sangkot.

Ani Lacson, ang sukatan ng independent investigating body ay ang kakayahan nitong maghatid ng certainty of punishment para sa mga nasa likod ng mga anomalyang ito. Binalaan niya na kung hindi walang parusa, lalakas ang loob ng nagmamasid na gumawa ng katiwalian.

“Maraming nag-aabang sa result ng independent investigation ng commission na ike-create ng Pangulo. Ang composition sana, talagang to the hilt. Extensive, comprehensive para matukoy at ma-file-an ng kaso,” ani Lacson sa isang panayam sa DZRH radio nitong Martes.

“Sa akin galing ako sa law enforcement. Ang certainty of punishment napakaimportante. Pag walang nakikitang napaparusahan ang logical conclusion, mae-encourage pa yan sa nagmamasid sasabihin nila lumulusot naman, tayo na rin,” dagdag niya.

Gayunpaman, tinawag pa rin niyang isang “good move” ng Pangulo ang paglikha ng isang independent body upang magsagawa ng imbestigasyon, at idiniin na handa siyang magbigay ng lahat ng posibleng tulong dito.

“In my capacity and with all the information we have so far gathered, I will extend whatever assistance I can offer, if requested — especially  so that the DPWH has a dynamic, progressive-minded and reform-oriented head in the person of Sec Vince Dizon,” ani Lacson.

Pinuri rin ni Lacson ang ulat na isasama sa komisyon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na aniya ay magpapalakas pa sa kredibilidad at bisa ng naturang body.

Sinabi ni Lacson na malamang ay makikilahok si Magalong matapos maayos ang kanyang pangamba na baka kailangan niyang magbitiw bilang alkalde ng Baguio.

“Isang concern niya, nahiya siya sa constituents kung iiwanan niya. Mukhang may kasunduan bilang member ng commission di siya kailangan mag-resign. After all pareho namang under executive branch and ad hoc ang independent commission,” aniya.

Noong Agosto, inilahad ni Lacson sa isang privilege speech ang mga anomalyang bumabalot sa mga substandard at ghost flood control projects.

Noong Lunes, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tinatapos na ng Malacañang ang isang executive order upang likhain ang independent commission. Binigyang-diin din niya na patuloy pang nadidiskubre ang mga iregularidad sa panukalang budget para sa 2026.

Ayon sa mga ulat, sinabi ng Pangulo na nakikita niyang bubuuin ang isang multi-member body na kikilos nang malaya, na kinabibilangan ng mga abogado, piskal, at forensic investigators.

Mababasa rin sa: https://pinglacson.net/2025/09/02/lacson-has-high-expectations-for-independent-body-to-probe-punish-dpwh-anomalies/ Video: https://www.youtube.com/watch?v=rOEGsMq0PQ0

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -