UNCLE, napapansin mo ba yung kapitbahay nating si Aling Nena. May alaga pala syang anak na may kapansanan.
Oo, Juan. Naawa nga ako sa kanila. Ang hirap ng buhay nila. Ang daming gastos sa therapy, gamot, at special education. Nung minsan nakausap ko yang si Aling Nena at iniisip nya kung paano raw pag nag-retire na sya at wala na syang trabaho. Paano pa daw kaya nya kakayanin ang pag-alaga sa anak nya.
Ang pagpapalaki ng anak na may kapansanan ay may kaakibat na malaking pagmamahal, sakripisyo, at, siyempre, financial challenges.
Sa Pilipinas, ang mga pamilyang may anak na may kapansanan ay humaharap sa dobleng hamon: ang agarang pangangailangan sa therapy, gamot, at edukasyon, at ang pangmatagalang pagpaplano para sa kinabukasan ng kanilang anak, lalo na kung wala na sila. Ang pag-unawa at paggamit ng financial literacy ay susi para matugunan ang mga hamong ito.
Ayon sa datos ng Unicef nung 2022, may higit kumulang na 1.6 milyong bata ang may disabilities sa Pilipinas.
Sabi rin ng pag-aaral ng Unicef, ang pagaalaga sa mga batang may kapansanan ay nangangahulugang malaki ang gastos. Gumagastos ang mga pamilyang may alagang batang may disability ng higit sa 40 hanggang 80 porsiyento ng budget ng isang normal na pamilya. Kaya, ang epekto nito sa poverty rates ay malaki. Kapag ang pamilya ay mahirao, mas lalo pa itong maghihirap. Halimbawa, sa BARMM sa Mindanao, kung saan ang buhay nila ay bugbog sa mga hamon ng kahirapan, conflict at violence at kawalan ng access sa health care, education, at suporta para sa mga batang may disabilities, mas mabigat ang pinansyal na problema ng mga pamilya.
May mga government support programs naman para sa miyembro ng pamilya na may kapansanan at sa mga pamilyang may alaga sa kanila. Pero hindi rin sadyang sapat para matustusan ng lubos ang gastusin. Ito ay ang sumusunod:
- DSWD Project CHERISH o Children’s Health (mental, physical, social, spiritual, emotional, and economic) Enhanced and Rehabilitated In Scouting Hands. Ito ay nagbibigay ng disability allowance sa mga parent-beneficiaries para sa gastos ng basic needs. healthcare, at education.
- Republic Act 7277: Ito ang batas na nagsasaad ng suporta para sa mga disabled persons tulad ng expanded rehabilitation services, community-based programs, at iba pang benepisyo. Hinihikayat din nito ang partnerships ng gobyerno at pribadong sektor o mga non-government organizations o NGOs para sa pangangailangan ng mga taong may disabilities.
Dahil hindi puedeng umasa na lang ang mga pamilya sa ibibigay ng pamahalaan na may kakulangan din naman, malaking tanong kung paano pagplaplanuhan ang pinansyal na responsabilidad mula sa punto ng magulang at ng anak na may disability.
Mahalaga ang financial literacy para sa magulang at anak na may disability-long-term financial planning skills para sa magulang at basic financial skills para sa anak.
I. Ang pagpaplano ng magulang – pundasyon ng kinabukasan
Bilang magulang, ang pangunahing layunin ay tiyakin na ang iyong anak ay magkakaroon ng sapat na suporta at pangangalaga, kahit wala ka na. Ito ay nangangailangan ng mahusay na financial planning.
Masusing pagba-budget para sa espesyal na pangangailangan
Hindi lang ito basta paglista ng gastos. Kailangan ng detalyadong budget na kasama ang lahat ng gastos na may kaugnayan sa kapansanan ng anak: therapy sessions, gamot, special equipment, transportasyon sa check-up, at posibleng special education.
Ang pag-alam sa eksaktong gastos ay makakatulong na makita kung saan puwedeng mag-adjust, mag-ipon, o maghanap ng karagdagang kita. Ito ang unang hakbang para magkaroon ng kontrol sa sitwasyon.
Pagbuo ng emergency savings
Magtabi ng pondo na sapat para sa 3-6 buwan ng iyong pang-araw-araw na gastos, kasama na ang mga espesyal na pangangailangan ng anak.
Ang mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng biglaang sakit, pagkawala ng trabaho, o emergency na gastos sa therapy ay maaaring magdulot ng matinding stress. Ang emergency fund ay magsisilbing proteksyon para hindi ka na umutang o maantala ang pangangalaga sa anak.
Pangmatagalang pag-iipon at investment para sa kinabukasan ng anak
Maglaan ng pondo para sa pangmatagalang pangangalaga ng anak. Maaaring ito ay sa pamamagitan ng regular na savings account, mutual funds, o iba pang investment vehicles.
Ang pera na ito ang magsisilbing suporta sa anak kapag ikaw ay matanda na o wala na. Kailangan itong lumago sa paglipas ng panahon para matugunan ang inflation at ang patuloy na pangangailangan ng anak.
Paggamit ng mga espesyal na financial tools (Trusts, Insurance)
Pag-aralan ang pagtatayo ng isang “Special Needs Trust” (itanong sa bangko kung paano Ito set-up) o kumuha ng life insurance policy kung saan ang anak ang beneficiary.
Ang trust ay makakatulong na pamahalaan ang pondo para sa anak nang hindi naaapektuhan ang anumang government benefits na maaaring matanggap niya. Ang life insurance naman ay magbibigay ng lump sum na pera para sa anak kapag wala ka na.
Pagpaplano para sa sariling pagreretiro
Bukod sa pagpaplano para sa anak, huwag kalimutan ang sarili mong pagreretiro. Mag-ipon sa SSS/GSIS, at sa iba pang retirement funds. Kung kakayanin, mag-invest din sa mga bagay na puedeng magbigay ng passive income kapag wala ka ng trabaho o pinagkakakitaan- tulad ng real estate o iba pang financial assets (stocks, mutual funds, etc.). Ang mahalaga ay magawa natin na ang pera ay magtrabaho para sa atin.
Ang pinakamalaking regalo na maibibigay mo sa iyong anak ay ang hindi ka magiging pasanin sa kanya o sa ibang miyembro ng pamilya sa iyong pagtanda. Kung financially secure ka, mas madali kang makakatulong sa anak.
II. Pagtuturo ng financial skills sa anak (habang bata pa) bilang hakbang tungo sa independence
Ang pagtuturo ng money management skills sa anak na may kapansanan ay nakadepende sa kanilang kakayahan at kondisyon. Ang layunin ay palakasin ang kanilang independence hangga’t maaari.
Pagkilala sa “kailangan” at “gusto” (Needs vs. Wants)
Simulan sa simpleng pag-uusap. Gumamit ng mga larawan o tunay na bagay. Halimbawa, “Ang pagkain ay kailangan, ang laruan ay gusto.” Ito ang pundasyon ng matalinong paggastos.
Pagsasanay sa pagba-budget at pag-iipon
Kung kaya ng anak, bigyan sila ng maliit na allowance. Turuan silang hatiin ito sa “gastos” o “ipon”. Gumamit ng mga piggy bank o jar na may label.
Nagbibigay ito ng praktikal na karanasan sa pamamahala ng pera at nagtuturo ng pagpapaliban ng kasiyahan (delayed gratification).
Paggamit ng relatable examples at everyday activities
Isama sila sa pagbabayad sa tindahan, pagbibilang ng sukli, o pagpaplano ng grocery list. Kung may kakayahan, turuan silang mag-order online at tingnan ang presyo.
Ang pag-aaral ay mas epektibo kapag ito ay praktikal at bahagi ng pang-araw-araw na buhay.
Pag-unawa sa halaga ng pera
Ipaliwanag kung paano kinikita ang pera (halimbawa, sa pamamagitan ng trabaho). Kung may kakayahan, bigyan sila ng simpleng gawain na may bayad.
Nagtuturo ito ng pagpapahalaga sa pinaghirapan at ang koneksyon ng trabaho sa kita.
Ang papel ng kulturang Pilipino
Sa ating kultura, malakas ang suporta ng pamilya. Ang financial planning na ito ay hindi para “iwanan” ang anak, kundi para masiguro na ang suporta ay magpapatuloy nang hindi nagiging pabigat sa ibang miyembro ng pamilya. Ito ay pagpapakita ng pagmamahal na may foresight at responsibilidad.
Juan, ang financial literacy ay isang napakahalagang tool para sa mga pamilyang may anak na may kapansanan. Ito ay nagbibigay ng kapayapaan ng isip sa mga magulang, at nagbibigay ng pagkakataon sa anak na magkaroon ng mas secure at independent na kinabukasan. Hindi lang ito tungkol sa pera, kundi sa pagbibigay ng dignidad at pag-asa

