ANG content-based instruction ay tumutukoy sa pagtuturo ng wika sa pamamagitan ng kontekstwalisadong paglalapat nito sa ibang disiplina o asignatura. Samantala, ang place-based education naman ay ang paggamit ng pook bilang konteksto ng pagtuturo at pag-aaral. Sa halip na aralin lamang ang wika (halimbawa: English) nang hiwalay ay binibigyang atensyon at kahulugan ito gamit ang partikular na disiplina (halimbawa: Science) at ikinokonteksto sa espisipikong lugar (halimbawa: pond ecology o mini-forest). Samakatuwid, bukod sa matututo ang mga mag-aaral ng wika ay magiging maalam din sila ukol sa agham sa konteksto ng pisikal at natural na kapaligiran. Makapangyarihang pagtambalin ang dalawang dulog (o approach) upang mas maging epektibo ang pag-aaral ng wika at komunikasyon. Ang mga sumusunod na tala ay gabay at paalala sa pagtuturo gamit ang content-based at place-based education.
· Gamitin ang mayamang kultura at kapaligiran bilang konteksto ng pagtuturo at pag-unawa ng wika. Lumilikha ito ng natural at awtentikong kapaligiran at pagkakataon para matuto at umunlad. Nakasandig din ito sa batayang prinsipyo na ang pagtuturo at pagkatuto ay kontekstwal.
· Tandaan na ang wika ay mas nalilinang sa konteksto ng aktwal at lapat na paggamit dito bilang instrumento. Mas tatatak ang wika at mas magiging mabisa ang komunikasyon kung ang mga ito ay may tuwirang aplikasyon sa larangan at lipunan. Sa pamamagitan nito ay mas nagiging kapaki-pakinabang ang pag-aaral ng wika at umuunlad ang mga mag-aaral bilang independent, interdependent at lifelong learners.
· Baguhin ang nakababagot na pagtuturo at pag-aaral ng wika na hindi nakapook at hindi kontekstwalisado.
· Sumangguni kina Mohan (1986), Brinton, Snow at Wesche (1989) at Gruenewald (2003) bilang batayan sa pag-aaral ng content-based inquiry (CBI), content-based language teaching (CBLT) at place-based education (PBE).
· Pagtibayin ang cross-disciplinary education sa pamamagitan ng pagtatambal ng wika at komunikasyon sa ibang disiplina (o core subject) kagaya ng agham panlipunan, humanidades, ekolohiya, agham, teknolohiya, matematika at iba pa. Sa pamamagitan ng pagtatambal ng pag-aaral ng wika sa isang partikular na larangan o disiplina ay sabay na natututo ang mga mag-aaral ng bagong wika at konsepto na lapat sa tunay na buhay.
· Itampok ang pag-aaral ng wika at matematika sa konteksto ng pamilihang bayan upang matutunan ang mga terminong may kinalaman sa sukat kagaya ng isang tumpok (ng kamatis), isang kaing (ng mangga), isang banyera (ng isda), isang buwig (ng saging) at iba pa.
· Aralin, unawain at isapraktika ang komunikasyon sa pamamagitan ng pagdalo ng public hearing sa lokal na pamahalaan ukol sa pagpapasa ng isang ordinansa. Sa paraang ito ay matututo ang mga mag-aaral ng mga bokabularyong politikal, ligal, administratibo at pampatakaran.
· Pagtambalin ang pag-aaral ng target language (halimbawa: Chinese o English) sa pamamagitan ng pagbabasa ng historical text tampok ang kasaysayan ng China (content-based approach). Kaugnay nito, maaaring higit na pagyamanin ang pag-aaral sa pamamagitan ng pagbisita sa isang Chinese museum o cemetery (place-based approach).
· Aralin ang wika sa konteksto ng pag-unawa sa kalikasan kung saan magkasabay na natututunan ng mga mag-aaral ang isang wika (halimbawa: English) at mga konsepto at prosesong ekolohikal (halimbawa: algal blooms, hypoxic condition, eutrophication).
· Gawing mas kapanapanabik ang pagpapalawak at pagpapalalim ng bokabularyo sa pamamagitan pagsasakonteksto ng aralin sa wika sa partikular na dalubhasaan, disiplina at diskurso.
· Pagyamanin ang pag-aaral ng wikang Filipino sa pamamagitan ng pagtatambal dito sa kasaysayan, antropolohiya o sikolohiya kung saan ang mga gagamiting babasahin ay mga teksto sa wikang Filipino ukol sa lipunan, kultura at pagkataong Filipino na inakda nina ni Dr. Zeus Salazar, Dr. Prospero Covar, Dr. Virgilio Enriquez at iba pa. Isang paraan ito para maisakatutubo ang pagtuturo at pag-aaral.
· Pagyamanin ang pagtuturo ng wika sa pamamagitan ng salimbayang pag-aaral nito katuwang ang mga kuwentong-bayan kung saan magkasabay na lumalalim ang bokabularyo at pagmamahal sa lokal na kultura ng mga mag-aaral.
· Gamitin nang produktibo ang oras sa pamamagitan ng pagtuturo at pagkatuto sa wika at sa isa pang asignatura kung saan ito itatambal. Halimbawa sa pag-aaral ng pangngalan (o noun), maaaring magkasabay na matutunan ang wika, agham at politika sa pamamagitan ng pangungusap na ito: Si Vandana Shiva ay nagsusulong ng katarungan sa agrikultura at pagkain. Sa kontekstong ito ay nagiging kasangkapan o tulay ang ibang asignatura upang mas mahasa sa paggamit ng wika ang mga mag-aaral.
· Tandaan na mas nagiging makahulugan ang pag-aaral kung ito ay nakapook o nakakonteksto lalo na sa kultura, komunidad at kapaligiran. Tinitiyak din nito na magpapatuloy ang pagkatuto kahit sa labas ng balangkas ng paaralan o pamantasan.
· Pukawin ang interes ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng lokal na aplikasyon ng mga natutunang wika (halimbawa: paglalakbay, pamamalengke, transaksyon sa mga pampinansiyang institutusyon at iba pa).
· Gamitin ang content-based at place-based instruction upang palakasin ang interkultural na edukasyon sa pamamagitan ng paglalapat ng pag-aaral ng wika sa dalawang magkaibang kultura, komunidad o lipunan (halimbawa: pook rural at pook urban). Para mas maunawaan ang place-based inquiry, maaaring sumangguni sa babasahing ito bilang panimula: Place-based Inquiry 101 – Pinoy Peryodiko.
· Gamitin din ang dalawang dulog na ito upang saklawin ang tatlong learning domains: cognitive (head), affective (heart) at psycho-motor (hand). Halimbawa, sa pamamagitan ng pag-aaral ng wika, pagpunta sa palengke at pakikipanayam sa mga manininda ay nasasaklaw ang tatlong nabanggit na dimensyon.
· Pag-ugnayin ang prior knowledge at situated knowledge ng mga mag-aaral sa mga bago pang matututunan mula sa kurikulum, klase at komunidad.
· Linangin ang praktikal na kasanayan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagtuturo ng wikang Filipino sa pamamagitan ng pagtatambal nito sa accounting, business and management (o ABM) at paglalantad sa kanila sa lokal na kooperatiba. Sa ganitong paraan ay matutunan nila ang mga konsepto at termino tulad ng saping-puhunan (share capital), balik-tangkilik (rebate), dibidendo (dividend) at iba pa.
· Gamitin ang dalawang dulog upang patalasin ang kritikal na pagsusuri at panlipunang kamalayan ng mga mag-aaral. Sa pagtatambal ng wika, komunikasyon at isa pang napiling larangan ay mas nagiging masaklaw, malalim at matalas ang pagkatuto.
· Pagyamanin ang kasanayan ng mga mag-aaral sa komunikasyon at kolaborasyon sa pamamagitan ng interdisiplinal at intersektoral na katangian ng pagtatambal ng dalawang dulog.
· Palakasin ang integrasyon ng human sciences at humanities sa pamamagitan ng pag-aaral ng wika, kultura, katawan, pagkatao, kalikasan, komunidad at kaunlaran.
· Gamitin ang salimbayan ng content-based instruction at place-based education bilang pagkakataon upang mahasa sa pagsasalin (translation). Halimbawa, sa pag-aaral ng wika katambal ang agham ay matutunan ang mga sumusunod na salin: transparent (kitagos), translucent (kitaninag), wildlife (buhay-ilang), biodiversity (saribuhay), sustainability (likas-kaya) at marami pang iba.
· Bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na pumili kung anong paraan nila ito isasapraktika (halimbawa: cosplay, role play, simulation at iba pa) at kung saang konteksto nila ilalapat (halimbawa: online gaming, paglilitis sa korte, ugnayang panlabas at iba pa). Mas gaganahan sila mag-aral kung alinsunod ang pagkatuto ng wika sa larangan ng kanilang interes.
· Subukan ding idugtong (o idugsong) ang pag-aaral ng wika sa larangan ng action research at advocacy. Isang halimbawa ay ang pag-aaral ng wika katambal ang people’s science at citizen science sa konteksto ng lokal na pangisdaan na may layuning isulong ang likas-kayang pangisdaan at solusyonan ang malaganap na coastal poverty sa komunidad. Nagiging mas mapagpalaya at transpormatibo ang pagkatuto sa pamamagitan nito.
Bilang pagbubuo(d), ang tambalan ng content-based at place-based learning ay nakalilinang ng kasanayan sa bagong wika, nagpapayaman ng kontekstwalisadong kaalaman at nagpapayabong ng buhay na karanasan. Samakatwid, salimbayan ito ng language education, content learning at contextual understanding. Sa pamamagitan ng tambalan ng dalawang dulog ay umuunlad ang linggwistiko, akademiko, praktikal, pangkomunidad at etikal na kakayahan ng mga mag-aaral bilang mananaliksik at mamamayan.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected]

