HINIMOK ni Senate Committee on Games and Amusement Chairperson Senator Erwin Tulfo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), Ad Standards Council (ASC), at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na agarang repasuhin ang mga advertisement na may kinalaman sa online gambling.
Sa isang pagpupulong noong Setyembre 3, tinalakay ng mga nabanggit na ahensya ang mga posibleng hakbang upang mapalakas ang kampanya laban sa adiksyon sa online sugal.
Ayon sa paliwanag ng mga opisyal, mayroong pre-clearing process para sa mga advertisement ng mga legal operators, ngunit hindi nito nasasaklaw ang mga ilegal na online gambling platforms.
“Ang problema dito, nababantayan man ang mga legal operators pero naglipana naman ang ads ng mga illegal gambling operators,” giit ni Tulfo.
“Mapa-radyo man o sa Facebook, maririnig mo ang mga patalastas ng gaya ng 1xBet kahit na ilegal naman ito,” dagdag pa ng senador.
Bilang tugon, nagkasundo ang mga grupo na magpatupad ng mekanismo upang matiyak na tanging mga responsible online gambling slogans lamang ang maaaring gamitin sa mga ads.
Gayunpaman, nilinaw din ng ASC at KBP na hindi sakop ng kanilang regulasyon ang mga advertisement sa Facebook, TikTok, YouTube, at iba pang social media platforms dahil may sarili itong internal rules.
Dahil dito, inanunsyo ni Sen. Tulfo na iimbitahan ang mga kinatawan mula sa Meta, TikTok, at Google sa susunod na Games and Amusement panel hearing sa Setyembre 11 upang talakayin ang mas mahigpit na regulasyon. Kasama rin sa mga ipatatawag ang mga law enforcement agencies at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) para masawata ang operasyon ng mga illegal online gambling sites.
Dumalo sa nasabing pagpupulong sila Pagcor Chairman Al Tengco at Assistant Vice President Vina Oca, ASC Chairperson Golda Roldan, President Anna Locsin, Vice President Jun Nicdao Jr., Dir. Herman Basbaño, Dir. Noel Galvez, Dir. Miko David, at Executive Director Robbie Aligada, at KBP representative Bobby Barreiro.
At kamakailan lamang, naghain si Sen. Erwin Tulfo ng Senate Bill no. 1304 o “Anti-Online Gambling Act” na nagbabawal sa pag-operate ng gambling platforms/software, pagtaya sa online gambling, pag-advertise o promote ng sugal, at mga transaksyong patungkol sa sugal.



