(Huli sa serye)
NANG binasa ni Tita Sonia, ang panganay na anak ni Lola Nene, ang aking bagong nobelang pambatang “Ang Sekretong Alyas ni Lola Nene” (inilathala ng Adarna House), natuwa siya sa aking paglalarawan sa katauhan ni Lola Nene bilang isang babaeng Huk. “Naaliw ako dun sa parte na sinabi mong mahilig maglipistik si Mommy…”
Naalala kong bigla na naglaan pa ako ng isang buong chapter sa naging papel ng lipstick sa buhay ni Lola Nene (doon sa nobela). Sa totoong buhay kasi, bagama’t naglalagay din si Lola Nene ng lipstick ‘pag lalabas ng bahay, hindi naman ganoon katindi ang kanyang pagiging glamorosa. Pero naisip ko na magandang idagdag ko ito sa kanyang personality profile doon sa nobela. May creative license naman ang nobelista na gawin ito kapag sumusulat ng isang ‘fictionalized biography.’
Ipinaliwanag ko kay Tita Sonia na hiniram ko ang aspektong ito ng pagkatao ni Ka Lita sa isang dating babaeng lider ng Hukbalahap – si Kumander Liwayway. Ayon sa mga kuwento-kuwento, si Kumander Liwayway ay isang glamorosang mandirigma. Bago raw ito sumabak sa giyera, siya’y nagpupulbos, nagpapabango, at naglalagay ng lipstick! Natuwa ako sa nabasa kong ito kung kaya’t ang detalye ng paglilipistik ay hiniram ko at ikinapit sa personalidad ni Ka Lita. Sabi ko nga, sa fictional biography, maaari tayong magdagdag ng ilang elemento sa buhay ng pangunahing tauhan upang mas lumutang at lalong maging kawili-wili ang kanyang kuwento.
Natuwa si Tita Sonia sa dagdag na elementong ito sa pagkatao ni Lola Nene. Sabi pa nga sa akin ni Tita Sonia, “madalas maikuwento sa akin ni Mommy noon si Kumander Liwayway. Parati raw ‘yung nakaayos at naka-lipstick. Pero super tapang daw!” Binanggit ko rin sa kanya na sa dulong bahagi ng aking aklat ay may sinulat na maikling artikulo ang historian na si Professor Xiao Chua kung saan tinalakay niya ang naging papel ng mga kababaihan sa kilusang ito: “Babae at Bayan: Ang Pakikipaglaban Tungo sa Kalayaan.” Dito’y muling binanggit ni Prop Xiao Chua ang pagiging glamorosa ni Kumander Liwayway.
‘Huk’ kung tawagin sina Lola Nene. Pinaigsing termino ito para sa Hukbalahap (Hukbong Bayan Laban sa Hapon) noong Panahon ng Pananakop ng mga Hapon sa bansa. Sa nasabing kilusan, binigyan ng alyas si Lola Nene: Ka Lita. Naglingkod siya bilang technical officer ng Intelligence Unit ng nasabing kilusan. Siya raw ang sumusulat ng mga report tungkol sa mga nakakalap nilang plano at galaw ng mga sundalong Hapones. Isina-submit nila ito sa kanilang mga lider sa kilusan para makapagplano ng mga gagawing hakbang. Kamatayan ang naghihintay sa sino mang Huk na mahuhuli! At buo ang loob ni Ka Lita na harapin ito sakaling mahuli sila o maituro ng mga Makapili.
Nationalistic si Lola Nene. Nakatimo sa kanyang puso ang maribdob na pagmamahal sa bayan. Noong nagsimulang mag-ulyanin si Lola Nene, dalawang awit lang ang lagi na’y halinhinan niyang kinakanta kapag nakaupo’t nagpapahinga. Ito’y ayon sa salaysay ng kanyang mga anak na sina Tita Sonia at Tita Dolly: ang Awit ng Hukbalahap at ang Lupang Hinirang. Itong dalawang kanta lang na ito ang natira sa ‘playlist’ ng kanyang memorya. Nakamamangha sapagkat hindi nagawang burahin ng pag-uulyanin ang karanasan niya sa kilusang Hukbalahap. Nanatili ito sa kaniyang gunita. Pati ang lyrics ng kanta ay malinaw niyang naaalala.
Sa totoo lang, ganoon naman talaga ang nangyayari kapag nabubura ang memorya – nagsisimula ang pagbura nito mula sa ‘most recent memory’ hanggang sa ‘most remote memory.’ Madalas ay nalilimutan niya ang pangalan ng tatlong anak niya (o kung may anak ba siya) pero hindi niya nalimutan ang pakikipagsapalaran niya sa Bundok Arayat noong Panahon ng mga Hapon habang naninirahan sila sa kagubatan ng Cabiao sa Nueva Ecija.
Pati ang Awit ng Hukbalahap ay nanatiling malinaw sa kanyang gunita. Mabuti’t nai-record ni Tita Dolly, isa sa kanyang tatlong anak, na inaawit ni Lola Nene ang Awit ng Hukbalahap. Ito ang naging batayan ko sa pagbanggit ko ng naturang awit na itinampok ko sa nobelang ito. Direct from the horse’s mouth, sabi nga. I transcribed the lyrics batay sa naturang recording ni Tita Dolly nang pagkanta ni Lola Nene ng naturang awitin.
Gaya nang nabanggit ko, hindi lahat ng nasa nobelang ito ay nakabatay sa tunay na pangyayari. May mga tauhan, pook, o pangyayari na pawang kathang-isip lamang para mapaghusay ang kuwento. Dahil kung ibabatay ko ang lahat ng detalye sa tunay na nangyari sa buhay ni Lola Nene, dapat ay sa ‘Maalala Mo Kaya’ ito lumabas. Samakatuwid, ang nobelang ito ay maituturing na isang ‘fictionalized biography’ sapagkat kahit ang paksa ko ay tungkol sa isang ‘tunay na historical figure’ (kagaya nga ni Ka Lita o Lola Nene), nadagdagan ng creative at imaginative elements ang kaniyang life story para maging kawili-wili ang nobela.
May mga pangyayari ring tunay na naganap habang aktibo pang kasapi si Ka Lita ng Hukbalahap movement. Gaya ng eksena noong muntik na silang madakip ng mga sundalong Hapones ngunit nailigtas sila ng sakit na ‘malarya.’ Naikuwento sa akin ni Lola Nene na noong minsang nasa isang baryo sila para magmatyag sa galaw ng mga sundalong Hapones, may nagsumbong sa kanila sa mga Hapones. May mga Huk daw sa bahay na tinuluyan nila (na totoo naman!). Nang malaman daw nilang nandiyan na’t paparating na ang mga Hapones, agad na sinabihan ni Lola Nene (alyas ‘Ka Lita’) ang kasamahang Huk na humiga sa sahig na kawayan at magpanggap na nginingiki (chills) sa lagnat. Siya na raw ang bahala sa lahat. Nang tadyakan ng mga Hapones ang pintuan ng naturang bahay, tumambad sa kanila ang eksena ng isang mag-asawa na nakahiga sa sahig ang lalaki at humahagulgol ang babae.
Sabi ni Lola Nene, nalaman daw niya na ang mga Hapones ay sobrang takot sa sakit na malaria (batay sa nakalap niyang impormasyon), kaya naman ito ang ipinangbala niya sa mga ito. “Help us, officer, please. My husband has malaria. He is dying from malaria. Bring us to the hospital. He has malaria!” Pinagkadiinan niya ang pagbanggit sa malaria. Kuntodo arte raw siya habang ginagawa ito. Bigla raw nagkumahog na tumakbong palayo ang mga sundalong Hapones. Paniwalang-paniwala sa kanilang drama. Ni hindi na raw inalam pa kung totoong Huk nga sila!
Sa nobelang ito, may apo sa tuhod si Lola Nene – alyas Ka Lita – na naging piping saksi sa nagaganap na bullying sa kaklase sa loob ng kanilang paaralan. Pero wala siyang lakas ng loob magsalita. Dahil sa takot? Dahil kaya ayaw niyang mapasangkot? O dahil may pabor siyang nakukuha sa mga kaklaseng bully? Dito papasok ang conflict sa ating kuwento. Paano maipagmamalaki ni Laya na apo siya ni Ka Lita gayong hindi niya mapanindigan ang nagaganap na bullying sa klase nila? Nang binully ng mga Hapon ang ating bansa, isa sa nanindigan si Ka Lita.
Pumanaw si Lola Nene (o si Ka Liota) noong panahon ng pandemya sa edad na 99. Kinulang ng isang taon para sa ika-sandaang kaarawan. But she lived a deathless life. Alam kong kung saan man naroroon si Ka Lita ngayon, pihadong natutuwa siya sa pagkakalathala ng isang nobelang nakabatay sa buhay niya. Iyong pagmamahal sa bayan na ipinakita ni Ka Lita sa nobela, ‘yun sana ang inaasahan kong pagmamahal na ipakikita ng mga kontratista, government officials, senador, at congressmen sa ating bayan. Pero hindi. Binigo nila tayo. Sabi nga ng Ka Lita, “sumpain silang hindi marunong magmalasakit sa bayan!”
Sa pamamagitan ng halimbawa nang naging buhay ni Ka Lita, muli sanang magningas ang ating maalab na pagsinta sa ating bayan. Hindi kailanman naililihim ang pagmamahal sa bayan.



