29.2 C
Manila
Linggo, Hunyo 7, 2026

Ang pangarap na edukasyon sa ibang bansa

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

JUAN, nakita ko ang anak ng kapitbahay natin, si Maya. Lumipad na papuntang Canada para mag-aral ng kolehiyo. Ang galing!

Pero, Uncle, naiisip ko, ang laki siguro ng gastos doon. Paano kaya nila napaghandaan ‘yon? At ano kaya ang pakiramdam ng magulang at ng anak na malayo sa isa’t isa, lalo na sa ating mga Pilipino na malapit sa pamilya? Kung sakaling pangarapin ko rin ‘yan balang araw para sa mga anak ko, ano ba ang dapat kong paghandaan?

Naku, Juan, ‘yan ang isa sa pinakamalaking pangarap ng maraming magulang na Pilipino. Ang edukasyon sa ibang bansa ay itinuturing na susi sa mas magandang kinabukasan, hindi lang para sa anak kundi para sa buong pamilya. At sa totoo lang, Juan, hindi lang ito tungkol sa “ganda ng pangalan” ng eskwelahan. Para sa marami sa amin, ito ay isang desisyon na pinag-iisipan nang matindi, lalo na kung ikukumpara sa kalidad ng edukasyon dito sa atin.

Bakit nga ba International Education?

Ang hamon ng edukasyon sa Pilipinas


Juan, aminin natin, marami sa atin ang may pagdududa sa kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Hindi sa lahat ng pagkakataon, pero sa pangkalahatan, may mga hamon.

Ayon sa 2025 World Competitiveness Yearbook ng International Institute for Management Development (IMD), ang Pilipinas ay nasa mababang ranko na 63 sa larangan ng edukasyon sa total na 69 na mga ekonomiyang sinuri.

Bakit? Anong mali o kulang  sa ating edukasyon?

Kakapusan sa resources: Madalas, kulang ang mga pampublikong paaralan sa classrooms, libro, at modernong kagamitan. Ang ratio ng estudyante sa guro ay mataas, na nagpapahirap sa guro na bigyan ng sapat na atensyon ang bawat bata.

- Advertisement -

Curriculum at global competitiveness: Habang pinipilit nating iangat ang ating curriculum, ang bilis ng pagbabago sa mundo ay mas mabilis. Minsan, ang ating sistema ay hindi nakakasabay sa mga global standards at sa mga kasanayang kailangan sa industriya.

Job market readiness: Maraming graduates dito ang nahihirapan makahanap ng trabaho na akma sa kanilang pinag-aralan, o kaya ay kulang sa “soft skills” na hinahanap ng mga international companies.

Kaya, para sa isang tatay na tulad ko, ang pagpapadala ng anak sa ibang bansa ay hindi lang luho. Ito ay isang strategic investment sa kanilang kinabukasan.

Ang mga unibersidad sa ibang bansa, lalo na sa mga bansang tulad ng Amerika, Canada, Australia, o sa Europa, ay kilala sa kanilang:

World-class facilities at resources: May access ang mga estudyante sa state-of-the-art laboratories, malalaking libraries, at cutting-edge technology.

Diverse at innovative curriculum: Ang mga programa ay madalas na mas advanced, mas focused sa research, at mas aligned sa global industry demands.

- Advertisement -

Exposure sa ibang kultura at global perspective: Ang pag-aaral sa ibang bansa ay nagbibigay sa anak ng pagkakataong makihalubilo sa iba’t ibang lahi, matuto ng iba’t ibang pananaw, at maging mas adaptable sa globalized na mundo.

Mas malaking oportunidad sa trabaho: Ang diploma mula sa isang kilalang international university ay nagbubukas ng mas maraming pinto sa trabaho, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Ayon sa mga report, mas mataas ang tsansa ng mga international graduates na makakuha ng trabaho at mas mataas ang kanilang starting salary.

Ano ang ibig sabihin nito para sa pagbuo ng financial goals at financial literacy?

Ang pagpapadala ng anak sa ibang bansa para mag-aral ay isang game-changer sa financial goals ng isang pamilya. Ito ay nagiging sentro ng lahat ng financial planning, kung saan ang pag-iipon para sa tuition, living expenses, at travel costs ay nagiging prayoridad.

Ang budget ng pamilya ay kailangang i-adjust nang malaki, na madalas ay nangangahulugan ng pagbabawas ng gastusin sa ibang aspeto ng buhay. Dahil sa laki ng investment, napipilitan ang magulang na maging mas financially literate, naghahanap ng mas magandang investment vehicles, at nagiging mas maingat sa paggastos. Ngunit may panganib din na maubos ang ipon ng magulang para sa kanilang pagreretiro kung hindi maayos ang pagpaplano.

Ang paglalakbay: Mula pangarap hanggang sa katuparan

Bago ang paglipad (Pre-Studies): Ang pagsisimula ng sakripisyo at pangarap

Dito nagsisimula ang tunay na paghahanda. Bilang magulang, kailangan mong simulan nang maaga ang pag-iipon. Hindi lang tuition ang iniisip mo, kundi pati na rin ang living expenses, airfare, visa fees, at insurance. Hindi lang sa bangko dapat mag-ipon; maghahanap ka ng mas magandang investment vehicles, mag-aaral ka ng budgeting at finance, at magiging mas maingat sa bawat sentimo. Aktibo kang naghahanap ng scholarships o grants na maaaring makatulong. Hindi lang ikaw, kundi pati ang anak mo, ay kailangang maging financially literate. Kailangan niyang matutong mag-budget at maging responsable sa pera, dahil malayo ka na para bantayan siya.

Ngunit higit pa sa pera, ang yugtong ito ay puno ng mental at emosyonal na paghahanda. Ang paglayo ng anak ay masakit para sa ating mga Pilipino na malapit sa pamilya. Ang “empty nest syndrome” ay mas matindi, at ang pangungulila ay totoo. Kailangan mong magtiwala sa kakayahan ng iyong anak na mamuhay nang mag-isa at gumawa ng tamang desisyon, kasabay ng pangamba sa kanilang kaligtasan at kapakanan sa malayo. Ang financial pressure at ang pangamba para sa anak ay maaaring magdulot ng stress, kaya kailangan mo ng coping mechanisms at support system mula sa asawa o ibang kapamilya.

Para naman sa anak, kailangan niyang maging independent at matutong mag-adjust sa bagong kultura, sistema, at pamumuhay – isang malaking pagbabago mula sa pagiging laging kasama ang pamilya. Ang pangungulila sa pamilya, sa pagkain, at sa nakasanayang buhay ay hindi maiiwasan. Kailangan niyang magkaroon ng coping strategies at support system (Filipino community, friends) bago pa man lumipad. Ang pag-aaral sa ibang bansa ay may matinding academic pressure, kasama pa ang pag-adjust sa ibang paraan ng pagtuturo at pakikisalamuha.

Habang nag-aaral (Present Studies): Ang laban sa malayo at ang paghubog ng kinabukasan

Sa sandaling lumipad ang anak, nagsisimula ang bagong yugto ng pagsubok. Bilang magulang, patuloy ang iyong financial management. Mahalaga ang regular at bukas na komunikasyon tungkol sa pera – magkano ang natitira, saan napupunta ang gastos. Ito ay para maiwasan ang miscommunication at pagdududa. Kung pinapayagan ng visa, ang anak ay maaaring mag-part-time para makatulong sa gastusin at matuto ng work ethic, na nagpapagaan din sa financial burden mo. At siyempre, siguraduhin na may emergency fund para sa hindi inaasahang pangyayari.

Ang mental at emosyonal na suporta mo sa anak ay kritikal. Regular mo siyang kausapin, magtanong tungkol sa kanyang nararamdaman, hindi lang sa pag-aaral. Ang pagpapadama ng pagmamahal at suporta, kahit malayo, ay mahalaga para labanan ang homesickness ng anak at ang pangungulila mo. Maging maunawain sa kanyang mga hamon at paghihirap sa pag-adjust sa bagong kapaligiran. Sa kabilang banda, kailangan mong humanap ng mga paraan para pamahalaan ang sarili mong pangungulila, tulad ng pag-focus sa ibang hobbies o pagpapanatili ng koneksyon sa ibang kapamilya.

Para sa anak, ang buhay sa ibang bansa ay isang patuloy na pag-adjust. Mahalaga ang paghahanap ng mga kaibigan, Filipino community, o university support services – ito ang magiging “pamilya” niya sa malayo. Kailangan niyang matutong mag-manage ng oras para sa pag-aaral, trabaho, at personal na buhay, dahil ang stress ay mas matindi kapag mag-isa. Ang regular na video calls sa pamilya, pagluluto ng pagkaing Pinoy, o paglahok sa mga Filipino organizations ay ilan sa mga healthy coping mechanisms para sa stress at homesickness.

Pagkatapos ng pag-aaral (Post-Studies): Ang pag-ani ng pinaghirapan at ang bagong simula

Sa pagtatapos ng pag-aaral, dumarating ang oras ng pag-ani. Ang anak ay maaaring magdesisyon na magtrabaho sa ibang bansa para makapag-ipon at makatulong sa pamilya, bilang pagtanaw ng “utang na loob” sa iyong sakripisyo. O kaya ay bumalik sa Pilipinas at gamitin ang natutunan. Bilang magulang, umaasa ka sa “return on investment” – na ang anak ay magkakaroon ng magandang trabaho at makakatulong sa pamilya, o kaya ay magiging financially stable. Ang layunin ay maging financially independent ang anak at makapag-ambag sa pamilya, kung kaya, nang hindi nagiging pasanin.

Ngunit mayroon ding mental at emosyonal na pag-adjust. Kailangan mong i-manage ang iyong expectations sa anak. Hindi lahat ng nag-aral sa ibang bansa ay agad magiging milyonaryo. Mahalaga ang pag-unawa sa kanilang mga hamon sa paghahanap ng trabaho o pag-adjust. Kung mananatili siya sa ibang bansa, kailangan mong tanggapin ang katotohanan ng malalayong relasyon.

Para sa anak, ang career pressure ay matindi, lalo na ang pakiramdam ng “pasanin” na masuklian ang sakripisyo ng magulang. Kung babalik sa Pilipinas, maaaring makaranas siya ng reverse culture shock – ang pag-adjust muli sa kulturang Pilipino matapos masanay sa ibang bansa. At siyempre, kailangan niyang harapin ang expectations ng pamilya, na madalas ay mataas, lalo na kung galing sa ibang bansa.

Sa huli, Juan, ang pagpapadala ng anak sa ibang bansa para mag-aral ay isang malaking desisyon na may malalim na implikasyon. Ito ay isang pagpapakita ng matinding pagmamahal at sakripisyo ng magulang.

Ngunit upang maging matagumpay ito, kailangan ng masusing pagpaplano – pinansyal, mental, at emosyonal – at bukas na komunikasyon sa pagitan ng magulang at anak. Ito ay hindi lamang tungkol sa pagkuha ng diploma, kundi sa paghubog ng isang responsableng indibidwal na may kakayahang tumayo sa sarili niyang mga paa at maging pag-asa ng pamilya, habang pinapanatili ang init at lakas ng ugnayan ng pamilyang Pilipino, kahit gaano pa kalayo.

Juan, ganito ang pinagdaanan ng aming pamilya nung nag-aral ang bunso namin sa Inglatera pitong taon na ang nakalipas. Tiwala lang talaga sa Panginoon.  Mukhang lumilinaw naman ang magandang kinabukasang pinangarap naming lahat para sa kanya.

Kaarawan pala nya ngayon. Happy birthday, Kaye.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -