BIGLANG-bigla nasumpungan ko ang sarili sa gitna ng krus na daan.
Sasakay ba ako sa uso upang tiyaking may tatangkilik sa pitak na ito?
O tatahakin ang kung anong landas ang dapat para sa kaunlaran ng bayan?
Ang ganung pamimili ang talagang dahilan kung bakit hindi ako nakapagsumite ng kolum nitong nakaraang linggo.
Talagang nakakati-katihan ko nang makipagbalisakan sa mga nagpipilit patunugin ang alingasngas ng korapsyon sa DPWH kaugnay ng mga proyekto sa flood control. Ano ba kung sumakay na nga lang ako sa uso? Tiyak na may magbabasa sa susulatin ko.
Subalit anong saysay kapag ginawa ko ito?
Sobrang napakapalasak na ng isyu ng korapsyon sa gobiyerno upang ito ay lumikha pa ng makatuturang epekto sa mga mamamayan.
Sa isang lipunan na ang tao ay hinubog sa kaderetsahan ng karakter, ang simpleng pagkakasangkot sa katiwalian ay sapat-sapat na upang kumitil ng sariling buhay.
Noong 2007 sa Japan, ang Ministro ng Agriculture, Forestry at Fisheries na si Toshikatsu Matsuoka ay nagbigti sa sarili dahil sa pagkakasangkot sa pag-areglo ng subasta sa kanyang ahensya.
Halaga ng salaping kinorap ay wala pang limandaang libong dolyares.
Sa Pilipinas sa kasalukuyang iskandalo ng korapsyon, dalawang senador ang pinangalanang tumanggap ng lagay kaugnay ng flood control project.
Ayon sa testigo, P350 milyun ang salaping pumasakamay sa isa sa dalawa; inaalam pa kung magkano naman ang sa isa, na milyunes pa rin.
Sa tumanggap ng P350 milyun na hindi maituro ng testigo, wika ni dating Senate Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta, “Ligtas ka na.”
Patutsada ng testigo: “Hindi pa.”
Naghahanap lang ng mahaba-habang pisi na pambigti sa sarili?
May katabaan kasi ang unggoy.
Korap pa more.
Sa usaping ito, hindi maiiwasang maliitin mo si Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas, lahat ng kapangyarihan ay nasa kanya upang disiplinahin ang lahat ng saklaw ng Ehekutibo. Inamin na ng mag-asawang Discaya na 2016 pa nagsimulang lumobo ang kanilang yaman mula sa mga kontrata sa DPWH hanggang sa umabot nga ito sa 42 bilyun ngayon.
Galing na sa bibig ng maysala, malaki ang kurakot sa DPWH.
Kung bakit sa halip na sisantehin agad ang may pananagutan sa DPWH, ang ginawa ni Bongbong ay magkumahog sa pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang siyang pagpaimbistigahin sa anomalya.
Nakikita mo nang nalulunod ang mga tao sa baha, sa halip na dumayb upang iligtas sila, ang gagawin mo ay magkumahog sa pagbuo ng ICI upang paimbestgshan kung bakit may baha.
Ang tawag diyan sa lohika, non sequitur.
Buhay ng tao ang nakataya. Buhay ng tao ang iligtas mo.
Sa isang panayam, ikinatwiran ni Bongbong na kailangan ang masusing imbestigasyon upang tiyakin na walang ligal na teknikalidad ang maaaring magamit ng mga salarin para iligtas ang mga sarili.
Mahirap lunukin ang katwiran na iyan. Wala pa tayo sa yugto ng mga teknikalidad. Naririto pa muna tayo sa dapat na agarang pag-aprehende sa mga salarin dahil kung hindi, baka ang batas ay maisahan.
Tingnan ang nangyari kay Kongresman Zaldy Co, nakapuslit palabas ng Pilipinas, di na maapuhap. Ayon sa isang testifigo, si Co at si House Speaker Martin Romualdez ay dinalhan niya ng male-maletang pera bilang lagay sa insertion na kanilang ginawa sa badyet ng gobiyerno sa isang panahon.
Makabubuting mamulot tayo ng aral kay Pangulong Xi Jinping ng China.
Nito lamang Oktubre sa Beijjng, siyam na matataas na heneral ng China Military Commission ang tinanggal niya sa puwesto at ipinailalim sa imbestigasyon kaugnay ng kanilang pagkakasangkot sa korapsyon.
Wala pang paghatol na ang siyam ay nagkasala, subalit sa diin ng mga ebidensya, sila ay mga potensyal nang kriminal at dapat nang balian ng pakpak upang di makalipad.
Iyan ang presidente, pag hakbang swak.
Sa kaso ng korapsyon sa Pilipinas, lahat ng sangkot ay pinabayaang mag-resign na lang. Nagbitiw si Secretary Manuel Bonoan ng DPWH, nag-resign si Kongresman Co, nagbitiw si Romuakdez sa pagka-Speaker, at pinag-resign ang lahat nang sangkot na engineer ng Bulacan DPWH.
Wala tayong tutol sa madalas sangkalanin ni Bongbong na due process, na aniya’y dapat masunod sa pagpasya sa anomalya ng flood control. Ang tinututulan natin ay ang pagsangkalan sa due process upang bunga nito ay daigin ang ultimong pangangailangan ng hustisya.
Sa ginawa ni Presidente Xi sa siyam na heneral ng CMC, tiniyak niya na sa kaduluduluhan, hustisya ang magwawagi.
Mangyari pa, ang mga manunuring kanluranin ay may palagay na ang ginawa ng presidente ay bahagi lamang ng kanyang nagpapatuloy na paniniguro ng mahigpit na kapit sa kapangyarihan.
Samakatuwid kung gagagarin ni Bongbong ang hakbang na iyun ni Xi, ibig lang sabihin ay mag-aala-strongman din siya?
Aba, e, bakit ang hindi!
Ito ang matagal ko nang ibig ihiyaw.
Napakalaki ng potensyal ng Pilipinas para umunlad. Sa dami ng kanyang likas na yaman at sa sipag at talino ng mga mamamayang hasa sa iba’t ibang larangan ng dunong, walang dudang magagawa nitong humanay sa alinmang maunlad na bansa sa mundo.
Pinakamalaking balakid nga lang sa hangaring ito ang nagpapatuloy na impluwensiya – sukdulang maging aktwal na diktasyon – ng Amerika sa kabuhayan, pulitika at kultura ng bansa.
Ultimong sa usapin ng ugnayang panlabas, malamang na laging diktasyon ng Amerika ang nasusunod.
Kailangang makahulagpos nang ganap sa Amerika upang ang Pilipinas ay makapaimbulog sa matagal nang pangarap na pag-unlad.
Ang tanong, kaya ba ni Bongbong ang maging strongman?



