DAAN-DAANG libong katao ang nakiisa sa isang kilos-protesta na pinangunahan ng Iglesia Ni Cristo (INC), ang isa sa mga maimpluwensyang relihiyon sa Pilipinas, upang manawagan para sa transparency at pananagutan bunsod ng maanomalyang flood-control projects ng pamahalaan.
Ayon sa Manila Police District (MPD) ng Philippine National Police (PNP) umabot sa mahigit 600,000 katao ang dumalo sa rally ng INC na ginanap sa Quirino Grandstand sa may Luneta Park, sa lungsod ng Maynila.
Sa kabila ng pagdagsa ng mga tao, nanatili namang payapa at organisado ang kabuuan ng rally na nagsimula noong Linggo, Nobyembre 16 at mas maagang nagtapos nitong Nobyembre 17 sa halip na Nobyembre 18.
Ito ang pinakamalaking kilos-protesta na isinagawa bilang tugon ng publiko sa korapsyon sa trilyong halaga ng mga proyektong pangontra sana sa mga pagbaha sa iba’t ibang dako ng Pilipinas ngunit natagpuang substandard, hindi tapos, o di kaya nama’y hindi talaga ginawa.
Sa mga nagdaang pagdinig sa Senado at sa fact-finding commission, nagbigay ng testimonya ang mga inhinyero ng pamahalaan, kawani ng Department of Public Works and Highways, at mga kontratista na may mga kasapi ng Kongreso at opisyal ng DPWH ang nagkaroon ng ‘kickback’ upang tulungan silang makuha ang mga malalaking kontrata. Itinanggi ito ng mga itinuturong kasabwat.
Layunin ng INC
Sa temang “transparency for a better democracy,” nagsagawa ng programa ang INC kasama ang ibat ibang kilalang personalidad, kabilang ang nakatatandang kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na si Senadora Imee Marcos.
Sa kabila ng panawagan na kinasasangkutan ng mga politiko, kawani ng gobyerno at mga may-ari ng kinontrang kompanya, sinabi ng INC na hindi politikal ang motibo ng kanilang pagsasagawa ng kilos-protesta kundi pagpapahayag ng kanilang sentimyento kontra sa katiwalian..
“Mahigit na pong 100 araw ang lumipas ay wala pang sinumang nakakasuhan o napapatawan ng kaukulang parusa,” pahayag ni Rommel Topacio, isang INC minister,bilang bahagi ng programa sa Quirino Grandstand.
Naglabas ng isang memorandum noong Agosto 20, 2025 ang Commission on Audit (COA) para sa pagsasagawa ng agarang inspeksyon sa mga flood control projects sa Bulacan bilang bahagi ng isinasagawa nitong fraud audit na kinapapalooban ng mahigit tatlong taong paggasta sa public works.
“Hindi natin hinahangad ang pagbagsak ng ating pamahalaan bilang institusyon, sana maging maliwanag iyan sa lahat. Ang nais natin ay ang pagbagsak ng katiwalian,” pagbibigay-diin ni Bienvenido Santiago, Jr., INC Minister of the gospel.
Matatandaang sinuportahan ng INC, sa pamamagitan ng kanilang bloc-voting, sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos at Bise-Presidente Sara Duterte noong nakaraang presidential elections.
Ngunit sa programa sa Quirino Grandstand kamakailan, nagsalita si Senador Imee Marcos, kapatid ni Pangulong Marcos, na inaakusahan ang presidente at maging si First Lady Liza Marcos na lulong sa droga.
““Kinumbinsi ko pa si Bongbong, pakasalan mo na si Liza (Araneta),” ani Marcos. “Naisip ko noon, kapag nag-asawa siya, malalagay na sa tahimik at magkakaroon ng direksyon. Ang laki ng pagkakamali ko. Mas lumala ang pagkalulong niya sa droga. Parehas pala silang mag-asawa,” ani Imee, ang nakatatandang kapatid ng pangulo.
Bago pa man ito sinabi ni INC general evangelist Santiago na laban ang INC sa ano mang ilegal at hindi konstitusyonal na pamamaraan gaya ng rebolusyon, kudeta, snap elections at civilian-military junta.
“Basta ‘yung hakbang na magbubunga ng karahasan at kaguluhan, hindi tayo sang-ayon diyan. Ang gusto natin, lahat ng solusyon, lahat ng hakbang, dapat sumunod sa paraang legal at payapa,” ayon kay Santiago.
Ayon sa pulisya, nangako ang INC na magiging mapayapa ang kanilang kilos-protesta.
Ibang grupong nakisabay sa kilos-protesta
May ibang mga grupo na nananawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Marcos ang sumubok sumali sa kilos-protesta ng INC ngunit hindi sila pinatuloy.
Itinuloy nila ang kanilang hiwalay na protesta sa Liwasang Bonifacio katabi ng Manila City Hall, hawak ang kanilang mga plakard na humihiling ng pagbibitiw ni Pangulong Marcos.
Samantala, isang grupo naman ng mga retiradong opisyal ng militar ang nagsabing dapat magbitiw ni Pangulong Marcos kung hindi niya masasagot ang mga alegasyon ng korapsyon at iregularidad sa budget na ibinibintang ni dating kongresman Zaldy Co.
Sa isang video, sinabi ni Co na tumanggap ng P25 bilyon si Pangulong Marcos mula sa P100 bilyong insertions na kaniyang hiniling sa 2025 national budget.
Ayon sa pahayag ni United People’s Initiative (UPI), niyanig pa ng mga rebelasyon ni Co ang mahina nang tiwala sa pamunuan ng bansa.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na naniniwala siyamg nagpagamit si dating Ako Bicol party-list representative sa mga grupong nagnanais patalsikin si Pangulong Marcos sa Malakanyang sa pag-asang makakaiwas sya na makulong.
Isa si Co sa mga itinuturong may kinalaman sa maanomalyang flood control projects.
Sariling kilos protesta
Isinagawa ng UPI ang sarili nitong kilos protesta nitong nakaraang Linggo sa EDSA People Power Monument sa Quezon City.
Ayon sa grupo, inaasahan nilang daragsain ang kanilang kilos-prootesta ng may 300,000 ngunit dinaluhan lamang ito ng humigit-kumulang 4,000 katao noong Linggo.
Unang rekomendasyon ng ICI
Nitong Nobyembre, naghain ng rekomendasyon ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na sampahan ng kasong pandarambong (plunder) at indirect bribery ang mga senador na sina Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, Co, at ilang mga dating opisyal ng gobyerno sa Ombudsman.
Sa ulat ng The Manila Times, sinabi rito na sa isang briefing sa Office of the Ombudsman, sinabi ni ICI Chairman Andres Reyes na maaaring managot dahil sa paglabag sa mga Artikulo 210-212 ng Revised Penal Code kaugnay ng panunuhol at korapsyon ng mga opisyal ng pamahalaan, Seksyon 3(b) at 3(c) ng Republic Act (RA) 3019, o ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Seksyon 2 ng RA 7080, o ng Plunder Law sina Senador Jinggoy Estrada, Senador Joel Villanueva, at dating Ako Bicol Party-list representative Elizaldy “Zaldy” Co, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Roberto Bernardo, Commission on Audit Commissioner Mario Lipana at dating Caloocan representative Mary Mitzi Cajayon-Uy.
Ito ang kauna-unahang rekomendasyon ng ICI simula nang simulan nito ang imbestigasyon nitong nakaraang Setyembre 1.
Ayon kay Reyes, base sa mga sinumpaang salaysay at ebidensyang mula sa mga dating DPWH engineer na sina Henry Alcantara, Brie Hernandez at Jaypee Mendoza ang rekomendasyon ng ICI.
Unang kaso
Nitong Nobyembre 18, 2025, isinampa ng Office of the Ombudsman ang kauna-unahang kasong may kinalaman sa flood control projects sa Sandiganbayan.
Kaso ito laban kay Co at ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y may kinalaman sa maanomalyang flood control project sa Oriental Mindoro.
Ayon sa pahayag ni Clavano, nagsimula ang kaso sa unang referral report ng ICI na kinasasangkutan ng DPWH Region IV-B at ng kontraktor na Sunwest, Inc.
”After two months of investigation, gathering evidence, and sifting through testimonies of witnesses, the Office of the Ombudsman announces today that we have issued a resolution finding probable cause to file criminal charges in connection with serious irregularities uncovered in a major flood-control project in Oriental Mindoro,” saad ni Clavano.
Bukod kay Co, kabilang sa mga kinasuhan ang ilang opisyal ng DPWH Mimaropa at mga kasapi ng board of directors ng Sunwest Corporation.

