29.2 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

36 Bulakenyong aplikante, hired on the spot sa local job fair

- Advertisement -
- Advertisement -

TATLUMPU’T anim na Bulakenyo ang matagumpay na “Hired on the Spot” (HOTS) sa ginanap na Job Fair for Local Employment sa Robinsons Malolos dito.

Ang agarang tagumpay na ito na binubuo ng 18 na lalaki at 18 na babae ay nagsisilbing patunay ng mataas na pangangailangan para sa lokal na talento at dekalidad na oportunidad sa lalawigan.

Nakapagtala ang matagumpay na job fair ng 427 na rehistradong aplikante kung saan 25 lokal na kumpanya ang nag-alok ng may kabuuang 2,420 lokal na bakanteng trabaho sa iba’t ibang sektor. Sa mataas na resultang ito, 65 na aplikante naman ang nearly hired na nagpapakita ng pagkakatugma ng mga empleyado sa iniaalok na trabaho.

Isa sa mga tampok na kwentong “HOTS” ay si Bravegio Santos, 22 taong gulang mula sa Barangay Barihan, Lungsod ng Malolos na natanggap bilang service crew sa Jollibee Sta. Rita, Guiguinto.

“Maraming salamat po sa pagbuo ng event na ito na sobrang madaming matutulungan na gustong maging empleyado at mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga taong nakisali sa job fair na ito,” ani Santos.

Samantala, sa mensaheng inihayag ng kinatawan ni Gob. Daniel R. Fernando na si James Santos, iginiit niya na isa sa mga pangunahing layunin ng Pamahalaang Panlalawigan ay ang tulungan ang mga kabataang Bulakenyo na makahanap ng disenteng trabaho – isang tulay tungo sa pangarap nilang makatulong sa kanilang pamilya.

“Nawa ay makahanap kayo ng trabaho na inyong ipinagdarasal, trabaho na karapat-dapat na para sa inyo. Hindi lamang trabaho na kikita kayo kundi trabaho na magiging extended home kung saan maipapakita ninyo ang inyong husay at galing na lilinangin sa mga darating pang panahon,” anang gobernador.

Bukod pa sa paghahanap ng trabaho, tampok din sa fair na ito ang “One-Stop Shop” corner, na nagpapabilis sa proseso ng aplikasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang serbisyo ng gobyerno, kabilang ang Philippine Statistics Authority (PSA), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Health Insurance (PhilHealth), Pag-IBIG, at Social Security System (SSS).

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -