31.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 12, 2026

Imee: Isang araw lang para sa mga katutubong Pilipino

- Advertisement -
- Advertisement -

“Parati nating hinahanap ang Pilipino identity — dapat kilalanin ang IP, ang OG na mga Pinoy. Kinuha na natin halos lahat ng kanilang lupain, ngunit itong isang araw lang na para sa kanila, ayaw pa nating ibigay.”

Ito ang matapang na pahayag ni Senator Imee Marcos sa pagsusulong ng Senate Bill No. 1130 o National Indigenous Peoples Day Act na magdedeklara sa Agosto 9 bilang Special Non-Working Holiday upang kilalanin ang mga katutubong Pilipino at ang kanilang napakahalagang ambag sa kasaysayan at kultura ng bansa.

Kasabay nito, idinedeklara rin ng panukala ang buong buwan ng Agosto bilang National Indigenous Peoples Month, upang ipagdiwang ang mayamang kultura, tradisyon, at kabayanihan ng mga katutubo sa buong bansa.

Giit ni Marcos, hindi patas na napakaraming sektor at komunidad ang may kani kaniyang holiday, mula sa mga Kristiyano hanggang sa mga Muslim, ngunit wala man lang nakalaan para sa mga katutubong Pilipino na siyang ugat ng ating pagka Pilipino.

“Hindi lang ito tungkol sa walang pasok. Ang holiday na ito ay magiging hudyat ng mas malawak na pagkilos para sa kapakanan ng mga katutubo, para makita natin ang kanilang tunay na kalagayan at matukoy kung anong mga programa pa ang dapat nating isulong para hindi sila maiwanan,” paliwanag ni Marcos.

Kasabay ng panukalang ito, isinusulong din ni Marcos ang Traditional Property Rights of Indigenous Peoples Act (S.B. No. 1131) at ang Comprehensive Anti Discrimination Act (S.B. No. 429) upang mas mapangalagaan laban sa pang aabuso, diskriminasyon, at pang aagaw ng kanilang yaman at kultura.

“Isang araw lang ang hinihingi ko, pero ang halaga nito ay isang buong kasaysayan ng pagkilala, respeto, at katarungan,” mariing pagtatapos ni Marcos.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -