BINALAAN ni Sen. Idol Raffy Tulfo si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma na haharangin niya ang 2026 budget ng ahensya kung hindi nito mamonitor ang tamang pagpapasahod sa mga mangagagawa at masibak ang mga pabaya at tiwaling field inspectors.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Labor ngayong Setyembre 4, kung saan siya ang vice chairperson, ibinunyag ni Sen. Raffy na marami sa mga pabrika sa Camanava at Metro Manila, na personal niya mismong ininspeksyon, ay nagbabayad ng sahod nang mas mababa pa sa itinakdang minimum wage. May mga manggagawa pa raw siyang nakilala na kumikita lamang ng ₱280 kada araw.
“DOLE, Wake up! Taas nga tayo ng sahod, pero kulang naman sa implementation. Para tayong naglolokohan dito,” aniya. “Maging seryoso kayo sa trabaho ninyo! Tinitignan ko yung listahan ng mga kumpanya na dapat inspeksyunin, hindi naiinspect ng field inspectors ninyo. ‘Yung iba namang naiinspect, dumideretso lang sa opisina ng HR officer para sa close-door meeting at hindi man lang kinakausap ang mga worker.”
Inobliga ni Sen. Tulfo si Sec. Laguesma na isumite sa kanya ang listahan ng mga DOLE Camanava at Metro Manila field inspector, kasama ang mga kumpanyang kanilang binisita at ang kani-kanilang performance reports, upang malaman kung tunay bang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin.
Binibigyang-diin niya na dapat agad na sibakin ang mga inspector na nagpabaya sa kanilang tungkulin at responsibilidad.
“I promise you, Sec. Laguesma, idedefer ko ang budget niyo kapag walang nasibak na pabayang field inspector. Hindi rin naman magrereklamo sakin ang mga manggagawa kung hindi sila inaapi ng mga employers nila. Kung ginagawa ng taga-DOLE ang trabaho nila, nasapul na sana nila ang mga kumpanyang hindi nagpapasahod ng tama,” ani Tulfo.
“Either hindi nila ginagawa ang trabaho nila, o korap sila. Kaya dapat may masibak diyan. Kung hindi kayo magsisipag-ayos diyan sa DOLE, ipapa-defer ko ang budget ninyo,” dagdag pa niya.
Bilang tugon, sinabi ni Sec. Laguesma agad niyang aaksyunan ang mga nabanggit na isyu ng senador.



