ISINUSULONG ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang mas mahigpit na panuntunan laban sa mga pasaway na kontraktor, suppliers, at consultants sa ilalim ng bagong Republic Act No. 12009 o New Government Procurement Act (NGPA).

Kabilang sa naipasang batas na ito ang pagpataw ng blacklisting with perpetual disqualification na maaring ikonsidera na “lifetime blacklisting” para sa mga bidders or contract implementors ng mga proyekto ng gobyerno na may malubha at paulit-ulit na paglabag sa procurement regulations.
Ayon sa DBM, layunin ng bagong batas na tiyakin ang mas mataas na antas ng transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.
“Sa bisa ng NGPA, tinutupad po natin ang adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang ating kampanya tungo sa isang gobyernong bukas, ingklusibo at tumutugon sa pangangailangan ng taumbayan,” ayon kay Sec. Pangandaman.
“Sa pamamagitan ng ating bagong procurement law, mas moderno at mas maigting po ang ating pagpapatupad ng transparency sa procurement process para labanan ang korapsyon. Kasama na d’yan ‘yung pagsiguro na accessible ang impormasyon tungkol sa contract implementation, pagkakaroon ng beneficial ownership declaration kung saan maiiwasan ang conflict of interest, at pagpapalakas ng participatory governance,” paliwanag pa ng Kalihim.
Isa sa mga pangunahing probisyon ng NGPA ay ang pagbibigay ng mas matinding parusa sa mga pribadong entidad na nagpapabaya o lumalabag sa mga kontrata ng gobyerno.
Kabilang sa mga hakbang na inilatag ng batas ay ang tatlong antas ng parusa. Una, ang corrective measure na naglalayong bigyan pa ng pagkakataon na itama at iwasan ang pagkukulang ng mga supplier, contractor, o consultant sa pamamagitan ng pagpapataw ng multa, pagsailalim muli sa mandatory training, o re-training sa mga alituntunin ng procurement, pati paglalagay sa performance watchlist para masubaybayan ang pagsunod sa pamantayan.
Pangalawa, ang suspension kung saan ipinagbabawal sa mga lumabag na entity ang pagsali sa mga bidding ng kaukulang ahensya ng gobyerno. Ang unang paglabag ay may kaparusahang isang taong suspensyon, habang ang ikalawang paglabag ay maaaring magresulta sa dalawang taong suspensyon. Ito ay pinapataw kung ito ay paglabag lamang ng mga procedures sa procurement, tulad ng failure to comply with bid requirements or non-submission of mandatory documents.
Pangatlo, ang blacklisting kung saan ang mga kumpanyang may seryosong paglabag na may bahid ng fraud, falsification, collusion, o anumang uri ng pagsabwatan, kung kaya’t hindi na maaaring lumahok sa anumang bidding ng pamahalaan sa loob ng isa hanggang dalawang taon.
Higit pa rito, ipinakilala rin sa ilalim ng NGPA ang tinatawag na blacklisting with perpetual disqualification. Sa ilalim ng probisyong ito, ang mga kumpanyang may malubha o paulit-ulit na paglabag ay maaaring patawan ng habambuhay na diskwalipikasyon sa paglahok sa kahit anong government bidding. Ang batayan ng “three (3) violations” ay halaw sa konsepto ng “recidivist” na tumutukoy sam mga entity na paulit-ulit na na lumabag sa batas or regulasyon kahit nabigyan na ng pagkakataong magbago, na malinaw na nagpapakita ng “pattern” o “misconduct.”
Sa pagkakataong pinatawan ng ganitong parusa ang isang kumpanya ay hindi na sila kailanman papayagang makipagtransaksyon sa alinmang ahensya ng gobyerno.
Bagamat administratibo ang likas na katangian ng mga kasong ito, itinuturing din itong basehan ng mga kasong kriminal na maaring isampa, lalo na kung may ebidensya ng pandaraya o maling paggamit sa pondo ng gobyerno.
Layunin ng blacklisting provision ng NGPA na tiyaking ang pondo ng bayan ay mapupunta lamang sa mga kumpanyang responsable, maasahan, at may malinis na track record, at maiwasan ang anumang porma ng “waste, abuse, and misuse” nito.
Binibigyang-diin ng DBM na sa pamamagitan ng mga mas mahigpit na patakaran, tuluyang matatanggal ang sistema ng “palakasan” sa procurement process at masusunod ang prinsipyo ng quality over connections.
Ang mga bagong probisyong ito ay bahagi ng mas malawak na reporma ng pamahalaan upang tiyakin ang wastong paggugol ng pondo at maitaas ang tiwala ng publiko sa mga proyektong pinopondohan ng gobyerno, kasabay ng pagpapatupad ng integrated procurement monitoring system.
Isa lamang ito sa mga inisyatibo ng DBM sa ilalim ng pamumuno ni Pangandaman upang maisulong ang transparency sa pamahalaan.



