KINUMPIRMA ng Department of Trade and Industry (DTI) na nagbitiw na sa pwesto ang executive director ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) na si Herbert Matienzo.

Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, pormal itong nagbitiw sa puwesto nitong September 3 dahil sa ‘personal reason’.
Matatandaang, naglabas ng statement ang ahensya na bubusisiin nilang mabuti ang lahat ng 9 na contractor firm na pagmamay-ari ng pamilya Discaya na una nang binawian ng lisensya ng PCAB.
Kasabay nito, dalawang PCAB board member, sina Engineers Arthur Escalante at Erni Baggao ay nagbitiw na rin sa kanilang mga posisyon dahil din sa “personal reasons.”

Samantala, nanawagan si Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa pag-overhaul ng PCAB. Aniya, “Overhaul ang kailangan para sa PCAB sa gitna ng masangsang na amoy ng korapsyon.”
Wala nang iba kundi ang kumpletong pag-overhaul ang kailangan ngayon sa PCAB, sa gitna ng pagkakasangkot nito sa katiwalian sa likod ng mga palpak at guniguning flood control projects.
Binigyang-diin ito ni Sen. Lacson nitong Huwebes matapos ang napaulat na pagbibitiw ni PCAB executive director Herbert Matienzo. Dagdag ni Lacson, “nakakapagod” na ang lumala pang baho ng korapsyon sa gobyerno.
“A complete overhaul of the PCAB board is in order at this point. The PCAB has been a low-key yet corrupt-ridden regulatory body which, in tandem with the Department of Public Works and Highways has methodically punched us in the gut, providing the first of a one-two punch thus knocking out our hard earned tax payments,” ani Lacson.
Nauna nang ibinunyag ni Lacson ang ilang kahina-hinalang gawain sa PCAB, kabilang ang accreditation for sale, conflict of interest ng hindi bababa sa dalawang miyembro ng board na may-ari rin ng mga construction companies na nakakuha ng kontrata mula sa pamahalaan, at umano’y pangingikil sa mga kontratista.
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong nakaraang linggo ang isang imbestigasyon sa umano’y accreditation-for-sale activities na kinasasangkutan ng PCAB.
Inilagay naman ni Trade Secretary Cristina Roque sa kanyang direktang superbisyon ang Construction Industry Association of the Philippines (CIAP) at ang mga implementing boards nito, kabilang ang PCAB.
Samantala, binatikos ni Lacson ang masangsang na amoy ng korapsyon sa mga ahensya ng gobyerno, na aniya’y lalo pang lumala dahil sa sabwatan ng DPWH at ilang miyembro ng Kongreso.
“Nakakapagod. When I left the Senate three years ago, the stench of corruption was limited to some graft-ridden agencies known for the malevolent execution of their projects. Now, the stench has penetrated the corridors of the National Expenditure Program through insertions with DPWH and Congress colluding,” ayon kay Lacson sa isang post sa X.
Nagbigay din ng kanyang pahayag si Sen. Erwin Tulfo sa pagbibitiw ni Matienzo.
“Inaasahan na po natin ito dahil maliban sa malinaw na direktiba ni Pangulong Marcos Jr. at DPWH Sec. Vince Dizon na linisin ang mga ahensya, lumutang din sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagkukulang ng liderato ng PCAB.
“Bagama’t inaasahan na ito, dapat siguruhin na lahat ng mga dokumento na maaaring gamiting ebidensya tungkol sa mga hinihinalang anomalya sa flood control projects ay maitabi at maitago. Hindi rin porke’t nag-resign ay abswelto na. Tuloy ang imbestigasyon sa kanila kahit wala na sila sa puwesto.
“Sa kabilang banda, maaari rin itong maging oportunidad na hikayatin ang mga nasibak o nagbitiw na mga opisyal na magsalita at maging witness sa lahat ng magiging imbestigasyon tungkol sa mga palyadong DPWH projects.
“Patuloy rin nating itutulak ang pagrepaso sa Republic Act No. 4566 o ang “Contractors’ License Law” para baguhin ang komposisyon ng Philippine Contractors’ Accreditation Board at alisin ang mga posibleng conflict of interest sa mga uupong miyembro ng board.
“Paiigtingin din natin ang safeguards ng batas upang masiguro na ang PCAB ay kayang imbestigahan at kanselahin ang lisensya ng mga contractors na palpak at dapat blacklisted na.”

