26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Pondo para protektahan ang mga bata laban sa ‘dark web’ kailangan — Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

HINAHANGAD ni Senador Win Gatchalian ang paglalaan ng pondo upang mapalakas ang kakayahan ng gobyerno na protektahan ang mga bata laban sa banta ng tinatawag na ‘dark web.’

Kasunod ng dami ng mga online activities kung saan nasasangkot ang mga bata, nagbabala si Gatchalian na nagiging pugad ang dark web ng mga transaksyong may kinalaman sa child pornography, bentahan ng iligal na droga at armas, at online gambling.

Sinabi ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance, na isusulong niya ang pangangailangan ng pondo para dito sa darating na pagdinig sa Senado sa pagtalakay ng panukalang pondo ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC). Ang CICC ay isang attached agency ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Ayon kay CICC acting executive director Atty. Renato Paraiso, may kakayahan ang kanilang ahensya na ma-access ang dark web ngunit kulang ito sa kapasidad para sa 24/7 na pagmamanman dahil sa kakulangan ng pondo. Binigyang-diin niya na ang taunang subscription para sa isang collaborative database at monitoring mechanism ay aabot mula ₱150 milyon hanggang ₱200 milyon.

“Ang pinag-uusapan dito ay ang proteksyon ng ating mga kabataan. Dapat may sapat na teknolohiya at kakayahan ang gobyerno upang makapasok sa dark web at mahuli ang mga nagpapakalat at bumibili ng mga ilegal at malalaswang materyales,” ani Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -