GINAWARAN si Senador Loren Legarda ng karangalang Doctor of Education, Major in Educational Management, Honoris Causa ng Nueva Vizcaya State University nitong Oktubre 3, 2025, bilang pagkilala sa kanyang dekadang pagsusulong ng reporma sa edukasyon at pambansang pagbabago.

Ito na ang ikatlong honorary doctorate na iginawad kay Legarda ng mga pangunahing pampublikong unibersidad. Noong 2018, iginawad sa kanya ng Unibersidad ng Pilipinas ang Doctor of Laws, Honoris Causa, bilang pagkilala sa kanyang serbisyo bilang mambabatas, mamamahayag, at tagapagtaguyod ng katarungang panlipunan. Noong Enero 2025, iginawad naman ng University of Antique ang kauna-unahang Doctor of Humanities, Honoris Causa, bilang pagkilala sa kanyang makabuluhang suporta sa unibersidad, at sa kanyang mahalagang ambag sa bayan at inklusibong paglilingkod sa sambayanang Pilipino.

“Ang pagkakaloob ng ganitong karangalan ay isang pagtitiwala na higit pa sa sarili,” pahayag ni Legarda. “Pinagtitibay nito ang katotohanang ang edukasyon ang pinakamakapangyarihang kasangkapan upang wakasan ang hindi pagkakapantay-pantay, bigyang-lakas ang mga pamayanan, at hubugin ang isang bansang tunay na malaya at makatarungan.”

Bilang four-term na Senador at Tagapangulo ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, binigyang-diin ni Legarda na sentral ang edukasyon sa kanyang mga panukalang batas. “Bawat batas na aking isinulong ay bahagi ng mas malawak na disenyo upang tiyakin ang tuluy-tuloy na paglalakbay ng bawat Pilipinong mag-aaral, mula pagkabata hanggang sa mataas na edukasyon, at sa pagpapaunlad ng kaalaman.”

Kabilang sa mga batas na kanyang isinulong ay ang RA 10533 o Enhanced Basic Education Act , RA 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education, RA 9512 o National Environmental Awareness and Education Act at and RA 10908 o Integrated History Act.
Kabilang sa mga bagong reporma sa ilalim ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2, kung saan siya ay kasalukuyang Co-Chairperson, ay ang RA 12199 o Early Childhood Care and Development System Act, RA 12080 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, at RA 12028 o Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act—mga batas na tumutugon sa krisis sa pagkatuto at nagsusulong ng ligtas at mapag-arugang kapaligiran sa paaralan.
Binigyang-diin din ni Legarda ang kahalagahan ng pag-uugnay ng edukasyon at trabaho sa pamamagitan ng RA 12063 o Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act, at ang suporta sa mga adult learners sa pamamagitan ng RA 12124 o Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) Act.
“Ang batas na ito ay nagbibigay ng mas nababagay na landas para sa ating masisipag na kababayan upang makamit ang kanilang degree sa kolehiyo,” pahayag ni Legarda.
Bilang pagkilala sa mga guro, isinulong din ni Legarda ang RA 11997 o Kabalikat sa Pagtuturo Act, na nagtataas ng teaching allowance sa ₱10,000 simula 2025, at RA 12288 o Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders Act, na nag-aalis ng mga luma at hadlang na patakaran sa promosyon. “Para sa inyo ito, Ma’am at Sir, at sa lahat ng dakilang guro sa bansa,” dagdag ni Legarda.
Muling pinagtibay ni Legarda ang kanyang paninindigan sa pondo at pananagutan. Bilang Tagapangulo ng Senate Committee on Finance noong 2017, naglaan siya ng ₱8 bilyon upang simulan ang pondo para sa libreng edukasyon sa kolehiyo kahit hindi pa ito pormal na naisabatas.
Sa kasalukuyan, patuloy niyang isinusulong ang pagtutuwid sa ₱12.3 bilyong kakulangan sa pondo para sa mga state universities and colleges. “Simula sa 2026 General Appropriations Act, hindi na papayagang manatili ang kakulangang ito,” ang pahayag ng Senadora.
“Ang karangalang ito ay hindi para sa akin lamang,” pagtatapos ni Legarda. “Ito ay pagkilala sa mga gurong nagbibigay ng higit pa sa kanilang makakaya, sa mga magulang na nagsasakripisyo, at sa mga estudyanteng patuloy na nagsusumikap sa kabila ng hirap. Kapag tayo’y namumuhunan sa pagkatuto, tayo’y namumuhunan sa kakayahan ng ating bayan na baguhin ang sarili nito.”



