29 C
Manila
Sabado, Hunyo 13, 2026

Makabuluhan bang isulong ang ekonomiyang pilak sa Pilipinas? 

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

SA ulat ng International Monetary Fund (IMF) sa kanilang World Economic Outlook (WEO) noong Abril 2025 inihayag ang pagtamlay ng pandaigdigang ekonomiya na may tinatayang pagbaba sa paglaking ekonomiko na aabot lang sa 3% sa mga susunod na taon. Ang tinantiyang paglaking ekonomikong ito ay kabaligtaran ng patuloy na paglaking ekonomiko sa nakalipas na mga taon. Isa sa mga panganib na nakaaambag sa pagtamlay ng ekonomiyang global ay ang labanan ng mga bansa sa kalakalan sa palitang pagpapataw ng matataas na taripa sa mga inaangkat nilang produkto na nagpapababa sa demand at produksiyon sa buong mundo. Isa pang mahalagang panganib ay ang pagbabago sa estruktura ng demographiya sa maraming bansa na may matinding hamon sa budget ng mga pamahalaan upang tustusan ang mga pangangailangan ng lumalawak na tumatandang populasyon. 

Isa sa mga panukala ng IMF sa kanilang WEO upang tugunan ang hamon ng pagbabago sa estruktura ng demographiya ay ang pagsusulong ng pagpapalago sa tinatawag nilang ekonomiyang pilak. Ang ekonomiyang pilak ay natutungkol sa pagpapalawak at pagpapatingkad ng kontribusyon ng mga matatandang mamamayan sa ekonomiya ng isang bansa. Kasama sa mga panukala ay pagpapataas ng partisipasyon ng mga matatanda sa hukbong paggawa. Maisasagawa ito sa pamamagitan ng pagtataas ng edad ng pagreretiro, pagbibigay ng pagsasanay sa mga matatandang mamamayan upang makapasok sa hukbong paggawa at pagpapalakas ng kanilang kalusugan upang maging produktibong miyembro ng ekonomiya.

Maganda ang panukalang ito dahil pinalalawak nito  ang hukbong paggawa ng isang ekonomiya na nakaaambag sa paglaking ekonomiko.  Sa pagbibigay ng empleyo sa mga matatandang mamamayan makatitipid din ang pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda sa mga matatandang mamamayan dahil kumikita pa sila upang tustusan ang kanilang pangunahing pangangailangan. Ang katipirang mararanasan ng mga pamahalaan ay makapagbibigay ng sapat na pondo upang ilaan ito sa mga proyektong pangimprastruktura at sa paglalaan ng pondo sa mahahalagang serbisyo tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay.

Ang isang mahalagang tanong ng mga ekonomistang Filipino ay kung makabuluhan ang pagbubungkal ng ekonomiya ng pilak sa Pilipinas gayong halos 5 % lamang ng populasyon ng ating bansa ay nasa edad 65 pataas? Ito ay aabot lamang sa halos 5.8 milyong mamamayan batay sa tinatayang 117 milyong populasyon ng bansa. Noong 2022 nasa halos 2.54 milyong Filipino lamang ang naitalang na nasa hukbong paggawa na may edad 65 pataas. Kung ito ay lumalaki sa bilis na 2% bawat taon, aabot ito sa 2.69 milyon manggagawa ngayong taon o halos 5.5% ng hukbong paggawa.

Sa harap ng mga potensyal na benepisyo ng industriya ng pilak may ilang hamon ang pagsusulong ng industriyang ito sa Pilipinas. Una, mahirap matamo ang mababang gastos sa pagpapatupad ng mga proyekto ng ekonomiyang pilak dahil maliit lamang ang proporsiyon ng mga matatandang mamamayan sa populasyon at sa hukbong paggawa. Ang bilang ng mga makikisangkot na matatandang mamamayan ay napakaliit kung ihahambing sa mapakalaking gastos na gugulin ng pamahalaan sa pagtatayo ng mga negosyo sa ekonomiyang pilak.


Hindi lamang maliit ang bilang ng mga matatandang mamamayan ngunit nakakalat pa sila sa iba’t ibang probinsya at isla ng bansa. Dahil dito dapat pa silang ipunin at dalhin sa mga piling lugar sa isang lalawigan. Ito ay magpapataas sa gastos sa transportasyon at mauuwi upang di malasap ang mga katipiran sa malawak at malalim na operasyon sa mga itatayong negosyo para sa mga matatandang manggagawa.

Ikalawa, malaki ang panlipunang sakripisyo sa pagbabalik sa hukbong paggawa ng mga matatanda dahil marami sa kanila ay nag-aalaga ng kanilang mga apo habang umaasa sa kanilang mga anak at iba bang kamag-anak. Hindi lamang nakakalat ang mga matatanda sa iba’t ibang lugar sa isang probinsiya, mahirap pa rin silang asahang makisangkot sa mga proyekto sa pagtatatag ng mga negosyo patungkol sa ekonomiya ng pilak dahil may mga gawaing pampamilya silang isinasagawa. Ang kanilang pakikisangkot ay mahirap ding asahan kung may kaunting pinagkakakitaan na sila. Ang hirap ng paglilipat dahil sa kanilang katandaan ay isa pang mahalagang salik sa di nila pakikisangkot sa mga proyekto, pagsasanay at negosyo ng ekonomiyang pilak.

Ikatlo, ang isang mahalagang ipinagpapalagay ng mga nagsusulong ng ekonomiyang pilak ay ang mataas edukasyon, malawak na kasanayan at malusog na pangangatawan ng mga matatandang makikilahok sa ekonomiyang pilak. Makatotohanan ang ipinagpapalagay na ito sa mga mauunlad na bansa tulad ng Japan, South Korea at China na nakararanas pagtanda ng kanilang populasyon.  Nasasayangan sila sa potensyal na kontribusyon ng mga matatanda sa kanilang ekonomiya bunga ng kanilang  mataas na antas na yamang-tao at produktibidad.

Dahil ang pagpapasulong ng ekonomiyang pilak ay tugon sa problema ng mabagal na paglaki ng populasyon at hukbong paggawa at sa pagtanda ng estruktura ng populasyon sa mga mauunlad na bansa baka hindi ito angkop na programa sa mga papaunlad na bansa, tulad ng Pilipinas, na may mabilis pang paglaki ng populasyon at hukbong paggawa at may malawak ng kabataan sa estruktura ng populasyon.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -