29.1 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Book Nooks: Gamot sa ‘reading crisis’ sa bansa

PUWERA USOG

- Advertisement -
- Advertisement -

(Ikalawa sa serye)

MALINAW na nangyayari ang tinatawag na “reading crisis” sa ating bansa. Dumadami ang mga batang hirap sa pagbabasa o kung nakababasa man ay wala namang pang-unawa sa binasang teksto. Hindi na bago sa atin ang makarinig ng kuwento ng mga batang umabot na sa Grade 6 (o high school pa) pero  walang kakayahang magbasa o umunawa kahit sa isang simpleng kuwento. Nagtuturuan tayo sa pinagsimulan ng problema: dahil sa dumaang pandemyang Covid-19 kung saan naging online ang pag-aaral, dahil sa magulang na di nakatutok sa pag-aaral ng anak (at ipinaubaya na lang ang lahat sa kanilang guro), o ang teacher factor.

Bukod sa book nook sites na nakakalat na sa buong bansa, may itinatag na ring ‘Book Nook – South Korea’ upang tugunan ang reading needs ng mga Pinoy na nasa bansang ito; gayundin ang mga Koreano na nais tuklasin ang yaman ng ating panitikan at kultura. Naganap ang MOU signing kamakailan.

Mas nahihilig na lamang ang mga kabataan sa mabilisang aliw na dulot ng social media gaya ng Youtube, Tiktok, at iba pa. Hindi natin sila masisisi— sadyang kaakit-akit ang mga memes, reels, at maikling video na agad nagbibigay ng kasiyahan. Hindi lamang sa libro nawalan ng gana ang maraming bata’t kabataan. Kahit ang telebisyon na dati nilang paboritong kasangkapan sa bahay ay hindi na ngayon. Lumipat na ang mga bata sa social media kaya pilit na binabawi ng mga libro at telebisyon ang atensiyon ng mga batang ito. Malaki itong pagbabago na hinaharap ng ating mga Kabataan.

Pinangunahan ang MOU signing ng Pilipinas at South Korea ni NCCA Commissioner Carlo Ebeo, consultant ng NBDB at marubdob na tagapagpalaganap ng Book Nook Project.

Tumugon ang National Book Development Board (NBDB) sa krisis sa pagbabasa sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng maraming book nooks sa bansa na hindi lamang lugar para sa pagbabasa kundi isang lugar din para sa regular na storytelling. Masasabing mahalaga ang ginagampanang papel ng Book Nook Project—bilang panimbang at paalala na ang mga aklat, lalo na ang mga akdang Pilipino, ay naririyan at accessible na sa reading public.

Ilan sa mga aklat pambatang nakasama sa mga Book Nook sites ay inakda ng inyong lingkod. Bukod dito, marami pang uri ng aklat ang available sa book nooks: history books, fiction, poetry books, graphic novels, romance books, comics, at sari-saring uri ng non-fiction books.

Pagbabahagi ni Charisse Aquino-Tugade, executive director ng NBDB at nagungunang tagapagsulong ng proyektong Book Nook, “ang kaibahan sa mga book nooks na ito ay hindi na kailangang magtayo pa ng mga libraries o gusali para rito. Kailangan lamang ay isang espasyo sa isang lugar na accessible sa komunidad at puwedeng paglagakan ng mga aklat.”


Nilagdaan ng ating Book Nook coordinator na si Anne Campos-Lee ang Memorandum of Understanding (MOU) kasama ang Kabayan Filipino Center na kinakatawan naman ni Joshua Cho KR upang mas maging accessible ang ating mga Filipino-authored books sa mga Pinoy na nananahan sa South Korea. Ang seremonyas ay idinaos sa ginanap na Incheon Bilingual Theater Festival sa Dolce Theater, South Korea.

Ikinuwento pa ni Tugade na ang mga book nooks (o book corners) nila ay matatagpuan sa iba’t ibang institusyon: puwedeng sa loob ng bahay, puwedeng nasa loob ito ng eskuwelahan, puwedeng nasa loob ng museo, puwede ring nasa mga barangay hall o daycare centers. Basta’t may isang sulok o corner na puwedeng ilaan para sa pagbabasa, nandiyan ang Book Nook.

Ang Book Nook site na nasa loob ng National Museum of the Philippines-Iloilo. Libreng pumunta rito ang lahat.

Naalala ko na ang mga Japanese ay may ganito ring ginawang proyekto upang mapalaganap ang pagbabasa sa mga kabataan. Ang ginawa nila ay naga-identify sila ng isang miyembro ng komunidad na may libreng espasyo sa kanilang bahay o garahe o gusali kung saan puwede nila itong gawing library (‘informal’ o ‘makeshift’ library, kumbaga). Tapos, ang bawat pamilya ay nagdo-donate ng libro sa naturang library upang makaipon sila ng mga aklat.

Kasama ni Dr. Gatmaitan si Tala Aquino-Tugade, avid reader ng mga children’s books at anak ng Founder ng Book Nook Project na si Charisse Aquino Tugade ng NBDB.

Sa proyektong Book Nook ng NBDB, ang bawat book nook ay pinupunuan ng mga aklat na gawa ng mga manunulat at ilustrador na Pilipino. Lahat ay local books! Ang sabi’y higit pa sa sanlibong aklat ang ibinibigay ng NBDB sa bawat book package na inilalagay sa naturang site. Kung susumahin, sinasabing nagkakahalaga ang mga aklat ng humigit-kumulang sa P400,000. Gusto nilang itampok ang mga Filipino-authored books sa mga book nooks na ito para mahikayat nilang magbasa ang mga kabataan. Kung Pinoy ang content ng mga aklat, mas malapit ito sa puso ng mga mambabasa.

Nagsagawa si Dr. Gatmaitan ng isang lecture-workshop sa mga Book Nook coordinators na dumalo sa ‘Sug-alaw: National Book Nook Conference’ kamakailan sa Iloilo City

May 133 book nook sites na matatagpuan sa buong bansa, at patuloy pang dumarami. Bawat book nook ay may isang coordinator (at ilang staff) na namamahala sa pagpapatakbo nito. Sa ngayon ay umaabot na sa 225 ang coordinators nito sa buong bansa. Ayon pa sa NBDB, higit na sa 122,000 ang bilang ng aklat na nailagay nila sa mga book nooks na ito: mula children’s books, graphic novels, fiction, nobela, history books, poetry books, romance books, mga dula, hanggang comics. Kumbaga, may aklat na nakalaan para sa kahit sinong nais magbasa rito. Kung ano mang klase ang nais mong basahin, meron nito sa Book Nook.

- Advertisement -
Nagbigay ng mga tips para sa malikhaing pagkukuwento (storytelling) si Rey Bufi ng The Storytelling Project, isa sa mga resource persons ng naturang conference.

Huwag ipagkamaling ang book nooks ay para lamang sa mga bata’t kabataan. Kahit ang mga magulang, guro, at iba pang nakatatanda sa komunidad ay puwedeng pumunta rito upang magbasa o manghiram ng aklat. Bawat book nook site din ay may mga ginagawang programa na nakaangkla sa kani-kanilang kultura. Hindi nga naman puwedeng pag-usapan ang panitikan nang hindi tinitingnan ang kulturang kinapapalooban nito.

Naalala ko pa ang aking Kabataan sa bayan ng Talavera sa Nueva Ecija. Noon ay walang gaanong librong pambata na available para mabasa maliban sa mga komiks at lingguhang kopya ng Liwayway Magasin. Napunan ng komiks at Liwayway ang aking naging hilig sa pagbabasa. Ngunit sa simpleng pagkahilig ko sa pagbabasa noon, natuto akong humabi ng kuwento at sumulat ng mga naratibo. Ngayon, tuwang-tuwa akong makita na may ganitong mga proyektong gaya ng Book Nook na nagsisilbing tulay upang mas maraming bata ang magkakaroon ng pagkakataong ma-expose sa libro at maranasan ang ligayang dulot ng pagbabasa.

Ibinahagi naman ng Book Nook consultant na si Carlo Ebeo ang kaniyang karanasan noong siya’y bata pa sa bayan ng Koronadal sa lalawigan ng South Cotabato. “Nag-iipon ako ng pera mula sa baon ko sa iskul. Kapag araw ng Sabado, at wala na kaming pasok sa eskuwelahan, nagre-rent ako ng komiks sa tindahan sa aming lugar. Doon ay nakakabasa yata ako ng sampung iba-ibang komiks bawat linggo. Ang saya!” Ibinahgai niyang bagama’t hindi niya maituturing ang sarili na avid reader, nakatulong ang mga komiks upang mahilig siya sa pagbabasa.

Ang pagbabasa ay hindi isang pribilehiyo lang para sa iilan—ito ay karapatan nating lahat. Nang makita ng NBDB na ang malaking problema kung bakit di tayo nagbabasa ay dahil sa kakulangan sa ‘access’ sa libro, ginawa niyang possible na abot-kamay natin ang mga aklat sa tulong ng Book Nook Project. Talagang sakto ang motto ng book nook na ‘Aklat para sa Lahat.’

Hindi na naman huli ang lahat upang tuklasin ang daigdig ng aklat at hubugin ang habit ng pagbabasa. Kahit sa edad nating ito, puwede tayong magpasimula. E, ano kung mas marami ng aklat ang nabasa ng ating mga anak? Hindi naman ito paligsahan. Hindi naman ito paunahan. Ang mahalaga, mapagyayaman pa natin ang ating mga sarili kung susubukan nating magbasa.

(May karugtong)

- Advertisement -

 

 

 

 

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -