PORMAL nang kinasuhan ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte ng kasong kriminal kaugnay ng madugong ‘war on drugs’ sa mga panahon ng kanyang panunungkulan.
Ayon sa mga ulat, inihayag ng ICC na naihain na noon pang Hulyo 4, 2025 ang binuod na charge sheet na nagsasaad ng tatlong bilang ng krimen laban sa sangkatauhan na kinapapalooban ng 76 na kaso ng pagpatay laban sa dating Pangulo ng Pilipinas.
Hinati ng ICC sa tatlong grupo ang mga kaso ng pagpatay kung saan naganap ang 19 rito noong alkalde pa si Duterte ng Davao City mula 2013 hanggang 2016.
Ikalawa ang 14 na kasong tinaguriang “high-value target killings” na naganap sa unang bahagi ng kanyang pagkapangulo noong 2016 hanggang 2017.
Pangatlo naman ang 43 kaso ng mga tinaguriang “barangay clearance operations” kung saan mga maliliit na suspek sa droga ang namatay noong taong 2016 hanggang 2018.
Pasok sa kategoryang crimes against humanity ang mga kasong ito base sa Artikulo 7 ng Rome Statute.
Sa ulat na nalathala sa The Manila Times, sinabi rito na di hamak na mas marami ang aktwal na nabiktima sa panahon ni Duterte, ayon sa mga ICC prosecutor.
Libo-libong pagpatay ang nangyari sa walang humpay na pag-atake sa mga panahong iyon, dagdag pa nila.
Ayon sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency, 6,215 ang namatay sa “drug war” ni Duterte pero ayon sa mga kritiko at grupo ng human rights, nasa 20,000 hanggang 30,000 ito.
Tinawag na ‘Oplan Tokhang’ sa administrasyon ni Duterte ang programang ito laban sa droga na nagsimula noong 2016.
Sa kabila ng mga report ng pang-aabuso ng ibang miyembro ng kapulisan habang isinasagawa ang operasyon, sa kabuuan, ikinokonsidera ng Duterte administration na isang matagumpay na programa ito ng pamahalaan upang supilin ang pagbebenta at paggamit ng ilegal na droga.
Pag-aresto at pagkakakulong sa The Hague
Noong Marso 11, 2025, inaresto si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa bisa ng isang ICC arrest warrant. Agad siyang dinala sa The Hague, Netherlands, kung saan siya kasalukuyang nakakulong habang pinoproseso ang mga akusasyon laban sa kaniya.
Nitong nakaraang Agosto, naghain ng mosyon ang kampo ni Duterte upang ipagpaliban ang proceedings dahil sya ay “not fit to stand trial.”
Nakatakda sana sa Setyembre 23, 2025 ang “confirmation of charges hearing” kung saan titimbangin ng korte kung sapat ang ebidensya upang ituloy ang mga pagdinig sa full trial ngunit ipinagpaliban ito.
Ayon sa kampo ni Duterte, mayroon siyang cognitive impairments dahil nahihirapan na ang 80-anyos na dating pangulo na makaalala, mangatwiran at maging sa oryentasyon na maaaring makaapekto sa kanyang kakayahan na umunawa at makilahok sa paglilitis.
Mga legal na pagtutol
Bukod sa usaping pangkalusugan, tinututulan din ng depensa ni Duterte ang hurisdiksiyon ng ICC. Giit nila, hindi na sakop ng Rome Statute ang Pilipinas simula noong Marso 2019 dahil bumitiw na ito sa pagiging state party matapos ipahayag ng administrasyon ni Duterte ang pagkalas dito.
Sa isyu ng hurisdiksyon, may dalawa sa limang hurado ng Appeals Court ng ICC ang nauna nang sumang-ayon na wala na ngang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.
Bukod pa rito, sinabi ni Atty. Harry Roque, dating tagapagsalita ni Duterte at isang eksperto sa international law, sa panahon pa lamang ng imbestigasyon, hindi na saklaw ng ICC ang Pilipinas at wala na itong karapatang mag-imbestiga pa dahil natapos na ang panahon para isagawa ito ng international court.
Bago pa man maihain ang charge sheet, nitong nakaraang Hunyo, humiling na ang kampo ni Duterte ng kanyang pansamantalang kalayaan dahil sa kanyang edad at lagay ng kanyang kalusugan.
Sinubukan din ng depensa na ipa-disqualify ang dalawang hukom ng ICC dahil umano sa maaaring pagkiling ng mga ito na ibinasura naman ng ICC.
Reaksyon sa Pilipinas
Sabi ng mga tagasuporta ni Duterte, panghihimasok sa soberanya ng bansa ang ginagawang pakikialam ng ICC dahil hindi na state party ng Rome Statute ang Pilipinas.
Ayon pa sa mga ulat, para sa mga tagasuporta ng dating Pangulo, politikal ang motibo ng pagkaka-aresto nito.
Sa kabilang banda, naninindigan naman ang pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings na hindi dapat palayain si Duterte at dapat siyang managot sa libo-libong namatay sa ilalim ng kaniyang kampanya laban sa droga.
Tugon ng administrasyong Marcos Jr.
Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pinanatili ng gobyerno ang posisyon na hindi kikilalanin ang ICC na nabuo base sa Rome Statute.
Bago pa man ang pag-aresto kay Duterte sa NAIA, nagpahayag na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi kikilalanin ng pamahalaan ang ICC dahil hindi na state party ng Rome Statute ang Pilipinas.
Sa kabila nito, naging limitado ang galaw ng gobyerno, naaresto si Duterte at nakulong sa Netherlands.
Pahayag ng Bise-Presidenteng anak
Sa ambush interview kay Sara sa labas ng Villamor Air Base kung saan dinala ang kanyang ama habang naghihintay sa eroplanong sasakyan patungong The Hague matapos maaresto, tinawag nyang “state-kidnapping” ang naganap.
Sa mga panayam ng media, naging mariin ang pagkondena ni Bise-Presidente Sara Duterte sa administrasyon ng kanyang running-mate noong panahon ng kampanya sa kawalan nito ng aksyon kung kaya naisakatuparan ang pag-aresto sa kanyang ama.
Sa isang pahayag, sinabi ni Vice President Duterte na isang lantarang pagsuway sa kasarinlan at isang malaking insulto sa bawat Pilipino na nananalig sa kalayaan ng bansa.
“As I write this, he is being forcibly taken to The Hague tonight. This is not justice—this is oppression and persecution,” aniya.
“This act shows the world that this government is willing to abandon its own citizens and betray the very essence of our sovereignty and national dignity,” dagdag pa ni pangalawang pangulo.
Hinaharap ng kaso
Habang ipinagpapaliban ang mga pagdinig, nakasalalay sa ICC kung tatanggapin ba ang argumento ng depensa hinggil sa kalusugan ni Duterte. Kung mapatunayang hindi siya “fit to stand trial,” maaaring maantala nang husto o tuluyan nang hindi matuloy ang paglilitis.
Kung magpapatuloy naman ito, ito ang magiging isa sa pinakamalaking paglilitis ng ICC laban sa isang dating pinuno sa Asya.

