30.1 C
Manila
Martes, Hunyo 16, 2026

Pangungutang: Diskarte o Delikado?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

UNCLE, ang dami kong kakilala na laging may utang. Minsan, sa pamilya, minsan sa 5-6, minsan sa bangko. Parang normal na lang sa atin ang mangutang. Bakit kaya tayo ganito, Uncle? At paano ba dapat ang tamang pangungutang?

Naku, Juan, ‘yan ang isang malalim na ugat sa ating kultura. Ang pangungutang ay hindi lang usaping pera, kundi usaping pakikisama, pagdadamayan, at minsan, kawalan ng paghahanda. Pero ang totoo, ang utang ay puwedeng maging tulay sa pag-unlad o lubid na magpapalubog sa atin. Kailangan ng matinding financial literacy para hindi tayo maligaw.

Sa Pilipinas, ang kultura ng pangungutang ay tila bahagi na ng ating pang-araw-araw na buhay. Mula sa “paluwagan” sa opisina, sa “5-6” sa palengke, hanggang sa paghingi ng tulong sa kamag-anak, ang paghiram ng pera ay madalas na itinuturing na “diskarte” para malampasan ang biglaang pangangailangan o para makasabay sa mga gastusin.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas:

  • Ang household debt ng Pilipinas ay 11.7 porsiento ng  GDP nuong Dec 2024, kumpara sa 11.3 porsiyento nung nakaraang taon at sa pinakamababang 4.7 porsiyento nung March 2009.
  • Ang household debt ay umabot ng US$53.2 bilyon nung Dec 2024.
  • Ang domestic credit ng Pilipinas ay umakyat sa US$347.3 bilyon nung Enero 2025, mas mataas ng 10.9 porsiyento kesa nung nakalipas na taon.
  • Ang outstanding loans mula universal and commercial banks ay Php13.6 trillion na umakyat ng 11.2 porsiyento nung Agosto 2025 kumpara sa Agosyo 2024.
  • Ang lending sa mga negosyante at households ay umakyat ng 11.6 porsiyento sa parehong period.
  • Ang consumer loans (credit card, motor vehicle, etc.) naman ay lumago ng 23.9 porsiyento.

Bakit madalas tayong nangungutang? Ang “whys” sa kulturang Pilipino

Pangangailangan at emergency: Ito ang pinakakaraniwang dahilan. Biglaang sakit, bayarin sa eskwela, pagkasira ng gamit sa bahay, o kawalan ng trabaho. Dahil sa kakulangan ng emergency fund, ang utang ang nagiging “safety net.”

Kultura ng “pakikisama” at “pagdadamayan”: Mahirap tumanggi sa kaibigan o kamag-anak na nangangailangan. Ang pagpapautang ay itinuturing na pagtulong, at ang pangungutang ay paghingi ng tulong. Minsan, ito ay nagiging cycle kung saan ang nagpapautang ay nangungutang din sa iba.

Kakulangan sa financial literacy at pagpaplano: Marami sa atin ang walang sapat na kaalaman sa budgeting, pag-iipon, at pag-i-invest. Kaya, kapag may biglaang gastos, ang utang ang unang naiisip.

Paggamit ng utang para sa “wants” imbes na “needs”: Minsan, nangungutang tayo hindi para sa pangangailangan, kundi para sa luho o para “makasabay” sa iba – bagong gadget, bakasyon, o party.

Access sa credit: Sa pagdami ng credit cards at online lending apps, mas madali na ngayong mangutang, na nagiging tukso para sa marami.

Ang kultura ng pangungutang sa Pilipinas: Mga Gabay sa Tamang Pamamahala ng Utang

Ang pangungutang ay hindi sadyang masama. Maaari itong maging kapaki-pakinabang na tool para sa pag-unlad ( pautang sa negosyo, bahay, edukasyon). Ngunit kung hindi ito pamamahalaan nang tama, ito ay magiging lubid na sasakal sa atin sa kapahamakan. Para sa mga madalas mangutang, narito ang mga gabay na dapat tandaan, sa ngalan ng UTANG:

U – nawain ang utang at ang iyong sitwasyon

Bago mangutang, mahalagang lubos na unawain ang mga detalya tungkol sa utang. Alamin ang interest rate, panahon ng pagbabayad, at iba pang bayarin tulad ng origination, application, o late fees, dahil ang mataas na interes ay nangangahulugang mas malaki ang babayaran mo. Mangutang lamang ng kung ano ang kailangan at iwasan ang tuksong kunin ang maximum na inaalok upang maging manageable ang bayarin. Bukod pa rito, kailangan mong unawain ang iyong sariling financial situation sa pamamagitan ng paggawa ng detalyadong budget upang malaman kung magkano ang pumapasok at lumalabas na pera bawat buwan.

T – umupad sa plano at subaybayan ang gastos

Kapag nakautang na, mahalagang magkaroon ng matibay na plano sa pagbabayad at tumupad dito. Magbayad ng bills sa oras upang maiwasan ang late fees at mapabuti ang iyong credit history; makakatulong ang pag-set up ng automatic payments para hindi makalimutan. Unahin ang mga utang na may mataas na interes para mabawasan ang kabuuang interes na babayaran. Kung mayroong dagdag na pondo, magbayad ng higit sa minimum. Patuloy na subaybayan ang lahat ng gastos gamit ang apps o simpleng spreadsheet upang makita kung saan napupunta ang pera.

A – yusin ang budget at iwasan ang tukso

Sa pagba-budget, unahin ang pangangailangan kaysa kagustuhan. Tandaan na ang utang ay dapat gamitin sa mga bagay na nagpapataas ng halaga, tulad ng bahay o edukasyon, at hindi sa mga bagay na nawawalan ng halaga, tulad ng bagong damit o libangan. Mahalagang iwasan ang mga “predatory lenders” tulad ng mga nagpapautang ng “5-6” o “payday loans” na may napakataas na interes, dahil ang mga ito ay magpapahirap lamang sa iyo at magpapalubog sa utang; manatili sa mga regulated financial institutions tulad ng bangko at credit unions.

N – aisin ang pagkakaroon ng ipon at emergency fund

Ang pinakamabisang panlaban sa pangungutang para sa emergency ay ang pagkakaroon ng ipon. Mahalagang magtatag ng emergency fund sa pamamagitan ng pag-iipon para sa mga hindi inaasahang gastos tulad ng pagkawala ng trabaho o medical emergencies. Ito ay makakapigil sa iyo na umasa sa pangungutang kapag may krisis, kaya mag-aim ng ipon na katumbas ng anim na buwan ng iyong essential expenses. Habang nagbabayad ng kasalukuyang utang, iwasan ang pagkuha ng bagong utang at mag-focus sa pagbabayad ng existing balances.

G – abay ng eksperto, huwag ipagkait

Kung ang iyong utang ay labis na at nakaka-overwhelm na, huwag mag-atubiling humingi ng propesyonal na tulong. Isaalang-alang ang pagkonsulta sa isang reputable, non-profit credit counseling agency o isang financial advisor. Makakatulong sila sa paggawa ng personalized na plano para pamahalaan ang iyong pananalapi at posibleng makipag-negosasyon sa mga nagpautang. Bukod pa rito, subaybayan ang iyong credit score, dahil ang magandang credit score ay makakatulong para makakuha ng mas magandang terms sa mga kinakailangang pautang sa hinaharap.

Sa huli, Juan, ang kultura ng pangungutang sa Pilipinas ay malalim. Ngunit sa pagdami ng kaalaman at disiplina sa pananalapi, maaari nating baguhin ang ating pananaw sa utang. Hindi ito dapat maging “delikado” na lubid na magpapalubog sa atin, kundi isang “diskarte” na may matalinong pagpaplano para sa ating pag-unlad. Ang pagiging financially literate ay ang susi para magamit ang utang bilang tulay, hindi bilang pasanin.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -