TULAD ng ginawa ni dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez, nais ni Senate Blue Ribbon Vice Chairman Erwin Tulfo na ituro na rin ng contractor na sila Pacifico “Curlee” Discaya, Sarah Discaya, at dismissed Bulacan First District Engineer Henry Alcantara sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga kasabwat nila na mga matataas na opisyal sa pamahalaan.
“Si Brice nagbigay na raw ng mga sensitibong impormasyon sa ICI ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, so dapat gayahin na rin ng mag-asawang Discaya at ni Alcantara ito,” ayon kay Sen. Tulfo sa isang panayam.
Aniya, “kung natatakot silang kumanta sa Blue Ribbon, e di sa ICI na lang dahil strictly confidential ang kanilang magiging pahayag doon pero under oath pa rin siyempre.”
Ang ICI ay itinatag ni Pangulong Bongbong Marcos kamakailan para mag-imbestiga sa malawakang korapsyon sa mga imprastraktura sa bansa partikular sa flood control.
Layon ng ICI na matukoy kung sino-sino ang mga nagsabwatan para ibulsa ang daan- daang bilyong pondo sa flood control at makasuhan ang mga ito sa korte.
Nangako ang Pangulong Marcos na walang sisinuhin ang ICI na kasuhan kahit na kaibigan, kamag-anak, o kaalyado pa ng administrasyon.
Umaasa si Tulfo na madaliin na rin ng ICI ang pagsampa ng mga kaso laban sa mga sangkot kasi marami na rin ang ebidensya na naglabasan kabilang na mula sa mga naging pagdinig ng Blue Ribbon Committee.
“Let’s wait and see na lang sa resulta ng imbestigasyon ng ICI kung sino-sino ang makakasuhan sa korapayon sa flood control tutal halos may ideya na rin ang taumbayan kung sino ang mga matataas na opisyal na nasa likod nito,” pagdidiin pa ng senador.



