29.2 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Baikwas ni Duterte nagpapatuloy 

- Advertisement -
- Advertisement -

Katapusan ng Dalawang Bahagi 

KUNG ang resolusyon ng Senado na humihingi ng house arrest para sa dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nagpapatunay ng anuman, iyun ay, na ang Lehislatibo ay kaya pa niyang pasunurin. At ang pagdeklara na unconstitutional ang impeachment ni Sara ay pakita naman na kontrolado niya ang Hudikatura. 

Totoo na sa kalakhan, ang Kamara de Representantes ay kapanig ng administrasyong Marcos, pero wala itong nagsasariling kapangyarihan; lahat ng aksyon nito ay kailangang aprubahan ng senado. 

Ang tanging kumokontra kay Duterte ay, mangyari pa, si Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. 

Ibig sabihin, sa tatlong sangay ng pamahalaan, dalawa na ang kopong ni Duterte – ang Lehislatibo at Hudikatura – at ang Ehekutibo na lamang ang hindi.  

Kaya kailangang pigilan ang impeachment ni Sara? 

Dahil kung matuloy iyun, habampanahon nang bigo ang anumang intensyon na pagharian ang Pilipinas nang habambuhay? 

Kaya ganun na lamang kagarapal ang pagpigil hanggang sa ultima ora ng pagbubuo ng Senado ng impeachment trial court? 

Hanggang magpasya na ang Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment at i-archive na ito ng senado? 

Pero, teka.  

Sabi nga ni Senador Allan Peter Cayetano, bakit kailangan pang i-impeach si Sara?  

“Talunin nyo na lang sa 2028,” hamon niya. 

Ang talagang problema ay itong si Sara ang maliwanag na nagmamadaling makapwesto sa panguluhan. 

Tila ibig gayahin si Gloria na kailangan munang lumampas ng dalawang taon ang panunungkulan ni Erap upang halinhan man niya ay wala nang apat na taon ang nalalabing termino at samakatwid, ayon sa konstitusyon, pwede pa siyang tumakbo uli sa susunod na anim na taong termino. Na siya ngang nangyari.  Umabot ng sampung taon ang kanyang panunungkulan. 

Bakit nga ba hindi na lang hintayin ni Sara na makatapos si Bongbong ng panunungkulan? 

 Bakit niya hahangaring humalili na ngayon pa lang? 

Na para bang kung hindi ngayon, hindi na kailan pa man? 

Oo nga! 

May plano si Bongbong kung ganon? 

At nasilip iyun ni Duterte? 

Kaya kailangang kumilos sila ngayon na? 

O kung hindi, hindi na mangyayari ang iniisip kailan pa man! 

Ang resolusyon ng Senado na humihingi ng house arrest ni Duterte ay hindi maaaring seryosong umaasang magkaroon ng diin sa International Criminal Court (ICC). Alam ng mga senador na may sariling mekanismo ang ICC na ang isang nasasakdal na nasa kanyang kustodiya ay napangangalagaan ang kalusugan sa pagharap sa paglilitis. 

Lubos na napanday na si Duterte sa larangan ng propaganda upang magkamaling seryosohin ang resolusyon na sa kabuoan ay isang magandang palabas lamang para mang-akit ng mga tagatangkilik. 

Walang ipinag-iba sa pamaraang humubog sa kanya sa panahong una siyang hinulma upang maging presidente ng Pilipinas. 

Paulit-ulit, ipinaaalaala ng pitak na ito na hindi humihinto ang Amerika sa estratehikong pagsulong ng grandyosong pangarap na America’s Pacfic Century sa Asya Pasipiko. Sa mga paglalahad ni dating US Secretary of State Hilary Clinton, ang kasalukuyang dekada ang nakaprograma na pasabugin na ang digmaang kontra China ng Pilipinas upang mapakialaman ng Amerika. 

Subalit hanggang bukadura pa rin lang ang ginagawa ni Bongbong sa bagay na ito. 

Noong unang pasabugin ng Amerika ang pang-aatake kuno ng China ng sinag laser sa barko ng Philippine Coast Guard at pansamantalang bumulag sa mga tripulante nito, nanawagan na si noon ay US Secretary of State Antony Blinken na ipatupad na ang Mutual Defense Treaty upang makialam na ang Amerika. 

Tumanggi si Bongbong. 

Hindi pa, aniya, hinihinging gamitin na ang kasunduan. 

At nito lamang kagyat na nakaraan, sa okasyon ng pamamaalam ni Chinese Ambassador Huang Xilian sa kanyang panunungkulan sa Pilipinas, kinakitaan ng paghupa ng tensyon ang China sa relasyon  nito sa administrasyong Marcos. Panauhin sa nasabing okasyon si Unang Ginang Liza Marcos. 

Tuso kung kumilos ang CIA. Kung ganyang nakipagmabutihan na ang Pilipinas sa China, di ba panahon na upang palitan ang rehimen? 

Sa tanong na iyan nakukumpleto ang larawan ng pagbasura ng Supreme Court sa impeachment ni Sara at sa resolusyon ng Senado na ipa-house arrest na lamang si Duterte.  

Lahat nang ito ay lumilitaw na mga hakbang tungo sa muling pagbubuo ng kapangyarihang pulitikal ni Duterte.  

Pero, teka muna uli.  

Sa kasaysayan ng Pilipinas, walang presidente ang nahalal, walang presidente ang nanatili sa puwesto, nang hindi sa kagustuhan ng Amerika.  

Na si Duterte ay nahalal at nanatili sa pwesto sa kabila ng kanyang mga pagmumura at mga pag-upasala sa Amerika ay hamon sa katalinuhan ng mga Pilipino. 

Merong kontradiksyon sa pangyayaring ito. Alin kung naging napakalakas na ni Duterte at hindi na nga siya kinaya ng Amerika o sadya siyang pinagmukhang kontra- Amerika para sa pagtatamo ng mas malaking ganansya. 

Batayang prinsipyo ng digmaan ang panlilinlang.  

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kasama ang Italy sa Axis ng Hapon at ng Alemanya. Noong 1943, kumalas ang Italy sa Axis, sumanib sa Allies at nagdeklara ng giyera sa Alemanya. Makaraan ang ilang buwan, naganap ang DDay sa Normandy na nagpaatras sa mga Nazi mula Pransya, na naging simula ng pagkatalo ni Hitler. 

Anong laking ganansya ng Amerika kung sa halip na kakampi ay pagmukhaing kaaway si Duterte at sa gayon ay mapalapit nang husto sa China. 

Noong March 11, 2025, nagpunta si Duterte sa Hongkong upang ang sabi ay umattend sa rali ng mga tagasuporta roon subalit ayon sa balita, ay upang humingi ng asylum sa China; alam niyang lumabas na ang arrest warrant sa kanya ng Interpol. 

Palaisipan na kung totoong kaibigan siya ng China, bakit tumanggi itong bigyan siya ng asylum? 

Bumalik si Duterte sa Pilipinas at kara-karakang inaresto ni General Nicolas Torre III at ipinalipad papuntang kustodiya ng ICC sa Hague. 

Tulad ng karaniwang sanggano na natatameme oras na masukol, naging napakaamong tupa ni Duterte sa kanyang detention sa Hague. Sa mga pinakahuling balita labis na ang ipinanghina. Sa salita ni Sara, “buto’t balat” na lang. 

Maliwanag ang hugot: pagmukhaing kaawa-awa sa mata ng balana. Pagsasabayani na naman, tulad ng sa sinauna, nang hindi pa ultimong Diyos ay kanyang pinagmumura. 

Si Sara man ay napakalaki ng ipinagbago. Ang dating animo’y sanggano na walang pakundangang manapok ng sheriff, at sa pagharap sa media ay astang bully na walang kinatatakutan, biglang napakayuming magsalita, napakasibilisado.  

Dito ako kinikilabutan. 

Sa isang balana na sa maraming karanasan ay napatunayang napakamaunawain sukdulang madaling utuin, ang pagbabagong-bihis ng mga Duterte ay malamang na makapanlinlang na muli. 

Hindi ito simpleng pamimili ng kung sino ang ipupuwesto sa gobiyerno na kapag mali ang napili ay palitan. 

Nasa krus na daan ang Pilipinas. Ang isa ay daan ng bulag na pagsunod sa makasariling hegemonikong estratehiya lamang ng Estados Unidos, ang isa ay daan tungo sa adhikain ng China para sa isang pangmundong komunidad na may pinagsasamahang iisang magandang kinabukssan. 

Kung hindi pa ito malinaw kay Presidente Marcos Jr., napakahalaga na maipaunawa sa kanya. 

Kaysa magpadala sa pamumustura ng isang kontra-Amerika kuno, pero huwag ka’t Trojan Horse pala.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -