30.6 C
Manila
Biyernes, Hunyo 12, 2026

BPO companies sa Cebu na pinilit magtrabaho ang empleyado kahit may lindol at aftershocks, dapat kasuhan – Sen Raffy

- Advertisement -
- Advertisement -

ITINUTULAK ni Committee on Labor Chairperson Sen. Idol Raffy Tulfo na masampahan ng kaso ang ilang business process outsourcing (BPO) companies sa Cebu na naglagay sa panganib sa buhay ng kanilang mga empleyado nang tumama kamakailan ang 6.9 magnitude na lindol sa probinsya.

Sa isinagawang pagdinig ng Komite ngayong Oktubre 8, binanggit ni Tulfo ang isang kumpanya na nakita sa isang video na humarang sa emergency exit ng kanilang pasilidad upang pigilan ang mga empleyado na makalabas at makapunta sa ligtas na lugar. May isa ring naiulat na kumpanya na pinilit agad bumalik sa trabaho ang kanilang mga empleyado matapos ang lindol.

“Noong weekend, I went to Cebu para makiramay at magpaabot ng tulong sa mga nasalanta at biktima ng lindol, at nakita ko ang sufferings ng mga kababayan natin doon — may namatay, may nawalan ng bahay, at marami pang iba.

“Uminit ang ulo ko noong malaman ko na may mga kumpanya na right after the earthquake, hindi pinauwi at sapilitang pinagtrabaho ang kanilang mga empleyado. Business is business, wala kaming pakialam. May lindol o wala, tuloy lang ang trabaho. Yung iba naman, hinarangan pa ang emergency exits para hindi makalabas ang mga empleyado nila,” saad niya.

Dagdag pa niya, “Gusto kong masampahan ng kaso ang mga kumpanyang ito at ang mga taong sangkot dito, dahil mas inuna pa nila ang kita kaysa sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga empleyado.”

Sa kanyang panawagan na panagutin ang mga kumpanyang ito, binanggit ni Sen. Raffy ang DOLE Labor Advisory No. 17, Series of 2022, na nagsasaad na tuwing may kalamidad gaya ng lindol o bagyo, dapat unahin ng mga kumpanya ang kaligtasan ng kanilang mga manggagawa at hindi maaaring parusahan ang mga hindi makakapasok sa trabaho dahil sa panganib sa kanilang kaligtasan.

Tinukoy rin ni Tulfo ang Department of Labor and Employment (DOLE) Department Order No. 252, Series of 2025, na kinikilala ang karapatan ng mga manggagawa na tumangging magtrabaho nang walang banta o parusa mula sa mga employer kung may panganib sa lugar ng trabaho.

“Anong silbi ng mga advisory na ‘to kung hindi naman natin maipapatupad? Dapat may katapat na parusa ang mga kumpanyang lumalabag sa DOLE Orders at Advisories ninyo,” saad ni Sen. Raffy.

Samantala, inireklamo rin ni Kyle Enero, Spokesperson ng BPO Industry Employees’ Network-Cebu, ang patuloy na “business-as-usual” policy ng ilang BPO companies kahit sa panahon ng mga natural na sakuna, at hindi raw ito ang unang beses na naranasan ng mga manggagawa.

Sa pagtatanong ni Sen. Raffy tungkol sa aksyon ng ahensya, sinabi ni DOLE Region VII Director Atty. Roy L. Buenafe na agad silang naglabas ng work stoppage orders laban sa anim na BPO companies kabilang na ang Iploy OPC, Optum Global Solutions, EXL Services, Alorica, Gagfa IT Tower at Teleperformance IT Park Cebu. Dalawa sa mga ito ay nakapag-comply na raw sa mga Occupational Safety and Health (OSH) requirements ng ahensya.

Nakatakda rin daw silang maglabas ng inspection authority para sa 23 na iba pang BPO companies sa Cebu na may naiulat na violations.

Matatandaang matapos bumisita sa Cebu upang magpaabot ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol, naghain si Sen. Raffy noong Oktubre 6 ng Senate Resolution (SR) No. 149 upang matiyak ang proteksyon ng karapatan ng mga empleyado sa BPO sector tuwing may kalamidad o emergency.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -