SA paggunita ng deklarasyon ng Batas Militar, libo-libong katao ang lumahok sa malawakang kilos-protestang tinaguriang “Trillion Peso March” upang kondenahin ang katiwalian sa bilyon-bilyong pisong flood control projects ng pamahalaan.

Ayon sa mga ulat, nagkaroon ng kilos-protesta sa iba’t ibang panig ng bansa kung saan naghayag ang mga nagporpotesta ng mariing pagtutol sa katiwalian at kahilingang maparusahan ang mga magkakasabwat dito.
Sa Metro Manila, libo-libong mamamayan ang nagtipon sa iba’t ibang lugar.

Una na rito ang “Trillion Peso March” na ginanap sa EDSA People Power Monument kung saan tinatayang may 30,000 mahigit ang dumalo, ayon sa mga organizer.
Sa Luneta, na may temang “Baha sa Luneta: Aksyon na Laban sa Korapsyon,” dinagsa ang kilos-protesta ng tinatayang 49,000 katao, ayon sa Manila Public Information Office (PIO).
Bukod pa rito ang rally na isinagawa sa Liwasang Bonifacio.
Kasabay nito, nagkaroon din ng kilos-protesta sa Cebu, Iloilo, Bacolod, at Davao, ayon sa mga ulat.
Layunin ng protesta
Layunin ng kilos-protestang ito na papanagutin ang mga sangkot partikular na ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways, mga kontraktor at mga proponents o mga mambabatas at senador na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Nais din ng mga raliyista na mabawi ang pondong hindi nararapat mapunta sa katiwalian upang mailaan ito sa mga serbisyong panlipunan gaya ng kalusugan, edukasyon, pabahay, at disaster response.
Kinakailangan din, umano, ng reporma at transparency sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mas mahigpit na mekanismo laban sa katiwalian.
Binibigyang-diin din ng kilos-protestang ito ang demokrasya, kung saan nais ng mga itong ipaalalang galing sa mamamayan ang kapangyarihan at hindi ito dapat abusuhin.
Mga kilalang personalidad na lumahok
Suportado ng ilang artista at kilalang personalidad ang kilos-protesta.
Ayon sa GMA News Online, dumating sa rally sina Vice Ganda,Anne Curtis, Jasmine Curtis-Smith, Donny Pangilinan, Darren Espanto, Cristine Reyes, Jackie Gonzaga, Ion Perez, Elijah Canlas, Angel Aquino, Pura Luka Vega, Tessie Tomas, Jodi Sta. Maria, Andrea Brillantes, Maris Racal, Christian Antolin, Marjorie Barretto, Leon Barretto, Anthony Pangilinan, Gardo Versoza, Alex Medina,Iza Calzado, Gabbi Garcia, Khalil Ramos, Catriona Gray, Nicole Cordoves, Paolo Benjamin, Miguel Benjamin, Agnes Reoma, Pat Lasaten, Mika Salamanca, Rhian Ramos, Raheel Bhyria, David Licauco, at Julia Barretto.
Lumahok din ang mga lider simbahan, guro, kabataan, at mga retiradong opisyal-militar.
Sagupaan at insidente
Bagama’t naging panawagan sa rally sa EDSA ang isang mapayapang protesta, hindi lahat ay nakiisa rito.

Sa Ayala Bridge malapit sa Malakanyang, may mga taong nanunog ng isang trailer truck.
Sumunod naman nito, naghagis ng bato, bote, at kung anu-anong bagay sa mga pulis ang mga nagpoprotesta na naging dahilan upang magbato ang mga awtoridad ng tear gas at gumamit ng water cannon para itaboy ang mga tao.
Ayon sa mga ulat, may 20 nagpoprotesta ang inaresto at 40 pulis ang nasugatan dahil sa tensyon.
Pahayag ng pamahalaan
Naglabas ng pahayag si Pangulo Ferdinand Marcos Jr. na nauunawaan niya ang galit ng taumbayan.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang pagbuo ng isang independiyenteng komisyon ay para magkaroon ng malalim na imbestigasyon, pagkansela ng flood control projects sa 2026, paglalaan ng pondo sa edukasyon, kalusugan, at agrikultura, at pagpapanagot sa lahat ng sangkot, anuman ang posisyon nito.
Dagdag pa ng Pangulo, ang binuong Independent Commission on Infrastructure (ICI) ay magsisilbing espesyal na fact-finding at investigative body na na may layuning mag-imbestiga sa lahat ng umano’y anomalya sa pagpapatupad ng mga proyekto sa imprastruktura, lalo na sa flood control.
May mandato ito na mag-awdit, magsiyasat at magsumite ng ulat na hiwalay at mas mabilis kaysa sa regular na proseso ng ibang ahensya ng gobyerno.
Nagpahayag din ng suporta si Public Works Secretary Vince Dizon sa panawagan ng publiko laban sa katiwalian.
Samantala, tiniyak ng Department of National Defense at Armed Forces na mananatili silang neutral at nakatutok lamang sa pagpapanatili ng kaayusan.
Nagpahayag din ng suporta si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa karapatan ng mga mamamayan na mag-asembliya at maghayag ng kanilang hinaing.
Gayunman, nagbabala si Remulla na kinakailangang nasa batas pa rin ang pagsasakatuparan ng karapatang ito.
“We will protect the citizens’ right to peaceably assemble to redress their grievance, but we will not tolerate instability and violence,” ani Remulla na personal na nagtungo sa Mendiola upang personal na tingnan ang kaganapan doon..
Maliban sa kaguluhan sa malapit sa Malakanyang, naging mapayapa at maayos naman ang ibang kilos-protesta gaya ng sa Quirino Grandstand at EDSA People Power Monument.
Simula ng malawakang imbestigasyon
Isang memorandum na may petsang Agosto 20, 2025 ang inilabas ng Commission on Audit (COA) kung saan inatasan nito ang kaniyang technical services office na magsagawa ng agarang inspeksyon sa mga flood control projects sa Bulacan bilang bahagi ng isinasagawa nitong fraud audit na kinapapalooban ng mahigit tatlong taong paggasta sa public works, ayon sa ulat ng inquirer.net.
Inatasan ng COA ang TSO na magtalaga ng kawani nito para sa isasagawang inspeksyon sa lahat ng ongoing at tapos nang flood control projects mula Enero 1, 2022 hanggang Hulyo 31, 2025.
Kabilang sa kinakailangang siyasatin ng mga inspektor ng TSO ang katayuan at kung mayroon ngang nagawang proyekto-kung naaayon ba ito sa inaprubahang plano at schedule para rito.
Base sa mga opisyal na tala, sa P548 bilyong inilaan sa bansa para sa flood control, ang Central Luzon ang nakatanggap ng pinakamalaking alokasyon na nasa P98 bilyon kung saan P44 bilyon dito ang para sa Bulacan, ayon pa sa ulat.
Sa ulat naman ng DZMM, sinabi ni dating Senior Associate Justice Antonio Carpio na maituturing na ang flood control scam ang “biggest corruption scandal” sa kasaysayan, higit pa umano sa corruption scandal sa panahon ng martial law sa administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Kinakailangan aniya na maresolbahan ito ni Pangulong Marcos Jr idahil kredibilidad at ngalan ng kanyang pamilya ang nakataya rito.
“He ran to redeem the name of his family and now we are in a worse corruption than in the martial law years,” ani ni dating Justice Carpio.
Ngunit binigyang-diin din niya na P450 bilyon ang insertion ng Senado at ng Mababang Kapulungan sa budget ng DPWH ngayong 2025.
Ngunit, P29 bilyon lamang ang idinaan sa veto power ni Pangulong Marcos o kabawasang insertion. Nangangahulugan na inaprubahan nya ang P421 bilyon sa P450 bilyong insertion.
“He owned up, he is responsible for the P420 billion. He could have vetoed it because it is not part of the National Expenditure Program.”
Kaugnay NEA ICI, ani Carpio, mahuhusgahan ito base sa desisyon at Gagarin nito.
Nagpahayag din sya ng pagsang-ayon sa pagpapatuloy ng mga pagdinig sa kongreso dahil aniya makakatulong ito upang mabunyag pa ang mga katiwalian kaugnay ng flood control mess.

